Digital Lamang
Ang Itinuro sa Akin ng Kapansanan ng Aking Anak tungkol sa Biyaya
Alam ng Ama sa Langit kung ano ang pinagdadaanan natin. At alam Niya kung ano ang maaari nating kahinatnan.
Hango mula sa isang debosyonal sa Brigham Young University na ibinigay noong Hulyo 10, 2018. Para sa buong mensahe, magpunta sa speeches.byu.edu.
Ang aking pangalawang anak na babaeng si Caroline ay ipinanganak sa pamamagitan ng emergency C-section. Isang hindi maipaliwanag na pagkawala ng dugo ang nagdulot ng kakulangan ng oxygen sa kanyang utak, na nagkaroon ng matinding pinsala.
Pagkaraan ng labinlimang taon, ang developmental level ni Caroline ay nanatiling katulad pa rin ng yaong sa tatlong buwang sanggol. Hindi siya makalakad o makagapang o makaikot. Hindi siya makapagsalita, at hindi namin sigurado kung ano ang nauunawaan niya.
Ang magandang balita ay kaibig-ibig si Caroline. Siya ang may pinakamagandang ngiti at pinakanakakatuwang tawa. Gustung-gusto niya ang mga yakap at halik, ang malamig na hangin sa kanyang mukha, at ang mga rumble strip sa kalsada. Gumagawa siya ng nakakaaliw at tahimik na tunog na “aah” at napakalakas na tunog na “AAH”—kadalasan sa kalagitnaan ng gabi.
Noong limang taong gulang si Caroline, may panahong gumigising siya sa kalagitnaan ng 2:00 at 3:00 n.u. sa loob ng ilang sunud-sunod na araw. Isang gabi matapos ang ganitong hindi kaibig-ibig na paggising, isinulat ko ito:
Habang pinapalitan ko ang kanyang lampin kani-kanina lamang, hindi ko napansing kinakanta ko pala ang isa sa mga awitin [sa Primary] na sinabi ni Lizzy (ang isa pa naming anak na babae) na kakantahin namin ngayon bago matulog gabi-gabi. . . . “D’yos tayo’y binigyan ng pamilya nang S’ya ay matularan.” At tumingin ako kay Caroline at biglang pumasok sa aking isipan ang mga salita.
Binigyan ako ng Diyos ng isang pamilya—kabilang itong taga-gising tuwing 2:00 n.u.—nang Siya ay matularan ko. … “Ang pag-ibig N’ya’y taos,” pagpapatuloy ng koro, “dahil pamilya’y sa D’yos.”
Noong gabing iyon ay nakadama ako ng isang maikli ngunit pinagpalang ugnayan sa Diyos, isang pagpapatibay na, sa sandaling iyon, kilala Niya ako at si Caroline at ang aming pamilya nang personal. Mahal Niya tayo. At nagbigay Siya, ang aking Ama, ng lakas ng loob sa akin sa pamamagitan ng pagtuturo sa akin kung bakit tayo nakakaranas ng mga ganitong hamon: “nang S’ya ay matularan.”
Palagi rin siyang gumagawa ng malakas na tunog na “AAH” sa simbahan. Lalo na kapag talagang malungkot at maingay siya, inilalabas ko siya o ng aking asawa sa foyer, kung saan iniikot-ikot namin si Caroline sa kanyang wheelchair para mapakalma namin siya gamit ang paggalaw.
Isang araw ng Linggo, pumunta ako sa simbahan tulak ang isang napakalungkot na Caroline at naisip ko na mananatili lamang kami hanggang sakramento. Habang naglalakad ako sa foyer at nananatiling malungkot si Caroline, nagsimula akong mag-alala kung aabot pa kami hanggang doon. Tila walang epekto ang lahat ng aking pagsisikap na pakalmahin siya.
Ngunit biglang nagsimula ang sacrament hymn. Inilapit ko ang aking mukha sa mukha ni Caroline at kinantahan ko siya. Siya ay tumahimik at nakinig. Ang sacrament hymn noong araw na iyon ay “Mapitagan at Aba” (Mga Himno, no. 109), na isinulat na tila ang Tagapagligtas ang umaawit. Inaamin ko na nakatuon ako kay Caroline at hindi sa himno—hanggang sa umabot kami sa ikaapat na talata, kung kailan natagpuan ko ang aking sarili na kinakanta ang mga salitang ito sa aking anak:
Minahal kitang tunay,
Walang hangga’t dalisay.
Tinitigan ko ang malalaking bughaw na mata ni Caroline at talagang nadama ko ang magiliw at personal na katotohanan ng mga salitang iyon. Ang pagmamahal ni Jesucristo, ang Manunubos ng sanlibutan, para kay Caroline ay “walang hangga’t dalisay.” Kapag siya ay malungkot o nasasaktan at kapag hindi alam ng kanyang mga magulang kung paano siya pakakalmahin, mayroong Isa na kanyang Walang Hanggang Kaibigan, na nakakaalam kung ano ang nararamdaman niya at kung paano siya tutulungan.
Kamakailan, ang aming pamilya ay nagkaroon ng isang masayang talakayan tungkol sa isang mahalagang paksa: ang aking buhok—o ang kawalan nito dahil kalbo ako. Iginiit ko na sa Pagkabuhay na Mag-uli, hindi nila ako makikilala dahil sa aking kulot na buhok.
Walang anu-ano ay sinabi ni Lizzy, “Sa tingin ko po, hindi ko na iyon mapapansin dahil sa pagsasalita ni Caroline.”
Nagtawanan kaming lahat, ngunit naantig ako ng mahalagang katotohanan sa kanyang mga salita: Ang kaligtasan na darating sa pamamagitan ng ating Dakilang Manunubos ay mapapasalahat, maaayos ang aking buhok at ang brain damage ni Caroline at ang lahat ng bagay sa pagitan nito. Ang biyaya ni Jesucristo ay kamangha-mangha; ang Kanyang kapangyarihan na magpagaling ay walang limitasyon.
Ang pagkatao ni Caroline sa walang hanggan ay hindi itinatakda ng kanyang kapansanan sa mortalidad; isang maganda at maluwalhating kinabukasan ang naghihintay sa kanya dahil kay Jesucristo.