2020
Kinailangan Namin ng Pangalawang Himala
Hunyo 2020


Kinailangan Namin ng Pangalawang Himala

Daniel Payne, New Mexico, USA

Nagkaroon na kami ng isang himala sa pagbubuntis ng asawa ko. Ngayo’y kailangan namin ng isa pa.

Ang asawa kong si Sarah ay 24 na linggo nang buntis nang magsimula siyang makaramdam ng matinding pananakit. Binasbasan ko siya at pagkatapos ay pumasok na ako sa trabaho. Nasa trabaho pa ako nang tumawag siya para pauwiin ako at dalhin siya sa ospital.

“Lalabas na ang anak ninyo,” sabi sa amin pagdating namin. Dahil 24 na linggo pa lamang ang pagbubuntis ni Sarah, ang pinakamainam na tsansang mabuhay ang bata ay sa pamamagitan ng emergency C-section.

“Hindi na kailangang maragdagan ang trauma ng asawa mo,” sabi sa akin ng doktor. “Mamamatay rin naman ang sanggol.”

Nag-usap kami ni Sarah at ipinagdasal namin ang sinabi ng doktor. Nadama namin na kung may tsansa pang mabuhay ang aming anak, kailangan naming sunggaban ang tsansang iyon. Naranasan na naming mahirapang magkaanak. Ang panganay naming si Taylor ay ampon. Nang mabuntis si Sarah dalawang taon pagkaraang ampunin namin si Taylor, nadama namin na isang himala iyon. Ngayon ay kinailangan namin ng pangalawang himala.

Hindi nagtagal, lumapit sa amin ang isang espesyalista at sinabing, “Sa tingin ko may oras pa kaming dalhin ang asawa mo sa isang ospital na para sa mga bata sa El Paso, Texas, na may kakayahang mangalaga sa mga ipinanganak nang kulang sa buwan at mga bagong panganak na may malubhang sakit. May tsansang mabuhay ang sanggol doon!”

Umalis ang ambulansya mula sa aming lokal na ospital na sakay si Sarah at matuling tumakbo papunta sa ospital na para sa mga bata na 45 minuto ang layo. Sumunod ako sa likod ng ambulansya, na nagsusumamo sa Panginoon na bigyan kami ng isang himala. Nangako ako sa Kanya na mananatili ako sa landas ng tipan at susubukan kong magpakabuti pa.

Sa ospital, sinabi ko sa doktor sa neonatal intensive care unit: “Alam namin na nagkaroon na kami ng isang himala sa pagbubuntis ng asawa ko. Ngayo’y inaasahan namin ang isa pa.”

Naging maayos ang pagsilang, at nabuhay ang aming anak. Matapos siyang gumugol ng apat at kalahating buwan sa neonatal intensive care unit, iniuwi na namin si Shanna. Nakatanggap kami ng pangalawang himala. Ilang taon lang pagkaraan nito, nakatanggap kami ng isa pang himala—biniyayaan kami ng Panginoon ng kambal.

Medyo mababa ang IQ ni Shanna, at naka-wheelchair siya, ngunit masayang-masaya siya, laging positibo, at kaibigan ng lahat. Gustung-gusto niyang ikinukuwento sa iyo ang nangyari sa kanyang maghapon, at tuwang-tuwa siya sa buhay. Palagi niya kaming pinangingiti at tinuturuan kaming maging masaya. Mahal namin siya at nagpapasalamat kami para sa kanya. Si Shanna ay tunay na isang pagpapala.