Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Pag-aaral ng Bagong Tipan


“Pag aaral ng Bagong Tipan,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Pag-aaral ng Bagong Tipan

Ano ang Bagong Tipan?

Ang Bagong Tipan ay talaan ng buhay, mga turo, at misyon ni Jesucristo. Itinuturo at pinatototohanan nito ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli. Nagbibigay rin ito ng ulat tungkol sa ministeryo ng Kanyang mga disipulo upang maipalaganap ang ebanghelyo at maitatag ang Kanyang Simbahan.

Binibigyang-diin ng Bagong Tipan na natupad ni Jesucristo ang batas ni Moises—ang lumang tipan. Itinuro ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo ang bagong tipan upang tulungan ang mga anak ng Diyos na makabalik sa Kanyang piling.

May 27 na aklat sa Bagong Tipan. Ang mga pangunahing nagsulat ng mga aklat na ito, bagama’t hindi eksklusibo, ay ang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo. Karaniwang nahahati ito sa Mga Ebanghelyo, ang Mga Gawa ng mga Apostol, Mga Sulat ni Pablo, mga pangkalahatang Sulat, at ang aklat ng Apocalipsis.

Paano natin nakuha ang Bagong Tipan?

Walang nakaligtas na mga orihinal na manuskrito na isinulat ng mga may-akda ng Bagong Tipan. Ang pinakaunang mga manuskrito ng mga indibiduwal na aklat ng Bagong Tipan ay nagsimula pagkatapos ng AD 200. Ang pinakaunang kilalang mga koleksyon ng mga aklat ng Bagong Tipan ay nagsimula noong ikaapat na siglo.

Mula sa unang siglo, nagsimulang gumawa ang mga Kristiyano ng mga kopya ng mga teksto ng Bagong Tipan sa codex form. Ang codex ay may format ng aklat, na may hiwa-hiwalay na pahina na pinagbigkis-bigkis, sa halip na isang balumbon, na nakaugaliang paraan ng pagsulat ng mga teksto ng Lumang Tipan. Maaaring naging isa ito sa mga ideya sa pagbuo ng koleksyon ng mga aklat na kilala ngayon bilang Biblia. Ang salitang Bible ay nagmula sa salitang Griyego na biblia, na ang literal na kahulugan ay “mga aklat.” Sa pamamagitan ng codex, maaaring lumikha ng koleksyon ng maraming aklat sa isang nakabigkis na tomo.

replika ng isang Greek codex

Ang ilan sa mga pinakaunang aklat sa Bagong Tipan ay nagbabala tungkol sa apostasiya sa Simbahan sa panahong iyon. Nangyayari ang apostasiya kapag ang mga indibiduwal o grupo ay tumatalikod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Matapos patayin ang mga Apostol ni Jesucristo, mas tumindi ang apostasiya. Ang mga katotohanan at tipan ng ebanghelyo ay binaluktot at binago. Nang lumaganap ang apostasiya, inalis ng Panginoon ang Kanyang mga susi at awtoridad ng priesthood sa lupa.

Dahil sa apostasiya nagkaroon ng magkakalabang grupo ng mga Kristiyano. Inihayag ng bawat grupo na batay sa mga banal na kasulatan ang kanilang magkakaibang paniniwala. Habang tumitindi ang mga debate, nadama ng mga Kristiyano na kailangan nilang magtipon ng isang tanggap na koleksyon ng mga sulating Kristiyano. Naniwala sila na ang ilang mga sulatin ay tunay samantalang ang iba ay kuwestiyonable, na ang ilan ay mas mahalaga kaysa sa iba.

Nang maglaon, sinikap ng mga Kristiyanong lider ng ikatlo at ikaapat na siglo na alamin kung aling mga teksto ang tatanggapin bilang banal na kasulatan. Isa sa mga pamantayang ginamit nila ay kung ang isang teksto ay isinulat o nauugnay sa isang Apostol. Isinaalang-alang din nila kung gaano kahusay ang pagkakatugma ng isang teksto sa mga tradisyonal na paniniwala ng mga Kristiyano. Isinaalang-alang sa ikatlong pamantayan kung ang isang teksto ay may malawak na suporta sa mga komunidad ng Kristiyano.

Gamit ang mga pamantayang ito, noong AD 367 inirekomenda ni Athanasius, ang obispo ng Alexandria sa Ehipto, ang isang listahan na naglalaman ng 27 aklat na kasalukuyang nasa Bagong Tipan na ginagamit ng karamihan sa mga Kristiyano. Bagama’t tinanggap kalaunan ng karamihan ang kanyang listahan, wala pa ring listahan ng mga aklat ng Bagong Tipan na ginagamit at sinasang-ayunan ng lahat ng Kristiyano.

Makalipas ang daan-daang taon, iba’t ibang bersyon ng Bagong Tipan ang isinalin sa mga wikang ginagamit natin ngayon. Marami sa mga taong responsable sa pagsasalin at pagsisikap na maipabasa ang Biblia ay gumawa ng malaking sakripisyo, “maging hanggang kamatayan, upang ilabas ang salita ng Diyos mula sa kadiliman.”

Bakit ginagamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang King James Version ng Biblia?

Mula 1604 hanggang 1611, mga 50 eskolar na hinirang ni King James I ng England ang gumawa ng bagong salin ng Biblia sa Ingles. Nakilala ito bilang King James Version, na kung minsan ay tinatawag na Awtorisadong Bersyon.

Ang mga tagasalin ay umasa sa mga naunang salin ng Biblia sa Ingles. Sumangguni rin sila sa iba pang mga makatutulong na resources, kabilang ang mga manuskrito ng mga teksto ng Biblia sa Hebreo at Griyego. Ito ang King James Version ng Biblia na pinag-aralan ni Joseph Smith. Ang King James Version ay walang hanggan ang kahalagahan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Makikita ang bokabularyo at estilo ng wika nito sa buong Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan.

ang batang si Joseph Smith na nagbabasa ng Biblia

Isinulat ng Unang Panguluhan:

Bagama’t maaaring mas madaling basahin ang iba pang mga bersyon ng Biblia kaysa sa King James Version, sa mga bagay na may kinalaman sa doktrina sinusuportahan ng paghahayag sa mga huling araw ang King James Version kaysa iba pang mga salin sa Ingles. Sinuportahan ng lahat ng naging Pangulo ng Simbahan, simula kay Propetang Joseph Smith, ang King James Version sa pamamagitan ng paghihikayat na patuloy na gamitin ito sa Simbahan. Batay sa lahat ng nabanggit sa itaas, ito ang Biblia sa wikang Ingles na ginagamit ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Saan ko pa malalaman ang tungkol sa magagamit na Biblia na hindi Ingles?

Sa koleksyon ng mga Banal na Kasulatan sa Gospel Library, makikita mo ang Translations and Formats. Piliin ang “Holy Bible” para makita ang listahan ng mga salin ng Biblia na inilathala o pinili para gamitin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ano ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia?

Nagpakita si Propetang Joseph Smith ng matinding pagmamahal para sa Biblia sa buong buhay niya. Gayunman, alam niya na may mga problema sa teksto nito. Sabi niya: “Naniniwala ako sa nakasaad sa Biblia kapag nagbuhat ito sa panulat ng mga orihinal na may-akda. Ang mga walang muwang na tagasalin, walang ingat na tagasulat, o mapanlinlang at tiwaling saserdote ay marami nang nagawang mali.”

Noong tag-init ng 1830, sinimulan ng Propeta ang rebisyon o pagsasalin ng King James Version ng Biblia sa Ingles. Itinuring niya itong bahagi ng kanyang tungkulin bilang propeta. Natapos ni Joseph ang karamihan sa kanyang gawain noong Hulyo 1833, bagama’t patuloy siyang gumawa ng maliliit na pagbabago sa kanyang manuskrito hanggang sa pumanaw siya noong 1844.

Hindi isinalin ng Propeta ang Biblia mula sa ibang wika. Ni hindi siya gumamit ng Hebreo at Griyego bilang sources o umasa sa mga leksikon. Sa halip, binasa at pinag-aralan niya ang mga talata mula sa King James Version ng Biblia at pagkatapos ay gumawa ng mga pagwawasto at pagdaragdag ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang kanyang naunang salin ay mas nagpahaba sa mga talata na nagpalawak ng mga salaysay at turo sa Biblia. Ilan sa mga halimbawa nito ang aklat ni Moises at ang Joseph Smith—Mateo. Kabilang sa iba pang mga rebisyon ang “mas maliliit na pagbabago na nagpaganda ng gramatika, nagpalinaw ng kahulugan, nagpamoderno ng pananalita, nagwasto ng mga punto ng doktrina, o nagpabawas ng hindi pagkakatugma-tugma.”

paglalarawan ng isang pintor kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na nagsasalin ng Biblia

Joseph and Sidney [Joseph at Sidney], ni Annie Henrie Nader

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks na ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia “ay miyembro ng maharlikang pamilya ng banal na kasulatan … Dapat itong mapansin at parangalan sa anumang okasyon kapag naroon ito.”

Marami sa mga inspiradong rebisyon ng Propeta ang matatagpuan sa Joseph Smith Translation Appendix, na makikita sa Mga Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library. Matatagpuan din ang mga ito sa mga talababa at apendiks ng Biblia sa mga edisyon ng Biblia na Banal sa mga Huling Araw.

Alamin ang Iba Pa

  • M. Russell Ballard, “Ang Himala ng Banal na Biblia,” Liahona, Mayo 2007, 80–82

  • Neal A. Maxwell, “The New Testament—a Matchless Portrait of the Savior,” Ensign, Dis. 1986, 20–27

  • Shon D. Hopkin, “How New Testament Disciples Built on Old Testament Foundations” (digital-only article), Liahona, Ene. 2023, Gospel Library

  • Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” Gospel Library

Media

Mga Tala

  1. Tingnan sa Bible Dictionary, “Covenant,” Gospel Library.

  2. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel and others, Jesus Christ and the World of the New Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2006), 7.

  3. Tingnan sa Lincoln H. Blumell, “The Greek New Testament Text of the King James Version,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, ed. Lincoln H. Blumell (2019), 702–3.

  4. Tingnan sa Daniel Becerra, “The Canonization of the New Testament,” sa Learn of Me: History and Teachings of the New Testament, ed. John Hilton III and Nicholas J. Frederick (2022), 778; Holzapfel and others, Jesus Christ and the World of the New Testament, 7.

  5. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biblia,” Gospel Library.

  6. Tingnan sa Mga Gawa 20:29–30; 1 Corinto 1:10–13; Galacia 1:6–8; 2 Pedro 2:1–3; 3 Juan 1:9–10; Judas 1:3–4, 18–19.

  7. Tingnan sa 1 Nephi 13:26–29.

  8. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Apostasy and Restoration,” Ensign, Mayo 1995, 84–87; M. Russell Ballard, “Restored Truth,” Ensign, Nob. 1994, 65–66.

  9. Tingnan sa Becerra, “The Canonization of the New Testament,” 780–81.

  10. Tingnan sa Becerra, “The Canonization of the New Testament,” 782.

  11. D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 32.

  12. Tingnan sa Lincoln H. Blumell and Jan J. Martin, “The King James Translation of the New Testament,” sa Blumell, New Testament History, Culture, and Society, 673–74, 677.

  13. Tingnan sa Blumell and Martin, “The King James Translation of the New Testament,” 674–75.

  14. Tingnan sa “History of the Scriptures,” sa About the Scriptures, ChurchofJesusChrist.org.

  15. First Presidency Statement on the King James Version of the Bible,” Ensign, Ago. 1992, 80.

  16. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 240–41.

  17. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS),” Gospel Library.

  18. Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” Gospel Library.

  19. Dallin H. Oaks, “Scripture Reading, Revelation, and the JST,” sa Plain and Precious Truths Restored: The Doctrinal and Historical Significance of the Joseph Smith Translation, ed. Robert L. Millet and Robert J. Matthews (1995), 13.