2020
“Hindi Ko Tatalikuran ang Aking Pananampalataya”
Hunyo 2020


“Hindi Ko Tatalikuran ang Aking Pananampalataya”

Edouard Ngindu, Katoka, Democratic Republic of the Congo

Naging tampulan ako ng panunuya at pang-aalipusta sa trabaho. Bakit ako nakakapit sa isang trabahong naging panganib sa aking espirituwal na kapakanan?

Larawan
man reading scriptures

Paglalarawan ni Greg Stevenson

Hindi pa natatagalan matapos akong matanggap bilang assistant director sa isang malaking library, sinimulan namin ng team ko ang malaking proyekto ng pag-digitize ng 37,000 mga aklat. Isang araw tinawag ako ng supervisor ko sa kanyang opisina.

“Edouard,” sabi niya, “naimbitahan akong ilahad ang proyekto nating i-digitize ang mga aklat sa Estados Unidos at hingin ang iba pang mga aklat para i-digitize. Magsama raw ako ng isang pinagkakatiwalaang katrabaho. May tiwala ako sa iyo pero hindi sa simbahan mo. Kung tatalikuran mo ang pananampalataya mo, puwede kang sumama sa akin.”

Bago ako nakapagsalita, sinabi niya na pag-isipan ko iyon at pagkatapos ay pinalabas na ako.

Nang gabing iyon, ikinuwento ko sa asawa ko ang nangyari. Hinikayat niya akong manampalataya. Kinabukasan, sinabi ko sa supervisor ko na hindi ko tatalikuran ang pananampalataya ko. Nagalit siya at sinabi niya na siya na lang mag-isa ang magbibiyahe.

Pagkaraan ng isang taon, nagkaroon ako ng pagkakataong magpunta sa France para tumanggap ng training ukol sa pagpopondo, paglikom ng mga aklat, at pamamahala sa library. Kailangan lang akong payagan ng supervisor ko. Sabi niya papayagan lang niya ako kung tatalikuran ko ang aking pananampalataya. Muli akong tumanggi. Pagkatapos ay pinunit niya ang dokumento at inihagis ito sa mukha ko. Hindi nagtagal ay muli akong nilapitan ng supervisor ko.

“Malapit na naman akong magbiyahe,” sabi niya. “Puwede kang sumama sa akin, pero ganoon pa rin ang kundisyon. Hinding-hindi ako magbibiyahe na kasama ang isang miyembro ng simbahan mo.”

“Hindi ko tatalikuran ang pananampalataya ko,” sabi ko. Umalis siya nang walang imik. Hindi nagtagal sinimulan niyang kausapin ang mga kasamahan ko tungkol sa akin.

“Binigyan ko na siya ng mga pagkakataon,” sabi niya. “Pero sinayang niyang lahat iyon dahil sa kanyang bulag na pananampalataya. Hangal siya.”

Mula noon, naging tampulan na ako ng panunuya at pang-aalipusta sa trabaho. Lungkot na lungkot ako. Isang gabi, habang iniisip ang problemang ito, binuklat ko ang Biblia at nabasa ko, “Kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: sapagka’t may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mabulid sa impierno” (Mateo 5:29).

Kung sinasabi ng Panginoon na dapat nating alisin ang isang bagay para iligtas ang ating sarili, bakit ako nakakapit sa isang trabahong naging panganib sa aking espirituwal na kapakanan? Kinabukasan, nagbitiw ako sa trabaho.

Ngayon, nagagalak ako sa pasiya kong ito. May tapang at pananampalataya kay Jesucristo, hinarap ko ang paghamak sa trabaho at ang pansamantalang kawalan ng trabaho. Ang bagong trabaho ko ngayon ay nagbibigay ng mga pagkakataong hindi ko natanggap noon. Nabiyayaan ako ng Panginoon, at pinasasalamatan ko Siya sa Kanyang kabaitan at pagmamahal sa akin.