“Panahon sa Pagitan ng Luma at Bagong Tipan,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Panahon sa Pagitan ng Luma at Bagong Tipan
Ang Malakias ang huling aklat ng Lumang Tipan. Ang kanyang propesiya ay inihayag noong mga 430 BC. Pagkatapos ni Malakias, wala tayong talaan sa Biblia tungkol sa awtorisadong tinig ng propeta hanggang sa Bagong Tipan. Ang panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan ay kilala bilang intertestamental period. “Dahil walang propeta, ang mga tao sa lupain ay nagsimulang mahati sa mga partido at grupo, bawat isa’y nagsasabing may karapatan siya na bigyang-kahulugan ang mga banal na kasulatan at pamunuan ang mga tao. Ang tamang pagkaunawa tungkol kay Jehova ay naglaho sa mga grupong ito. Sinundan ito ng mahabang panahon ng kalituhan, na nagwakas nang magpadala ang Diyos ng isang bagong propeta, si Juan Bautista, para pasimulan ang isang bagong dispensasyon.”
Ang pag-unawa sa panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang kalagayan ng ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa.
Paano nagkaroon ng impluwensya at kapangyarihan ang mga eskriba?
Noong 597 at muli noong 587 BC, sinalakay ng mga hukbo ng Babilonia ang Jerusalem at dinala ang mga piling Judio bilang bihag sa Babilonia. Tinangay nila ang mga miyembro ng mga pamilya ng mga saserdote at mga maharlika, mga artesano, mga manggagawa, at malalakas na lalaking mandirigma. Ang mga magsasaka at ang mga nasa kabayanan at kanayunan ang natira.
Ang mga ipinatapon ay nagsikap na manatiling tapat sa kanilang relihiyon at kultura kahit na naimpluwensyahan sila ng kultura ng Babilonia. Ginamit nila ang kalendaryo ng Babilonia, at napalitan ng wikang Aramaiko ang Hebreo sa kanilang pakikipag-usap sa araw-araw. Ang mga ipinatapon ay nagtipon sa mga lokal na kongregasyon nang mas lumaganap ang pagsamba sa sinagoga ng mga Judio.
Noong mga 538 BC, sinakop ni Haring Ciro ng Persia ang Babilonia. Pinayagan niya ang mga ipinatapon na Judio na bumalik sa kanilang bayan upang muling itayo ang templo. Subalit marami ang piniling manatili sa Babilonia. Halos isang siglo matapos ang pahayag ni Ciro, isang eskriba at saserdote na nagngangalang Ezra ang naglakbay kasama ang grupo ng mga ipinatapon patungo sa Jerusalem. Kasama ni Nehemias, itinuro niya sa mga tao na mahigpit na sundin ang batas ni Moises. Tinulungan ni Ezra ang pagsisimula ng bagong panahon na nagbibigay-diin sa hayagang pagbabasa ng banal na kasulatan.
Ezra Called as Scribe [Tinawag si Ezra bilang Eskriba], ni Robert T. Barrett
Mula sa halimbawa ni Ezra, nagkaroon ng isang bagong grupo ng mga eskriba upang maging maimpluwensyang mga guro ng batas. Ang mga eskriba ay mga lalaking edukado na kumikita bilang mga tagapag-ingat ng talaan at mga tagakopya ng mga banal na kasulatan. Masigasig nilang pinag-aralan ang mga tekstong panrelihiyon upang maunawaan ang kahulugan nito at upang matukoy ang mga pagkakamali sa pagsulat. Nagbigay din sila ng mga kopya ng mga banal na kasulatan sa lumalaking bilang ng mga sinagoga. Naging dalubhasa ang mga eskriba sa pagbibigay-kahulugan sa batas ni Moises.
Isang mahalagang dahilan kaya nadagdagan ang importansya ng mga eskriba ay ang paglipat ng pangunahing wika ng mga tao sa Aramaiko mula sa Hebreo. Bagama’t malaki ang pagkakatulad ng mga wikang ito, mahirap pa rin sa mga Judio na nagsasalita lamang ng Aramaiko na maunawaan ang mga banal na kasulatan sa Hebreo. Kaya kinailangan ng mga tao na umasa sa mga eskriba upang basahin, bigyang-kahulugan, at ipaliwanag ang mga ito.
Hindi na nakapagtataka na sa paglipas ng panahon ay iba-iba ang interpretasyon ng iba’t ibang grupo sa mga banal na kasulatan. Dahil walang mga propetang gagabay sa kanila, ang lipunang Judio ay lalong nagkahati-hati at nagtalu-talo. Nawala ang tunay na layunin ng batas ni Moises, gayundin ang tamang pag-unawa tungkol sa darating na Mesiyas.
Paano naimpluwensyahan ng kultura ng mga Griyego ang mga Judio?
Pagsapit ng ikaapat na siglo BC, ang mga Griyego na ang naging bagong makapangyarihan sa mundo. Pinangunahan ni Alexander the Great ang kanyang mga hukbo upang talunin ang Imperyong Persian. Mula roon ay mabilis niyang ginalugad ang buong Gitnang Silangan, sinakop ang lahat ng mga bansa na kanyang madaanan, kabilang ang Judea.
Hindi nagtagal matapos masakop ni Alexander [ang Gitnang Silangan] ay nagsidating ang mga kolonistang Griyego, kabilang ang mga mangangalakal at manggagawa. Tinangka ni Alexander na pag-isahin ang kanyang imperyo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kultura at wikang Griyego. Ang mga aklatan, gymnasium, mga paaralang nagtuturo ng pilosopiya at retorika, mga teatro, at mga konseho ng bayan ng Griyego ay naglitawan sa mga lungsod sa buong imperyo. Ang paglaganap na ito ng kulturang Griyego ay tinatawag kung minsan na Helenismo.
Kusang-loob na tinanggap ng ilang Judio ang mga paraan ng pamumuhay ng mga Griyego. Ang iba ay nag-atubili at naniwala na ang paggawa nito ay nagpapahina sa identidad ng mga Judio. Sa panahong ito, maraming Judio ang umalis sa Judea para manirahan sa iba pang mga lungsod ng Griyego, na lalong nagpalawak sa pagkalat ng mga Judio. Ang mga komunidad at sinagoga ng mga Judio sa iba’t ibang panig ng Mediterranea ay magpapadali kalaunan sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo.
Ang paglaganap ng Helenismo ay humantong sa isang bagong pagsasalin ng mga banal na kasulatan sa Hebreo sa wikang Griyego. Ang pinakaunang salin sa Griyego na napreserba ay ang Septuagint na ginawa sa Alexandria, Egypt. Ang salin na ito ang banal na kasulatan na ginamit ng karamihan sa mga unang Kristiyano upang maipalaganap ang ebanghelyo sa labas ng Palestina.
Paano naimpluwensyahan ng paghihimagsik ng mga Macabeo ang mga Judio?
Nang mamatay si Alexander the Great, nahati ang kanyang imperyo sa kanyang mga heneral. Isa sa kanyang mga heneral na nagngangalang Seleucus ang nagtatag ng kanyang sariling imperyo. Nang maglaon, ang mga pinuno ng Seleucid ang namuno sa Palestina. Noong 167 BC, tinangka ng isa sa mga pinunong ito na ipilit sa mga Judio ang kultura at relihiyong Griyego. Nilooban nila ang templo sa Jerusalem. Nag-alay sila ng baboy, mga hayop na itinuturing na marumi sa ilalim ng batas ni Moises, sa dambana ng templo. Ipinagbawal nila ang pangingilin ng mga Judio sa sabbath, pagdiriwang, at pagtutuli.
Ang mga pagkilos at paghihigpit na ito ay matinding ikinagalit ng komunidad ng mga Judio. Bilang tugon, isang saserdoteng nagngangalang Mattathias at ang kanyang limang anak na lalaki ang namuno sa isang paghihimagsik. Sa kalaunan ang kanyang anak na si Judas ang naging pinuno ng paghihimagsik. Pinangalanan siya na Maccabaeus, na ang ibig sabihin ay “tagapagmartilyo.”
Muling nakuha ng hukbo ni Maccabaeus ang Jerusalem at muling inilaan ang templo. Ginugunita ng Kapistahan ng Paglalaan (Hanukkah) ang mahalagang pangyayaring ito. Sa huli ay nagtagumpay ang mga pinuno ng mga Maccabeo sa pagtatatag ng isang malayang estado ng mga Judio sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit 400 taon. Si Simon, na anak ni Mattathias, ay naging mataas na saserdote at gobernador ng Judea, kaya itinatag ang dinastiyang Hasmonean.
Sino ang mga Fariseo?
Nagkaroon ng dalawang maimpluwensyang grupo ng mga Judio noong ikalawang siglo BC: ang mga Fariseo at ang mga Saduceo.
Ang mga Fariseo ay isang grupo ng mga relihiyosong Judio na ang pangalan ay maaaring nangangahulugang “separatist [separatista].” Maaaring ito ay tumutukoy sa kanilang pagtutol sa pamamahala ng mga Hasmonean. Maaari ding tumutukoy ito sa kanilang mga pagsisikap na ihiwalay ang kanilang sarili mula sa mga karumihan ng mga Gentil. Para mahadlangan ang mga impluwensya ng mga Griyego, nagpasiya ang mga Fariseo na mahigpit na sundin ang batas ni Moises. Ang kanilang sigasig sa ritwal na kadalisayan ay humantong sa pagkundena nila sa sinumang hindi umaayon sa kanilang mga patakaran at tradisyon. Sa pangkalahatan, ang mga Fariseo ang pangunahing pinagmumulan ng pagsalungat kay Jesucristo.
Bukod sa nakasulat na batas ni Moises, itinaguyod ng mga Fariseo ang oral na batas, o tradisyon. Ang oral na batas ay nagpapaliwang ng mga paraan kung paano ipapamuhay ang batas ni Moises. Naglalaman ito ng mga patakaran at talakayan kung paano ipamuhay ang batas ng Diyos. Sinabi ng mga Fariseo na ang mga patakaran at turong ito ay ipinasa-pasa nang pasalita mula kay Moises hanggang kay Josue, na ipinasa ang mga ito sa mga nakatatanda ng Israel, na ipinasa naman ang mga ito sa mga propeta. Naniniwala ang mga Fariseo na ang oral na tradisyong ito ay may awtoridad na kapantay ng nakasulat na banal na kasulatan. Karaniwan sa kanilang mga turo ang pagturing sa relihiyon bilang mga patakaran lamang na dapat sundin. Paminsan-minsan, nakikipagtalo ang mga Fariseo kay Jesus tungkol sa oral na batas o “tradisyon ng matatanda.”
Ang mga Fariseo ay naniniwala sa kabilang buhay, mga anghel at espiritu, personal na pagkabuhay na mag-uli, at huling paghuhukom.
Sino ang mga Saduceo?
Kung ang mga Fariseo ay kadalasang mula sa mga karaniwang tao, ang mga Saduceo naman ay mula sa upper-class na mga aristokrata. Karaniwan silang kumakatawan sa mayayaman sa lipunan na tumanggap ng kulturang Griyego. Ang kanilang pinapanigang relihiyon ay halos binubuo ng mga saserdote na naglilingkod sa templo.
Hindi tiyak kung saan sila nagmula. Naniniwala ang ilan na ang salitang Saduceo ay nagmula sa salita na ang ibig sabihin ay “mabuti.” Samakatuwid, ang pangalan ay maaaring mangahulugang “isang mabuting tao.” Naniniwala naman ang iba na ang Saduceo ay nagmula sa pangalang Zadok, ang mataas na saserdote noong panahon nina Haring David at Haring Solomon. Maaaring iniugnay ng mga Saduceo ang kanilang mga sarili sa pamilya ni Zadok para mapalakas ang kanilang pag-angkin sa kapangyarihan at pamamahala sa templo.
Ang mga Saduceo ay naniniwala lamang sa nakasulat na batas na nakapaloob sa Torah (ang unang limang aklat ng Lumang Tipan). Hindi sila naniniwala sa mga anghel at espiritu, Pagkabuhay na Mag-uli, at kabilang-buhay. Binigyang-diin nila na ang mga ritwal at pag-aalay ng handog sa templo ay mahalaga sa pagpapanatili ng ugnayan sa Diyos. Sinalungat nila ang paglilinis ni Jesus sa templo, na itinuring nilang hamon sa kanilang awtoridad.
Paano naimpluwensiyahan ng mga Romano at ni Herodes na Dakila ang mga Judio sa Judea?
Hindi nagtagal ang kalayaan ng mga Judio. Nang sumiklab ang digmaang sibil sa pagitan ng magkakatunggaling pinuno ng Judio sa Judea, nakialam ang mga Romano. Noong 63 BC, sinalakay ng heneral na Romano na si Pompey ang Jerusalem, at muling naging isang nasakop na lupain ang Judea. Sa huli ay hinirang ng Roma si Herodes na Dakila na mamahala sa Judea.
Natuwa ang mga Romano kay Herodes dahil napanatili niya ang kaayusan sa isang lalawigan na kilalang magulo. Si Herodes ay isang magaling na tagapangasiwa. Pinalawak at pinatibay niya ang mga hangganan ng Judea. Sa tulong at impluwensya niya, ang mga Judio ay nagarantiyahan ng kalayaan na sumamba sa buong Imperyo ng Roma. Si Herodes din ang nagpaganda at nagpalawak ng templo sa Jerusalem, na noon ay nakilala bilang templo ni Herodes.
Kilala rin si Herodes sa kanyang kalupitan. Iniutos niyang lunurin ang mataas na saserdote, na kapatid din ng kanyang asawa, upang makapagtalaga siya ng bagong mataas na saserdote. Marahas ang kanyang tugon sa mga ulat tungkol sa sinumang nagbabalak na ibagsak siya. Labis na mapaghinala, ipinapatay niya ang kanyang asawang si Mariamne. Kalaunan, ipinapatay din niya ang kanilang dalawang anak. Dahil nangamba sa balita ng pagsilang ng Mesiyas, iniutos niya na patayin ang lahat ng bata na may edad dalawang taong gulang pababa sa Bethlehem.
Pagkamatay ni Herodes noong 4 BC, ang kanyang kaharian ay hinati sa kanyang tatlong anak. Isa sa kanila, si Herodes Antipas, ang namuno sa Galilea. Siya ang Herodes na madalas banggitin noong panahon ng ministeryo ni Jesucristo.
Dahil sa kaguluhan sa Judea tinanggal ng emperador ng Roma ang anak ni Herodes na si Arquelao bilang pinuno sa Judea. Simula noong AD 6, nagsimulang magtalaga ang Roma ng mga gobernador sa lalawigan ng Judea. Si Poncio Pilato ay hinirang na gobernador noong AD 26.
Sino ang mga Herodian at mga Zealot?
Isang grupo ng mga Judio ang pabor sa paghahari ni Herodes Antipas at hinimok nila ang mga tao na suportahan ito. Dahil diyan tinawag silang mga Herodian. Madalas silang makipagsanib-pwersa sa mga Fariseo upang tutulan si Jesus dahil nakikita nila Siya bilang banta sa kanilang mga layunin sa pulitika.
Sumalungat sa mga Herodian ang mga Zealot. Tutol sila sa pamamahala ng Roma at hinangad ang kalayaan ng mga Judio. Ikinatwiran ng ilang Zealot na makatwiran ang karahasan sa paghahangad na ibagsak ang Roma. Matapos ang kamatayan ni Jesus, ang mga Zealot ang pangunahing namuno sa paghihimagsik laban sa Roma na nagbunga ng pagkawasak ng Jerusalem noong AD 70.
Alamin ang Iba Pa
-
S. Kent Brown at Richard Neitzel Holzapfel, “Ang Nawawalang 500 Taon: Mula kay Malakias Hanggang kay Juan Bautista,” Liahona, Dis. 2014, 56–60