2020
Isang Handog ng Pagmamahal
Hunyo 2020


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Isang Handog ng Pagmamahal

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang basbasan ng asawa ko ang sanggol na anak naming babae, unti-unti kong nasulyapan ang lalim at lawak ng handog ng pagmamahal ng Ama sa Langit—ang priesthood.

Larawan
man holding baby in blessing dress

Paglalarawan nina ALE + ALE, Morgan Gaynin

Bagong miyembro ako ng Simbahan noon, bagong kasal, at ngayon ay isang inang bagong panganak. Linggo ng ayuno noon, at ang aming munting anak ay tatanggap ng pangalan at basbas. Hindi pa ako nakakita ng basbas para sa mga sanggol noon dahil nakatira kami sa isang ward na iilan lang ang mga pamilyang may maliliit na anak. Hindi ko alam kung ano ang aasahan ko. Subalit ipinadama sa akin ng Espiritu na ito ay isang bagay na napakaespesyal at mahalaga.

Ang asawa ko, kasama ang iba pang mapitagang mga mayhawak ng priesthood, ay maingat na kinarga ang pinakamamahal naming anak. Napuspos ako ng kagalakan sa tamis ng Espiritu. Dumaloy ang mga luha sa aking pisngi, at napuno ng napakaraming impresyon ang aking isipan. Alam ko na unti-unti ko pa lang nasusulyapan ang lalim at lawak ng dakilang handog ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa atin—ang priesthood.

Nang ituro sa akin ng mga missionary ang mga talakayan, nadama ko kung gaano kalaking karangalan sa kanila ang magtaglay ng priesthood. Narinig ko na iyon sa kanilang mga salita at sa kanilang mga panalangin, pati na noong basbasan nila ako para madaig ko ang isang hamon sa Word of Wisdom. Nadama ko ang kanilang mga kamay, na magaan na nakapatong sa ulo ko, na nagsimulang manginig nang bigkasin nila ang mga salita na alam kong nagmumula sa Panginoon—mga salita ng pagmamahal at pagpapagaling.

Hindi nagtagal ay nabinyagan ako, at muling ipinatong ang mga kamay ng mga mayhawak ng priesthood sa ulo ko. Kinumpirma akong miyembro ng Simbahan ng Panginoon, at iginawad sa akin ang kaloob na Espiritu Santo. Nalinis ako at muling isinilang. Nadama ko ang kapangyarihan ng priesthood sa aking buong katawan, at sa unang pagkakataon sa buhay ko, nakadama ako ng galak.

Hindi nagtagal matapos akong mabinyagan, ikinasal kaming mag-asawa. Ang mga magulang niya ay mga miyembro ng Simbahan at ang kanyang tahanan ay nakasentro sa ebanghelyo, ngunit alam ko na hindi malalim ang kanyang patotoo. Gayunman, hindi ako nag-alala. Pinuspos ako ng pag-asa ng bago kong pananampalataya. Mamahalin ko lang siya at magiging matiyaga at madasalin ako.

Sa mga buwan na ipinagbuntis ko ang aming panganay, nadama ko ang pagiging ina—malapit na malapit sa aking anak, punung-puno ng pagkamangha sa bagong buhay na ito sa aking sinapupunan. Nang isilang ang anak naming babae, ang nagbuklod sa amin ay ang bigkis ng pagmamahal, matibay at matamis.

Ngunit nag-alala ako sa asawa ko. Hindi siya nabiyayaan na maging ganito kalapit sa aming anak na babae na katulad ng natamasa ko. Siyempre mahal niya ang anak namin, ngunit nag-isip ako at nag-alala kung magiging malapit sila sa isa’t isa. Nag-alala ako habang pinasususo ko siya, dinaramitan, at kinakarga, samantalang halos lahat ng oras ng asawa ko ay nakaukol sa pagtatrabaho para masuportahan ang aming pamilya.

Ngayon, ilang linggo matapos siyang isilang, naroon kami sa aming chapel. Isang himala ang nasasaksihan ng aking mga mata at puso. Buong pagpapakumbabang ngumiti ang asawa ko sa kanyang mga kapatid na nasa bilog, na nagniningning at kumikislap ang mga luha sa kanyang mga mata. Bilang kapalit, dumaloy ang pagmamahal at suporta ng mga kapatid sa kanya nang ipatong nila ang kanilang mga kamay sa mga balikat at hawakan ang aming anak, na bumubuo ng maliit na bilog na puspos ng dalisay at sagradong pag-ibig. Nang simulan ng asawa ko ang basbas, narinig kong nanginginig ang boses niya, at alam ko na nadarama niya ang kapangyarihan ng Panginoon at ang karangalang magtaglay ng Kanyang priesthood.

Nadama ko na nag-uumapaw ang malaking pagmamahal niya para sa aming munting anak, at alam ko na nagsikap siyang ihanda ang kanyang sarili para maibigay ang basbas na inilaan ng Ama sa Langit para sa kanya. Napuspos ako ng kagalakan nang matanto ko na nadama niyang mahigpit ang pagkakabigkis niya ngayon sa aming anak. Isang pagkakabigkis iyon na hindi manghihina kailanman.

Maraming taon na ang nakalipas mula nang mangyari iyon. Maraming beses ko nang nasaksihan at nadama ang kapangyarihan at kagandahan ng priesthood na ginamit sa napakaraming paraan, sa napakaraming lugar, at para sa napakaraming anak ng Ama sa Langit. Namasdan ko ang pagkakaloob ng magagandang nakapagliligtas na mga ordenansa at mga pusong napuspos. Naobserbahan ko ang paglilinis, pagpapagaling, pagpapanatag, at pagtuturo. Nakita at nadama ko ang paggaan ng mga pasanin.

Alam ko na hindi ko pa rin nauunawaan ang buong karingalan ng priesthood, ngunit ang bawat basbas para sa mga sanggol na nakita ko ay nagpadama sa akin ng paghangang katulad ng nadama ko nang basbasan ang aking panganay. Namamangha ako sa pagmamahal na ipinakita ng Ama sa Langit sa pagbabahagi ng Kanyang kapangyarihan sa atin, at puspos ako ng pasasalamat na hindi ko kayang ipaliwanag para sa aking patotoo sa Kanya, sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, at sa ating magandang ipinanumbalik na ebanghelyo.