Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Si Kapitan Moroni at si Zerahemnas


“Si Kapitan Moroni at si Zerahemnas,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)

Alma 43–44

Si Kapitan Moroni at si Zerahemnas

Isang digmaan at pangako na mamuhay nang payapa

Larawan
Pinamunuan ni Zerahemnas ang kanyang mga hukbo

Si Zerahemnas ang pinuno ng hukbo ng mga Lamanita. Nagnais siyang mamuno sa mga Nephita at gawin silang tagapagsilbi ng kanyang mga tao. Pinamunuan ni Zerahemnas ang kanyang mga hukbo upang salakayin ang mga Nephita.

Alma 43:3–8

Larawan
Minasdan ng hukbo ng mga Nephita ang hukbo ng mga Lamanita

Nagnais ang mga Nephita na protektahan ang kanilang mga tahanan, pamilya, at relihiyon. Alam nila na hindi nila magagawang sambahin ang Panginoon kung pamumunuan sila ng mga Lamanita. Pinili ng mga Nephita na labanan ang kanilang mga kaaway.

Alma 43:9–10, 14–15

Larawan
Tumingin sa harapan si Moroni habang may mga ulap sa likuran

Isang lalaking nagngangalang Moroni ang kapitan ng mga hukbo ng mga Nephita. Tiniyak ni Moroni na handang lumaban ang kanyang mga hukbo.

Alma 43:16–17

Larawan
Handang lumaban si Kapitan Moroni at ang mga kawal na Nephita

Nagdala ng mga sandata ang mga kawal ni Moroni, at binigyan sila ni Moroni ng matitibay na baluti at kalasag upang protektahan sila.

Alma 43:18–19

Larawan
Nakita ng mga Lamanita ang hukbo ng mga Nephita at mukhang natakot sila

Isinama ni Moroni ang kanyang mga hukbo upang labanan ang mga Lamanita. Subalit nang makita ng mga Lamanita na ang mga Nephita ay may baluti at mga kalasag, natakot silang lumaban. Ang mga Lamanita ay nakasuot lamang ng maninipis na damit at walang baluti na poprotekta sa kanila.

Alma 43:19–21

Larawan
Tumakbo ang mga kawal na Lamanita patungo sa kagubatan

Umalis ang mga Lamanita. Tinangka nilang lihim na pumunta sa ibang lupain ng mga Nephita. Inakala nila na hindi malalaman ni Moroni kung saan sila nagpunta.

Alma 43:22

Larawan
Minanmanan ng mga tiktik na Nephita ang mga tumatakbong kawal na Lamanita

Ngunit nang sandaling umalis ang mga Lamanita, nagpadala si Moroni ng mga tiktik upang sundan sila.

Alma 43:23

Larawan
Nakinig ang kawal na Nephita kay Alma

Pagkatapos ay nagpadala si Moroni ng mensahe sa propetang si Alma. Nagnais siyang itanong ni Alma sa Panginoon kung ano ang balak gawin ng mga Lamanita. Sinabi ng Panginoon kay Alma na plano ng mga Lamanita na salakayin ang isang mahinang lupain na tinatawag na Manti. Nakinig si Moroni kay Alma. Pinamunuan niya ang kanyang mga hukbo upang labanan ang mga Lamanita.

Alma 43:23–33

Larawan
Nakipaglaban ang mga kawal na Lamanita at Nephita sa isa’t isa

Naglaban ang mga hukbo. Ang mga Lamanita ay napakalakas at galit na galit. Natakot ang mga Nephita sa mga Lamanita at tatakas na sana sila. Ngunit ipinaalala ni Moroni sa kanila ang kanilang mga pamilya at pananampalataya, kaya patuloy silang nakipaglaban.

Alma 43:34–37, 43–48

Larawan
Itinaas ni Moroni ang kanyang kamay upang patigilin ang laban

Nanalangin ang mga Nephita sa Panginoon na tulungan sila. Sinagot ng Panginoon ang kanilang mga panalangin at binigyan sila ng matinding lakas. Ngayon, natakot na ang mga Lamanita. Sila ay napaligiran at hindi makatakas. Nang makita ni Moroni na natakot ang mga Lamanita, sinabihan niya ang kanyang mga kawal na tumigil sa pakikipaglaban. Ayaw patayin ni Moroni ang mga Lamanita.

Alma 43:49–53; 44:1–2

Larawan
Nakipag-usap si Moroni sa mga Lamanita

Sinabi ni Moroni kay Zerahemnas na maaaring umalis ang mga Lamanita kung mangangako sila na hindi na sila muling makikidigma laban sa mga Nephita. Nagalit si Zerahemnas at tinangka niyang patuloy na makipaglaban, ngunit hindi niya nagapi ang mga kawal ni Moroni. Pagkatapos ay nangako si Zerahemnas at ang kanyang mga hukbo na mamuhay nang payapa, at pinayagan sila ni Moroni na umalis.

Alma 44:1–20