2020
Handa na bang Mabinyagan ang Anak Kong may Kapansanan?
Hunyo 2020


Handa na bang Mabinyagan ang Anak Kong may Kapansanan?

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Malapit na ang ikawalong kaarawan ng anak naming lalaki. Pero paano kami makatitiyak na handa na siyang mabinyagan?

Larawan
feet in baptismal font

Larawang kuha ni Randy Collier

Magwawalong taong gulang na ang anak naming si David. Gusto naming mag-asawa na maging handa siyang gumawa ng mga sagradong tipan sa binyag. Nangangahulugan iyan ng paggawa ng mga bagay na gaya ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon, pag-aaral ng mga tipan sa binyag, at pagrerebyu ng mga tanong sa interbyu sa binyag. Nagawa na namin ang lahat ng ito noon sa ate ni David, pero may autism si David, kaya kumplikado para sa amin ang pagdedesisyon kung dapat ba siyang mabinyagan.

Oo, alam namin kung ano ang gagawin para tulungan siyang maghanda, pero sa lahat ng paghahandang ito nangingibabaw sa isipan namin ang mga tanong na: Dapat bang mabinyagan si David? Handa na ba siya? Kailangan ba siyang binyagan? Naunawaan ba niya ang papasukin niya? Paano namin matitiyak na tama ang ginagawa namin?

Tulad ng maraming magulang na mayroong anak na may kapansanan, inakay kami ng mga tanong na ito sa paghahangad ng mga kabatiran sa doktrina at personal na paghahayag.

Ang Edad ng Pananagutan bersus Pananagutan

Mababasa sa Doktrina at mga Tipan 68:27, “At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng kamay.”

Kung aasa lang tayo sa talatang ito, masasabi natin na handa nang mabinyagan ang sinumang walong-taong-gulang. Gayunman, itinuturo din sa mga banal na kasulatan na:

“Ang maliliit na bata ay tinubos … sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak;

“Kaya nga, hindi sila magkakasala … hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan sa akin” (Doktrina at mga Tipan 29:46–47; tingnan din sa Moroni 8:7–22).

Paano namin mauunawaang mag-asawa kung may pananagutan si David? Patuloy kaming nagsaliksik.

Nalaman namin mula sa patakaran ng Simbahan na ang pananagutan ng bawat tao ay nakasalalay sa kanyang mga kagustuhan at sa antas ng kanyang pag-unawa: kung si David ay karapat-dapat at gusto niyang mabinyagan at nagpamalas siya na kaya niyang managot, hindi namin siya dapat pigilang mabinyagan.

Nalaman din namin na kung nalimitahan ng kapansanan ni David ang kanyang intelektuwal na kakayahan na tulad sa isang batang paslit, hindi siya papananagutin at hindi niya kakailanganin ang nakapagliligtas na mga ordenansa (tingnan sa Handbook 1: Stake Presidents and Bishops [2010], 16.1.8; ang mga miyembrong may mga tanong tungkol sa mga patakaran ng Simbahan ay maaaring sumangguni sa kanilang bishop).

Ang intelektuwal na kakayahan ni David ay talagang medyo tipikal. Gayunman, natagpuan ko pa rin ang sarili ko na nagdududa kung nakaabot ba si David sa angkop na antas ng pananagutan. Patuloy akong mapanalanging nagsaliksik at umasam ng patnubay na maghahatid sa akin ng kapayapaan.

Mga Kapansanan at Kawalang-Muwang

May kilala akong ilang magulang na mayroong anak na may kapansanan na napapanatag kapag nabasa nila na ang mga sumakabilang-buhay nang hindi nagkakaroon ng pananagutan ay nananatili sa kalagayan ng kawalang-muwang: “Lahat ng maliit na bata ay buhay kay Cristo. … Sapagkat ang kapangyarihan ng pagtubos ay mapapasakanilang lahat na wala ang batas; … at sa mga gayon ang binyag ay walang pakinabang” (Moroni 8:22).

Inilarawan din ni Propetang Joseph Smith ang kalagayan ng mga batang namatay bago sila sumapit sa edad ng pananagutan: “At namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (Doktrina at mga Tipan 137:10).

Alam ko na para sa mga taong ito, hindi kailangan ang binyag sa buhay na ito. Alam ko rin na tutulungan kami ng Diyos na malaman kung ano ang magiging pinakamainam para kay David.

Paghahangad ng Patnubay ng Langit

Para sa mga may kapansanan, may malaking hanay ng mga kakayahan. Maraming taong may mga kapansanan ang higit pa sa walong taong gulang ang antas ng pag-iisip at maaaring mabinyagan at makumpirma pagsapit nila sa edad ng pananagutan (tingnan sa Handbook 1, 16.3.5). Ang iba pang mga tao ay hindi mananagot. Alam ko na maaari kaming kumunsultang mag-asawa sa aming anak, sa Diyos, at sa aming bishop, na tumatayong “hukom sa Israel,” para makabuo kami ng inspiradong desisyon tungkol sa kahandaan ni David na mabinyagan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:76).

Ang mga salitang ito mula kay Alma ay naghatid ng malaking kapayapaan sa akin: “At ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, … ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?” (Mosias 18:8, 10).

Pagkatapos ng lahat ng aming paghahanda, lahat ng aming lesson sa bahay at sa Primary, sinimulan kong itanong kay David ang mga bagay na alam kong itatanong sa kanyang interbyu sa binyag.

May mga pagkakataon na ang mga sagot niya ay nagpakita ng pagkaunawa, ngunit kung minsan ay hindi niya alam kung paano tutugon. Napaisip ako kung tama ba ang aming ginagawa.

Sa huli, ibinulong ng Espiritu sa puso ko, “Bakit hindi mo itanong kay David kung ano ang iniisip niya?”

Bumaling ako kay David at nagtanong, “David, gusto mo bang mabinyagan?”

Tiningnan niya ako nang diretso at sinabing, “Opo!”

Nang tanungin ko siya kung bakit niya gustong mabinyagan, sabi niya, “Para maging katulad po ni Jesus.”

Napuspos ako ng kapayapaan at patnubay. Nalaman ko noon na kahit hindi lubos na naunawaan ni David ang bawat tanong, handa siyang mabinyagan at makumpirma. Alam niya kung ano ang kailangan niyang malaman, at ang pinakamahalaga, alam niyang nais niyang pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng binyag.

Ang araw na si David ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay puno ng pagmamahal, pagkakaibigan, at kapayapaan. Napuno ang kuwarto ng mga kapamilya, miyembro ng ward, kaibigan sa paaralan, at maging ng mga guro ni David sa paaralan. Ang halimbawang ipinakita ni David sa araw na iyon nang piliin niyang sundin si Jesus at mabinyagan ay isang halimbawang nakaimpluwensya sa marami sa kabutihan. Mas tumatag ang aming pamilya dahil nagkaroon kami ng pagkakataong malaman kung paano makikita ang mga gawa ng Diyos sa pamamagitan ng anak naming si David (tingnan sa Juan 9:3).