Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Si Ammon


“Si Ammon,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)

Alma 17–18

Si Ammon

Isang mapagpakumbabang tagapagsilbi

Larawan
Kumaway si Ammon at ang kanyang mga kapatid habang nagpapaalam

Nagnais si Ammon at ang kanyang mga kapatid na turuan ang mga Lamanita tungkol sa Panginoon. Nagtungo sila sa lupain kung saan nakatira ang mga Lamanita. Sa kanilang paglalakbay, nag-ayuno at nanalangin sila upang humingi ng tulong sa Panginoon. Pinanatag sila ng Panginoon. Sinabi Niya sa kanila na maging matiyaga at maging mabubuting halimbawa. Nagpunta ang bawat isa sa kanila sa iba’t ibang lugar upang magturo.

Mosias 28:1–2; Alma 17:6–13

Larawan
Lumuhod si Ammon sa harapan ng hari at reyna

Nagpunta si Ammon sa lupain na tinatawag na Ismael. Iginapos siya ng mga tao roon at dinala siya kay Haring Lamoni. Sinabi ni Ammon kay Lamoni na nais niyang mamuhay kasama ng mga Lamanita. Nagustuhan ni Lamoni si Ammon at pinalaya ito. Nagnais siyang ipakasal si Ammon sa isa sa kanyang mga anak na babae, ngunit sa halip ay pinili ni Ammon na maging tagapagsilbi ni Lamoni.

Alma 17:20–25

Larawan
Lumingon si Ammon sa kanyang balikat, tinatanaw ang mga tupa

Sinabihan ni Lamoni si Ammon na bantayan ang kanyang mga hayop. Isang araw, dinala ni Ammon at ng iba pang mga tagapagsilbi ang mga hayop upang uminom ng tubig. Habang umiinom ang mga hayop, dumating ang mga tulisan at itinaboy ang mga ito. Natakot ang iba pang mga tagapagsilbi na parurusahan sila dahil sa pagkawala ng mga hayop ni Lamoni.

Alma 17:25–28; Alma 18:7

Larawan
Si Ammon

Alam ni Ammon na ito ay isang pagkakataon upang ipakita ang kapangyarihan ng Panginoon. Sinabihan niya ang iba pang mga tagapagsilbi na huwag mag-alala at tinulungan niya silang hanapin ang mga nawawalang hayop.

Alma 17:29–32

Larawan
Humawak si Ammon ng katad na tirador at itinuro niya ang mga tulisan

Bumalik ang mga tulisan upang muling itaboy ang mga hayop. Ngunit sa pagkakataong ito, sinabihan ni Ammon ang iba pang mga tagapagsilbi na manatili at pigilan ang mga hayop na tumakbo palayo.

Alma 17:33

Larawan
Tumayo si Ammon sa harap ng mga tulisan

Nagpunta si Ammon upang pigilan ang mga tulisan na itaboy ang mga tupa. Hindi natakot ang mga tulisan kay Ammon. Inakala nila na mas malakas sila kaysa sa kanya. Ngunit hindi nila alam na tinutulungan ng Panginoon si Ammon.

Alma 17:34–35

Larawan
Tinirador ni Ammon ng bato ang mga tulisan

Ipinukol ni Ammon ang mga bato sa mga tulisan gamit ang kanyang tirador. Namatay ang ilan sa kanila. Dahil dito ay nagalit ang iba pang mga tulisan, at nagnais silang patayin si Ammon. Nagulat sila dahil hindi nila matamaan si Ammon gamit ang sarili nilang mga bato. Hindi nila inasahan na napakalakas niya.

Alma 17:36

Larawan
Kinuha ni Ammon ang kanyang espada nang akmang hahampasin siya ng mga tulisan gamit ang mga pambambo

Sinubukang hampasin ng mga tulisan si Ammon gamit ang kanilang mga pambambo. Ngunit sa tuwing susubukan nila, pinuputol ni Ammon ang kanilang mga bisig sa pamamagitan ng kanyang espada upang hindi sila makalaban. Hindi nagtagal, masyado silang natakot kaya hindi na sila nakipaglaban pa at nagsitakbuhan na sila.

Alma 17:37–39

Larawan
Ipinaliwanag ng dalawang tagapagsilbi kay Haring Lamoni ang nangyari

Sinabi ng mga tagapagsilbi kay Lamoni kung paano iniligtas ni Ammon ang mga hayop. Namangha si Lamoni. Inakala niya na si Ammon ang Dakilang Espiritu, na may dakilang kapangyarihan at nakaaalam sa lahat ng bagay.

Alma 18:1–5, 18

Larawan
Mukhang nag-alala si Haring Lamoni

Nagnais si Lamoni na kausapin si Ammon, ngunit nag-alala rin siya.

Alma 18:8–11

Larawan
Lumuhod si Ammon sa harapan ni Haring Lamoni

Pinuntahan ni Ammon si Lamoni, ngunit hindi alam ni Lamoni kung ano ang sasabihin. Tinulungan ng Panginoon si Ammon na malaman ang mga iniisip ni Lamoni. Sinabi ni Ammon na hindi siya ang Dakilang Espiritu. Sinabi niya kay Lamoni na ang Dakilang Espiritu ay ang Diyos. Nagnais si Lamoni na malaman ang iba pa tungkol sa Diyos.

Alma 18:12–28

Larawan
Nakipag-usap si Ammon kay Haring Lamoni

Sinabi ni Ammon na nilikha ng Diyos ang daigdig at ang lahat ng narito. Pagkatapos ay sinabi ni Ammon kay Lamoni na ang Diyos ay may plano ng kaligtasan. Bilang bahagi ng planong iyon, darating si Jesucristo. Pinaniwalaan ni Lamoni ang sinabi ni Ammon. Nanalangin si Lamoni at hiniling niya sa Diyos na kaawaan siya at ang kanyang mga tao.

Alma 18:24–36, 39–42