2020
Lini Uilaau—Savai’i, Samoa
Hunyo 2020


Mga Larawan ng Pananampalataya

Lini Uilaau

Savai’i, Samoa

Larawan
Lini

Minsan ay nahirapan si Lini sa nadamang galit at kawalan ng pasensya. Ngunit nang sumapi silang mag-asawa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nadama ni Lini na naglaho ang mga damdaming iyon nang ipamuhay niya ang ebanghelyo.

Leslie Nilsson, retratista

Sinimulan kong pag-aralan ang ebanghelyo at nalaman ko sa pamamagitan ng mga turo ng Simbahan kung paano minahal ni Jesus ang mga bata. Napakabait Niya palagi sa kanila.

Sinimulan kong pagsikapan na maging higit na katulad ni Jesus. Ngayon ay sinusubukan kong mas mahalin ang lahat ng kapamilya ko. Gumugugol ako ng mas maraming oras na kasama nila at sa pag-alam ng mga pangangailangan nila. Nagbabasa kami ng mga banal na kasulatan bilang pamilya at sama-samang nagdarasal tuwing gabi.

Mas malambot na ang puso ko ngayon. Nakadarama ako ng higit na pagmamahalan, kapayapaan at kaligayahan sa aming tahanan sa pagsunod namin sa mga turo ni Jesucristo. Nagpapasalamat ako sa kung paano ako tinutulungan ng ebanghelyo na matuto na maging mas mabuting asawa, ina, at lola.

Iba ang relihiyon ng ilan sa nakatatandang mga anak namin, pero umaasa pa rin kami na sasapi sila sa totoong Simbahan balang-araw. Mithiin naming mag-asawa na pumunta sa templo sa susunod na taon. Pero panimulang mithiin pa lang namin iyan. Gusto naming makapunta ang aming buong pamilya sa templo at sama-sama kaming mabuklod.

Kayang baguhin ng ebanghelyo ang aming buhay. Bukod pa sa maikli ang pasensya ko, nahirapan din ako noon sa ilang bahagi ng Word of Wisdom. Pero ngayon ay hindi na problema sa akin ang mga ito. Kung matutulungan ako ng ebanghelyo na maging mas mabuting tao, alam ko na matutulungan din nito ang aking buong pamilya.

Larawan
Lini and Ioane with their family

Natamasa pareho ni Lini at ng kanyang asawang si Ioane ang mga pagpapala ng mas nagkakaisang pamilya nang tanggapin nila ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Larawan
Lini with her grandchildren

Sa bawat pagkakataon, niyayakap ni Lini nang mahigpit ang kanyang mga apo. May mithiin si Lini at ang kanyang asawa na makita ang kanilang buong pamilya na mabuklod sa templo balang-araw.

Larawan
family sitting together outside

Ang higit na pagmamahalan at kapayapaan sa kanilang tahanan ay isa lamang sa mga pagpapalang napansin ni Lini mula nang sumapi siya sa Simbahan at ipamuhay nila ang mga alituntuning natutuhan niya.