2020
Pagtatamo ng Patotoo sa Lahat ng Dako ng Mundo
Hunyo 2020


Pagtatamo ng Patotoo sa Lahat ng Dako ng Mundo

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA

Ito ang kuwento kung paano ako sumapi sa Simbahan at naging aktibo ang pamilya ko sa ebanghelyo.

Larawan
temples around the world

Paglalarawan ni Pauline Grayson

Isinilang ako sa Spain at nanirahan doon nang walong taon. Hindi kami nagsimba nang madalas, kaya hindi ako nabinyagan nang maging walong taong gulang ako, pero gusto ko talagang mabinyagan. Isang araw tinanong ko ang mga magulang ko kung bakit hindi na kami nagsisimba at bakit hindi pa ako nabibinyagan.

Nang ipaliwanag ko sa kanila ang hangarin kong mabinyagan, inantig nito ang kanilang puso, at nagsimula kaming magsimbang muli. Masarap iyon sa pakiramdam. Ang nanay ko ay isang napakabuting halimbawa at inspirasyon sa akin. Malakas ang kanyang patotoo at madalas siyang magbasa ng mga banal na kasulatan.

Paglaon, lumipat kami sa Venezuela, kung saan nagmula ang tatay ko. Nanirahan kami roon nang dalawang taon, at dahil sa mga problema sa ekonomiya, naharap kami sa maraming hamon. Pero may magagandang bagay rin naman. Gustung-gusto ko ang pagkain, at may pamilya ako roon na sabik akong makita. Sila ay mga taong labis na mapagpakumbaba, at sama-sama kaming nagsimbang lahat at nadama namin ang Espiritu.

Kahit nagsisimba kami at nadarama ko ang Espiritu, alam ko na may kulang sa akin at sa aking pamilya. Talagang nadama ko na kailangan naming mabuklod bilang walang-hanggang pamilya. Isang Linggo ng umaga, inanyayahan ng bishop ang lahat sa kongregasyon na basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon. Alam ko na makakatulong ito sa amin ng mga magulang ko na mas lubos na maipamuhay ang ebanghelyo ng Panginoon. Unti-unti, nang basahin namin ang Aklat ni Mormon, sinimulan ng Tagapagligtas na bigyan kami ng iba pang kaalaman at mga pagpapala, at patuloy kaming nagbasa ng mga banal na kasulatan nang regular.

Hindi nagtagal ay nabinyagan ako. Talagang nadama ko ang Espiritu sa buhay ko, at maging ng mga magulang ko. Nagsimulang mas lumago ang aking patotoo. Lumipat kami sa Florida, USA, at kinailangan naming muling gumawa ng maraming pagbabago at sakripisyo, gaya noong umalis kami ng Spain. Ngunit mas lumakas ang aming patotoo. Nagsimba kami linggu-linggo at patuloy na nagbasa ng mga banal na kasulatan.

Pagkaraan ng maraming pagsisikap at pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagpili ng tama, ginusto naming mabuklod bilang walang-hanggang pamilya. Kinausap namin ang aming bishop, at kahit natagalan nang kaunti, sa wakas ay sumapit din ang araw. Sabik na sabik kaming makapasok sa templo.

Nakapagpabinyag ako para sa mga patay habang naghihintay sa mga magulang ko na matapos ang gawain nila sa templo para sa kanilang sarili. Pakiramdam ko parang binibinyagan akong muli. Talagang masaya akong matulungan ang mga tao sa kabila ng tabing. Ngayon linggu-linggo kaming nagpupunta ng pamilya ko sa templo. Regular akong nagpapabinyag dahil gustung-gusto kong tumulong doon. Napakasaya ko na nabuklod ako sa aking mga magulang sa templo para sa kawalang-hanggan at nagkaroon ng pagkakataong mabuhay sa piling nila magpakailanman.