“Basbas ng Priesthood,” Mga Paksa at Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Basbas ng Priesthood
Pag-anyaya sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa ating buhay
Anuman ang ating edad o yugto ng buhay, may mga pagkakataon na nakakaramdam ang bawat isa sa atin ng pangangailangang mapaalalahanan ng pagmamahal ng Diyos at tumanggap ng banal na patnubay. Ibinabahagi sa atin ng ating Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal, karunungan, at kapangyarihan sa pamamagitan ng mahahalagang mapagkukunan. Kabilang sa ilang paraan na maaari tayong tumanggap ng personal na patnubay at tulong mula sa Diyos ang mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, ang ating patriarchal blessing, at ang patnubay ng Espiritu Santo.
Ang isa pang paraan na nadarama natin ang pagminister ng Diyos sa ating mga pangangailangan ay ang pagtanggap ng basbas ng priesthood. Maaari tayong humiling ng espesyal na basbas ng priesthood anumang oras na nakararanas tayo ng pag-aalinlangan o karamdaman o tuwing nagnanais tayo ng dagdag na espirituwal na tulong. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “Ang layunin ng pagtanggap natin ng priesthood ay tulutan tayong basbasan ang mga tao para sa Panginoon, na ginagawa ito sa Kanyang pangalan.” Ang pagbibigay ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay isang huwarang sinusunod ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa buong kasaysayan (tingnan sa Genesis 48:14–15; Mga Gawa 8:14–17; Alma 6:1).
Ano ang Priesthood Blessing?
Ang basbas ng priesthood ay isang ordenansa kung saan ipinapatong ng inordeng mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang kanyang mga kamay sa ulo ng isang tao (tingnan sa Mga Bilang 27:18; Hebreo 6:1–2; Mormon 9:24) at nagpapahayag ng mga payo, kapanatagan, o pagpapagaling ayon sa patnubay ng Espiritu. Ang katuparan ng mga pagpapalang ito ay ayon sa kalooban ng Diyos at sa pananampalataya ng taong iyon kay Jesucristo. Karaniwang inihahandog ang basbas ng priesthood ng isang kapamilya, ministering brother, o lokal na lider ng Simbahan, ngunit maaari itong ihandog ng sinumang inorden na mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Ang basbas ng priesthood na ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay isang mahalagang paraan ng Diyos para maipaabot ang Kanyang inspirasyon, kapanatagan, at maging ang kapangyarihang magpagaling sa ating buhay.
Buod ng paksa: Pagpapatong ng mga Kamay, Basbas ng Priesthood
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Melchizedek Priesthood, Mga Tipan at mga Ordenansa, Mga Himala
Bahagi 1
Sinusunod ng mga Mayhawak ng Priesthood ang Halimbawa ni Jesucristo Kapag Binabasbasan Nila ang Iba
Naglingkod si Jesucristo sa mga nangangailangan nang may kahanga-hangang banal na kapangyarihan (tingnan, halimbawa, sa Mateo 4:23–24; 3 Nephi 17:6–9). Sa panahon ng Bagong Tipan, binasbasan Niya ang iba ng kapatawaran (tingnan sa Lucas 7:47–50), kapayapaan at proteksyon (tingnan sa Marcos 4:38–39), at pagpapagaling (tingnan sa Juan 9:1–7). At dahil alam Niyang hindi Siya makakasama ng mga tao nang matagal, binigyan din Niya ng awtoridad na magbasbas ng iba ang Kanyang labindalawang disipulo (tingnan sa Mateo 10:1, 8; Moroni 2:1–3).
Ngayon, ang mga karapat-dapat na mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay gumagamit ng awtoridad ding ito para magbigay ng basbas sa iba. Sa pagpapatong ng mga kamay, ang mga mayhawak ng priesthood ay nagbibigay ng basbas ayon sa damdamin at inspirasyon na natatanggap nila mula sa Espiritu (tingnan sa 2 Nephi 4:12). Ang basbas ng priesthood ay kadalasang ibinibigay sa kahilingan ng isang taong nangangailangan. Maaaring magbigay ng mga basbas upang maglaan ng kapayapaan, kapanatagan, pagpapagaling, o payo. May mga pagkakataon na ang mga basbas ng priesthood ay maaaring nauugnay sa isang ordenansa ng priesthood, tulad ng pagbibigay ng pangalan at pagbabasbas sa mga bata, kumpirmasyon sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, o ordinasyon sa priesthood.
Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood na nagbabasbas sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay kumakatawan kay Jesucristo sa paglilingkod sa iba. Ang kapangyarihan ng priesthood ay ipinapangako sa mga taong namumuhay alinsunod sa mga alituntunin ng katwiran at lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:36).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kapag binigyan ng basbas ng mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang isang tao, kumikilos siya sa ngalan ng Panginoon at gamit ang Kanyang kapangyarihan. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 36:2, na binibigyang-pansin ang mga ipinahihiwatig ng mga salita ng Tagapagligtas sa talatang ito. Pagkatapos ay basahin ang pahayag na ito ni Pangulong Harold B. Lee:
“Sinasabi ng Panginoon dito [sa Doktrina at mga Tipan 36:2] na kapag ipinatong ng isa sa kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod ang mga kamay nito sa ulo ng taong babasbasan, parang Siya mismo ang nagpapatong ng Kanyang kamay para maisagawa ang ordenansang iyon. Kaya makikita natin kung paano niya ipinapakita ang Kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod na pinagkalooban Niya ng mga susi ng awtoridad.”
Paano naiimpluwensyahan ng talatang ito sa banal na kasulatan ang pananaw mo tungkol sa mga basbas ng priesthood? Ano ang mga naging karanasan mo sa Espiritu noong nakatanggap o nakapagbigay ka ng basbas ng priesthood?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Bagama’t may posibilidad na maiugnay natin ang mga basbas ng priesthood sa mga taong nagbibigay nito—mga lalaking mayhawak ng Melchizedek Priesthood—mahalagang tandaan na ang kapangyarihan ng priesthood ay nagmumula lamang kay Jesucristo. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:36–37, 41–46 bilang isang grupo. Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa inaasahan ng Diyos sa sinumang nagnanais ng mas malakas na espirituwal na kapangyarihan? Paano mas malilinang ng bawat isa sa atin ang mga katangiang ito sa ating buhay?
-
Panoorin ang video na “Sanctify Yourselves” (4:37) bilang isang grupo. Bago ninyo simulan ang video, anyayahan ang mga miyembro ng grupo na isipin ang kanilang sarili sa sitwasyong makikita habang nanonood sila. Matapos mapanood ang video, anyayahan ang mga miyembro ng grupo na ibahagi ang kanilang mga saloobin. Bakit kailangang maghangad na maging malinis ang sinumang nangangailangan ng kapangyarihang mula sa langit?
Alamin ang iba pa
-
Genesis 48:14–15; Mga Gawa 6:5–6; 3 Nephi 17:18–24; Doktrina at mga Tipan 20:70
-
“Pagsasagawa ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kabanata 18, Gospel Library
-
Julie B. Beck, “Pagbuhos ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2006, 11–13
-
“Sanctify Yourselves” (video), Gospel Library
Bahagi 2
Mga Basbas ng Priesthood para sa Pagpapagaling ng Maysakit
Si Jesucristo ay naglingkod sa mga anak ng Diyos sa maraming makabuluhang paraan noong Siya ay nabubuhay sa lupa. Nagpakita Siya ng perpektong pagmamahal nang ibsan Niya ang pagdurusa ng mga maysakit at nahihirapan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanila (tingnan sa Mateo 8:16–17; Mosias 3:5–6). Inatasan Niya ang Kanyang mga disipulo na humayo at magpagaling ng maysakit (tingnan sa Mateo 10:1). Ang huwarang ito ng pagpapatong ng mga kamay sa maysakit upang pagalingin sila ay makikitang sinunod sa Bagong Tipan ng sinaunang Simbahan ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 3:1–8; 9:12, 17; 28:8; Santiago 5:14–15). Sinusunod din ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa makabagong panahon ang ganitong huwaran kapag pinapahiran nila ng langis ang mga maysakit at binabasbasan sila sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:43–44; 66:9).
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Kapag ginamit natin ang walang alinlangang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at itinangi ang Kanyang pangako na diringgin at sasagutin Niya ang panalangin ng pananampalataya, lagi nating tandaan na ang pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood na magpagaling ay hindi magbubunga ng anumang taliwas sa kalooban Niya na nagmamay-ari ng priesthood na ito. Ang alituntuning ito ay itinuro sa paghahayag na nagbilin sa mga elder ng Simbahan na ipatong ang kanilang mga kamay sa maysakit. Nangako ang Panginoon na ‘siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling, at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling’ (D&C 42:48; idinagdag ang pagbibigay-diin).”
Mga bagay na pag-iisipan
-
Paano mo espirituwal na ihahanda ang iyong sarili kapag humihingi ka ng nakapagpapagaling na basbas para sa iyong sarili o sa iba? Habang pinag-iisipan mo ang tanong na ito, basahin ang Santiago 5:15; Jacob 3:1; Alma 15:10–11; at Eter 12:12. Ano ang kahulugan para sa iyo ng mga salitang “panalangin na may pananampalataya”? Ano pang mahahalagang alituntunin ang matatagpuan sa mga talatang ito?
-
Ang pagiging handang magtiwala sa kalooban ng Diyos ay mahalagang aspekto ng anumang panalangin o basbas ng priesthood. Basahin ang Mosias 4:9. Paano makatutulong sa iyo ang alituntuning itinuro ni Haring Benjamin sa talatang ito na mas handang tanggapin ang kalooban ng Diyos?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kapag may taong maysakit, natural na hangarin nating gawin ang lahat para matulungan at maibsan ang kanyang pagdurusa. Ang mga basbas ng priesthood at pangangalagang medikal ay kapwa mahalaga. Ipabasa sa mga miyembro ng grupo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:
“Nais kong magsalita … tungkol sa pagpapagaling ng maysakit—sa pamamagitan ng siyensya, mga panalangin ng pananampalataya, at mga basbas ng priesthood. … Mangyari pa hindi tayo naghihintay na maubos ang lahat ng iba pang paraan bago manalangin nang may pananampalataya o magbigay ng mga basbas ng priesthood para sa pagpapagaling. Sa mga emergency, mga panalangin at basbas ang nauuna. Kadalasan ay sabay-sabay nating ginagawa ang lahat.”
Bakit mahalagang samahan ng ating mga panalangin na may pananampalataya at basbas ng priesthood ang paghingi ng tulong medikal?
Alamin ang iba pa
-
1 Hari 17:8–24; Mateo 8:5–13; Marcos 5:25–34
-
Dallin H. Oaks, “Pagpapagaling ng Maysakit,” Liahona, Mayo 2010, 47–50
-
Donald L. Hallstrom, “Tumigil na ba ang Araw ng mga Himala?,” Liahona, Nob. 2017, 88–90
-
“Bakit Pinapahiran ng Langis ang mga Tao Kapag Tumatanggap Sila ng Basbas ng Priesthood?,” Liahona, Mar. 2010, 44–45
-
Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pagpapagaling,” Gospel Library
Iba pang Resources tungkol sa mga Basbas ng Priesthood
-
Resources para sa mga bata