2020
Magkakasamang Paglilingkod na May Kapangyarihan ng Priesthood
Hunyo 2020


Ang Huling Salita

Magkakasamang Paglilingkod na May Kapangyarihan ng Priesthood

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2013.

Ilang taon na ang nakalilipas, namamanghang tumingala kami ng asawa kong si Barbara sa langit sa gabi. Milyun-milyong bituin ang tila pambihira sa ningning at ganda. Pagkatapos ay bumaling ako sa Mahalagang Perlas at binasa ko ang sinabi ng Panginoong Diyos kay Moises: “At mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang; at akin ding nilalang ang mga ito para sa sarili kong layunin; at sa pamamagitan ng Anak aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak” (Moises 1:33).

Ang kapangyarihang lumikha ng langit at lupa ay ang priesthood. Ang pinagmumulan ng kapangyarihang ito ng priesthood ay ang Diyos na Maykapal at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Ito ang kapangyarihang ginamit ng Tagapagligtas para isagawa ang mga himala, ipagkaloob ang walang-hanggang Pagbabayad-sala, at daigin ang pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Sa plano ng ating Ama sa Langit, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Lubhang kailangan nating maunawaan na ang Ama sa Langit ay naglaan ng paraan sa lahat ng Kanyang anak na makatanggap ng mga pagpapala at mapalakas ng kapangyarihan ng priesthood.

Ang kapangyarihan ding iyon ng priesthood na lumikha ng mga mundo, galaxy, at sansinukob ay maaari at dapat na maging bahagi ng ating buhay upang panatagin, palakasin, at basbasan ang ating pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay—sa madaling salita, gawin ang mga bagay na gagawin ng Tagapagligtas kung nagmi-minister Siya sa atin ngayon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 81:5).

Ang pangunahing layunin ng kapangyarihang ito ng priesthood ay basbasan, pabanalin, at dalisayin tayo para makapiling natin ang ating pamilya sa kinaroroonan ng ating mga magulang sa langit magpakailanman. Sa ganitong paraan, lahat ng lalaki, babae, at bata—anuman ang ating sitwasyon—ay maaaring makibahagi sa kagila-gilalas na gawain ng Diyos at ni Jesucristo (tingnan sa Moises 1:39) at magtamasa ng mga pagpapala ng priesthood.

Nawa’y maging matalino tayo at hangarin nating patatagin ang buhay natin, ng ating pamilya, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos.