Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Si Abinadi at si Haring Noe


“Si Abinadi at si Haring Noe,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)

Mosias 11–17

Si Abinadi at si Haring Noe

Isang mensahe mula sa isang propeta

Larawan
Tumuro si Haring Noe habang may dalawang saserdote na nakatayo sa likuran

Namuno si Haring Noe sa mga Nephita na naninirahan sa lupain ng Nephi. Iniutos ni Noe na bigyan siya ng maraming pera ng kanyang mga tao at pagkatapos ay ginastos niya ito sa mararangyang bagay para sa kanyang sarili. Nagtalaga siya ng mga palalong saserdote upang tulungan siyang mamuno. Hindi sinunod ni Noe ang mga kautusan ng Diyos. Sa halip, gumawa siya ng maraming masasamang bagay.

Mosias 11:1–13

Larawan
Si Haring Noe

Hinimok din ni Noe ang kanyang mga tao na maging masama. Hindi nila sinunod ang Panginoon.

Mosias 11:7, 11, 14–15, 19

Larawan
Tumingin si Abinadi sa mga taong gumagawa ng masasamang bagay

Isang propeta ng Diyos na nagngangalang Abinadi ang nanirahan sa lupain. Isinugo ng Panginoon si Abinadi upang sabihan si Haring Noe at ang mga tao nito na magsisi.

Mosias 11:20

Larawan
Nagsalita si Abinadi sa mga tao

Sinabi ni Abinadi sa mga tao na nais ng Panginoon na magsisi sila. Kung hindi sila magsisisi, hahayaan ng Panginoon na dumating ang mga kaaway sa kanilang lupain at sakupin sila. Pahihirapan nang husto ng kanilang mga kaaway ang buhay ni Noe at ng kanyang mga tao.

Mosias 11:20–25

Larawan
Mga taong galit

Nagalit ang mga tao kay Abinadi dahil sa sinabi niya. Nagnais silang patayin siya, ngunit pinanatiling ligtas ng Panginoon si Abinadi at tinulungan siyang makatakas.

Mosias 11:26

Larawan
Pinagdaop ni Haring Noe ang kanyang mga kamay at nakipag-usap siya sa mga saserdote

Nagnais din si Noe na patayin si Abinadi. Hindi naniwala si Noe sa Panginoon. Siya at ang kanyang mga tao ay hindi nagsisi.

Mosias 11:27–29

Larawan
Hinawakan ni Abinadi ang mga lamina at nagsalita siya sa pamilya

Makalipas ang dalawang taon, isinugo muli ng Panginoon si Abinadi upang balaan ang mga tao. Sinabi ni Abinadi sa mga tao na sasakupin ng kanilang mga kaaway ang lupain dahil hindi sila nagsisi. Nagalit ang mga tao kay Abinadi. Sinabi nila na wala silang ginawang mali at hindi sila magsisisi. Iginapos nila si Abinadi at dinala siya kay Noe.

Mosias 12:1–16

Larawan
Lumuhod si Abinadi na nakatalikod kay Haring Noe

Nakaisip ng plano si Noe at ang kanyang mga saserdote. Tinangka ng mga saserdote na linlangin si Abinadi sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanya ng maraming bagay. Ngunit matapang silang sinagot ni Abinadi. Nagulat ang mga saserdote sa mga sagot ni Abinadi. Hindi nila siya malinlang. Sinabi ni Abinadi sa mga saserdote na mas mahalaga sa kanila ang pera kaysa sa paggawa ng tama.

Mosias 12:17–37

Larawan
Tumayo si Abinadi at nagliwanag

Sinabihan ni Noe ang kanyang mga saserdote na patayin si Abinadi. Ngunit nagbabala si Abinadi na huwag siyang hawakan. Ang kanyang mukha ay nagliwanag sa kapangyarihan ng Diyos. Sinabi ni Abinadi na hindi itinuro ng mga saserdote ang mga batas ng Diyos. Itinuro sa kanila ni Abinadi na si Jesucristo ay isisilang, mamamatay para sa atin, at mabubuhay na mag-uli. Sinabi niya na patatawarin sila ni Jesus kung sila ay magsisisi.

Mosias 13; 16:6–15

Larawan
Tumingin si Abinadi kay Haring Noe

Natapos ni Abinadi ang mensahe na iniutos sa kanya ng Panginoon na ibigay. Galit pa rin si Noe. Sinabihan niya ang kanyang mga saserdote na dakpin si Abinadi at patayin ito.

Mosias 17:1

Larawan
Tumingin si Haring Noe kay Abinadi habang nag-iisip si Alma at nagagalit ang iba pang mga saserdote

Isang saserdote, si Alma, ang naniwala kay Abinadi. Sinubukan ni Alma na iligtas si Abinadi. Ngunit galit na rin ngayon si Noe kay Alma at pinalayas ito.

Mosias 17:2–3

Larawan
Nagtago si Alma mula sa masasamang saserdote

Sinabi ng mga saserdote kay Abinadi na maaari siyang mabuhay kung sasabihin niyang hindi totoo ang itinuro niya. Ngunit sinabi ni Abinadi na itinuro niya ang katotohanan. Muling nagalit si Noe at ang kanyang mga saserdote. Pinatay nila si Abinadi sa pamamagitan ng apoy. Tinangka ring patayin ng mga bantay ni Noe si Alma. Ngunit nagtago si Alma at isinulat niya ang lahat ng sinabi ni Abinadi.

Mosias 17:3–13, 20