2020
Ang Pagtulong ni Haven
Hunyo 2020


Ang Pagtulong ni Haven

Nagpasiya si Haven, 14 na taong gulang na taga-Utah, USA, na ipagdiwang ang pagiging isang young woman sa Simbahan sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.

“Nagsimula ito bilang isang munting ideya,” sabi niya. “Nagpunta ang tito ko sa Bangladesh para sa isang humanitarian trip at napag-alaman niya ang mga hirap na pinagdaraanan doon ng mga tao. Ginusto ko ring tumulong sa kanila—kaya tumingin ako sa JustServe app at nakakuha ako ng ideya na gumawa ng mga homemade kit para sa mga refugee doon.”

Nangolekta si Haven ng mga donasyon sa kanyang paaralan, lumikha ng isang GoFundMe page, at tumulong pang ilabas ang mga basurahan ng mga kapitbahay nila para makalikom ng pera para sa mga kit. “Naglalabas ako ng mga 22 basurahan at 11 recycle can tuwing Lunes at Martes,” sabi niya. “Karaniwan ay ginagamit ko ang kinikita ko para sa aking choir program at upang makaipon para sa aking misyon, pero nagpasiya akong gamitin ang aking pondo sa buwang iyon para ipambili na lang ng mga kagamitan.”

Lumabas si Haven at binili niya ang lahat ng gamit na kailangan niya para sa mga kit, kabilang na ang mga medyas, guwantes, bandana, at sumbrero. Binuo niya ang bawat kit at nakipag-ugnayan sa direktor ng Lifting Hands International para maipadala ang mga kit sa Bangladesh.

“Halos lahat ng oras ko sa aking proyekto, nagamit ko sa pagbuo ng mga kit. Ngunit tuwing maglalagay ako ng isang piraso sa kit, alam ko na mapupunta iyon sa isang taong nangangailangan at na mabibiyayaan sila nito nang matagal.”

Sa pagtatapos ng kanyang proyekto, nadama ni Haven na lumakas ang kanyang tiwala sa kakayahan niyang maglingkod. “Natutuhan ko mula rito kung gaano kalaki ang maitutulong ko kung gagawin ko ang lahat ng aking makakaya. Nahabag din ako sa mga taong tinutulungan ko, na tumulong sa akin na mas mapalapit sa Tagapagligtas at madama nang kaunti ang nadarama Niya para sa atin.”

Sa pagdiriwang natin ng anibersaryo ng organisasyon ng Young Women, matatandaan ng bawat isa sa atin na tayo ay mga halimbawa ni Cristo. Tulad ni Haven, malaki ang maitutulong natin sa iba kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya na maglingkod na katulad Niya.