Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ang mga Punong Olibo


“Ang mga Punong Olibo,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)

Jacob 5–6

Ang mga Punong Olibo

Pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga tao

Larawan
ang isang larawan ng mga punong olibo ay ipinakikita habang nagsasalita si Jacob

Si Jacob ay isang propeta ng Diyos. Gusto niyang ituro sa mga Nephita kung gaano kamahal ng Diyos ang Kanyang mga tao. Ikinuwento sa kanila ni Jacob ang tungkol sa isang taniman ng mga punong olibo. Ang Panginoon ng olibohan at ang Kanyang tagapaglingkod ay nagtulungan upang pangalagaan ang olibohan.

Jacob 5:1–4, 7; 6:4–5

Larawan
ang Panginoon ng olibohan ay naghuhukay gamit ang pala sa tabi ng punong olibo

Ang Panginoon ay may espesyal na punong olibo na namunga ng mabubuting bunga. Sinabi ni Jacob na ang punong ito ay katulad ng mga tao ng Diyos, o ng sambahayan ni Israel. Ang bunga ay katulad ng mga ginagawa ng mga tao. Inalagaan nang husto ng Panginoon ang punong ito. Tumulong Siya sa pagpapalago nito sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga ugat nito at pagpungos sa mga sanga. Ibinigay Niya rito ang kailangan nito para mabuhay.

Jacob 5:1–3, 5; 6:1, 7

Larawan
nagsisimulang mamatay ang punong olibo

Lumipas ang ilang panahon, nagsimulang mamatay ang Kanyang espesyal na puno. Iilan lang ang malulusog na sanga nito. Nalungkot ang Panginoon dahil dito. Gusto niyang patuloy na magkaroon ito ng mabubuting bunga.

Jacob 5:3, 6–8

Larawan
ang Panginoon ng olibohan na ginugupit at inaalis ang malulusog na sanga

Upang iligtas ang malulusog na sanga, inalis ng Panginoon ang mga ito at idinugtong sa iba pang mga puno. Pagkatapos ay pinalitan Niya ang mga ito ng malulusog na sanga mula sa iba pang mga puno.

Jacob 5:7–14

Larawan
inaalagaan ng Panginoon ng olibohan at ng mga tagapagsilbi ang mga punong olibo

Lumipas ang mahabang panahon. Ang Panginoon at ang tagapaglingkod ay madalas na pumunta sa olibohan. Inalagaan nila ang espesyal na puno ng Panginoon. Inalagaan din nila ang mga espesyal na sanga na nakakalat sa mga puno sa buong olibohan. Karamihan sa mga naging bunga ay mabubuti. Ang mabubuting bunga ay nagpasaya sa Panginoon at sa Kanyang tagapaglingkod.

Jacob 5:15–29, 31

Larawan
kinakausap ng Panginoon ng olibohan ang tagapaglingkod tungkol sa mga punong olibo

Pagkaraan ng ilang panahon, ang bawat isa sa mga puno ay naging mas mabunga. Pero ngayon ang lahat ng bunga ay masama na. Lungkot na lungkot ang Panginoon. Ayaw Niyang mawala ang Kanyang olibohan o ang mga bunga nito! Nagtrabaho Siya nang husto para matulungan ang Kanyang mga puno. Inisip Niya kung ano pa ang magagawa Niya. Kinausap Niya ang tagapaglingkod at piniling patuloy na magsikap.

Jacob 5:29–51

Larawan
ginugupit at inaalis ng manggagawa ang malulusog na sanga

Upang mailigtas ang Kanyang olibohan, sinabi ng Panginoon na tipunin ang mga sangang inalis Niya sa espesyal na puno. Sinabi niyang idugtong muli ang mga ito sa espesyal na puno.

Jacob 5:51–60

Larawan
ang malulusog na sanga ay nakakabit sa iba’t ibang punong olibo

Ito ang huling pagkakataon na gagawa ang Panginoon sa Kanyang olibohan. Tumawag siya ng iba pang mga tagapaglingkod para tumulong. Nagtulungan ang lahat para matipon at maidugtong ang mga sanga.

Jacob 5:61–72

Larawan
malulusog na sanga ng punong olibo na may mga bunga

Inalagaan nila ang lahat ng puno. Inalis nila ang masasamang sanga at itinabi ang mabubuti. Makalipas ang ilang panahon, muling nagkaroon ng mabubuting bunga ang espesyal na puno ng Panginoon. Ang iba pang mga puno ay nagkaroon din ng mga bunga na kasingbuti ng bunga ng espesyal na puno. Natuwa ang Panginoon. Nailigtas ang Kanyang mga puno! Ang lahat ng ito ay nagkaroon ng mga bunga na nais Niyang magkaroon sila.

Jacob 5:73–75

Larawan
tinitingnan ng Panginoon ng olibohan at ng mga tagapagsilbi ang isang malaki at malusog na punong olibo

Pinasalamatan ng Panginoon ang mga tagapaglingkod. Sinabi Niya sa kanila na pinagpala sila dahil sa pagtatrabaho nila nang husto at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ibinahagi Niya ang mga bunga sa kanila, at tuwang-tuwa sila dahil dito. Sa mahabang panahon, nasiyahan ang Panginoon sa mga bunga.

Jacob 5:75–77

Larawan
ang larawan ni Jesucristo ay ipinakita habang nagsasalita si Jacob

Tinapos ni Jacob ang kuwento tungkol sa mga punong olibo. Itinuro Niya sa mga tao na nagmamalasakit ang Diyos sa kanila tulad ng pagmamalasakit ng Panginoon ng olibohan sa Kanyang mga puno. Hiniling ni Jacob sa lahat na magsisi at lalo pang lumapit sa Diyos. Itinuro Niya sa kanila na mahalin at paglingkuran ang Diyos dahil palagi Niya silang tinutulungan.

Jacob 6:1–5, 7, 11