2020
Binuksan ng Isang Temple Open House ang Aking Puso
Hunyo 2020


Binuksan ng Isang Temple Open House ang Aking Puso

Ricardo Matamoros, Ahuachapán, El Salvador

Nang ibalita ang temple open house, nadama ko na parang personal akong inaanyayahan ng Panginoon na pumasok sa Kanyang bahay.

Larawan
man at temple open house

Paglalarawan ni Bradley Clark

Nabinyagan ako noong 15 taong gulang ako. Maraming tao ang hindi nakaunawa sa bago kong relihiyon. Pinagtawanan pa nga ng ilan, pati na ng mga kaibigan ko, ang desisyon kong sumapi sa Simbahan. Hindi miyembro ng Simbahan ang mga magulang ko, kaya hindi nila ako suportado.

Dahil dito, naging mahirap para sa akin na patuloy na dumalo sa Simbahan at patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo. Nang maging 19 anyos ako, tumigil ako sa pagsisimba.

Pagkaraan ng sampung taon, narinig ko na may itatayong templo sa El Salvador. Nagulat akong marinig na magtatayo ng isang bahay ng Panginoon sa aking bansa! Pagkalipas ng apat na taon, natapos ang San Salvador El Salvador Temple, at ibinalita ang isang temple open house. Nang malaman ko na magkakaroon ako ng pagkakataong makapasok sa templo dahil sa open house, nadama ko na parang personal akong inaanyayahan ng Panginoon na pumasok sa Kanyang bahay.

Ang araw na pumasok ako sa templo ay isa sa pinakamasasayang araw sa buhay ko. Sa open house, nalaman ko ang iba pang nangyayari sa loob ng inilaang mga templo. Nalaman ko rin ang mga sagradong tipan sa templo na ginagawa ng mga tao sa Diyos.

Nang pumasok ako sa bawat silid ng templo, nadama ko ang presensya ng Diyos. Nakadama ako ng kapayapaan. Ang pagbisita sa templo ay nagbigay sa akin ng pagnanais na bumalik sa Simbahan at muling ipamuhay ang ebanghelyo. Nang matanto ko na maaari akong makibahagi sa dakilang gawain ng Diyos, ginusto kong kumpletuhin ang gawain sa templo para sa aking mga ninuno at gamitin ang priesthood.

Ang karanasan ko sa templo sa araw na iyon ay nagpabago sa akin. Ngayon ay tinutulungan ko ang mga miyembro sa aking ward na maghanda para sa templo at tinutulungan ko sila sa family history para magawa nila ang gawain sa templo para sa kanilang mga ninuno.

Hindi pa huli ang lahat para bumalik sa Simbahan. Hindi pa huli ang lahat para gumawa ng kabutihan. Ang Panginoon, sa Kanyang walang-katapusang pagmamahal, ay palagi nating kasama. Ang templo ay isang lugar na nagbibigkis sa atin sa Kanya at tinutulutan tayong makabalik sa Kanyang piling balang-araw.