2020
Espesyal na mga Pangangailangan, Espesyal na mga Aral
Hunyo 2020


Espesyal na mga Pangangailangan, Espesyal na mga Aral

Ibinabahagi namin ang ilang bagay na natutuhan namin mula sa aming karanasan kay Dora, ang anak naming babae na may espesyal na mga pangangailangan, na umaasa at nananalangin na ang aming mga iniisip at sinasabi ay maaaring magpala sa iba na may gayon ding karanasan.

Larawan
Elder Pieper with his daughter Dora

Mga larawan ni Dora na ibinigay ng pamilya Pieper

Ilang araw matapos ang iniskedyul na pagsilang ng aming anak na babaeng si Dora sa pamamagitan ng Caesarean section, alam namin na mayroong kakaiba sa kanya. Ngunit nang isugod siya sa ospital mula sa pagpapasuri sa doktor pagkaraan ng tatlong linggo, saka lamang namin naunawaan na ang kanyang pagsilang ay magpapabago sa buhay ng aming pamilya.

Nang sumunod na mga linggo at buwan, nariyang umasa at nariyang matakot kami nang subukang suriin ng dedikadong mga propesyonal ang kalagayan ni Dora. Bawat bagong teorya ay naghatid ng sarili nitong mga pangamba.

“Naku po, huwag iyon. Hindi namin makakayanang mawala siya,” sagot namin sa isang posibleng resulta ng pagsusuri. “Kung ito nga iyon, hindi namin sigurado kung paano iyon haharapin,” sagot namin sa isa pa.

Ang pagsusuri ay kapwa mabuti pero napakahirap din. Mapapanatag kami at matutulungan nito na maunawaan kung ano ang mangyayari sa hinaharap, pero maaari din itong lumikha ng mga inaasahan o tumukoy sa mga limitasyon na maaaring hindi naman totoo. Sa kaso namin, nagpapasalamat kami na matapos ang lahat ng teorya at pagsusuri, hindi makapagbigay ng eksaktong resulta ng pagsusuri ang mga doktor para kay Dora.

“Normal ang kanyang buong pangangatawan,” sabi nila sa amin, “pero malambot ang kalamnan niya at nagkokombulsyon siya.”

Nabuhay kami sa nakaraang 28 taon sa pahayag na iyon—sa mga kawalang-katiyakan, nakakagulat na mga pagbabago, mga hamon, mga kagalakan at posibilidad na dulot nito. Hindi namin alam kung ano ang kahihinatnan nito, pero kahit kailan hindi namin nadama na limitado kami sa isang partikular na resulta ng pagsusuri.

Pagtukoy sa Isang Tao na May Espesyal na mga Pangangailangan

Ang ilan sa pinakamadadalas itanong sa amin sa nakaraang mga taon tungkol kay Dora ay “Ano ang sakit niya?” at “Ano ang kapansanan niya?” Kadalasa’y ganito ang sagot namin, “Hindi siya nagsasalita, naglalakad nang walang tulong, o kumakain o nagdadamit nang mag-isa, pero higit pa siya kaysa riyan.”

Natutuhan naming huwag siyang kilalanin ayon sa kanyang kawalan ng mga kakayahan o kanyang mga limitasyon. Sa halip, gustung-gusto naming kilalanin siya ayon sa kanyang mga kakayahan.

Halimbawa, kayang ngumiti ni Dora. Ang kanyang ngiti ay nagpapangiti sa mga tao sa paligid niya. Pinahinto kami sa airport ng mga taong hindi namin kilala upang makiusap kung puwede silang magparetrato na kasama si Dora dahil lamang sa natutuwa sila sa liwanag na nagmumula sa kanyang maningning na ngiti.

Kaya niyang yumakap. Kung mapalad kayong mayakap ni Dora, babaguhin nito ang inyong buhay. Minsan, habang papalabas kami mula sa isang sporting event, nadaanan ni Dora ang isang pulubi sa bangketa at agad-agad niya itong nilapitan at niyakap. Kitang-kita sa mukha nito na ang kanyang yakap ay isa sa pinakamagagandang karanasan niya sa araw na iyon.

Ipinadarama ni Dora na mahal niya kayo. Kung magkakatinginan kayo ni Dora, kahit saglit lamang, madarama ninyo ang tamis ng pagmamahal na maaaring magpaluha sa inyo. Taglay ang napakagagandang kaloob na iyon, bakit pa namin nanaising tukuyin siya bilang “walang kakayahan” o “may kapansanan”? Daan-daang buhay na ang naimpluwensyahan niya sa kabutihan sa pagiging natural lamang at sa paggawa ng ginagawa niya.

Larawan
Photograph of Dora Pieper

Paisa-isang Araw

Madali para sa mga magulang na magulumihanan kapag natatanto nila na habambuhay na aasa sa kanila ang kanilang anak. Mas matindi pa ang pangamba nila kapag kinakailangan ng batang iyon ang patuloy na pisikal, emosyonal, at marahil ay medikal na suporta. Ang pagkakataong pakainin, bihisan, paliguan, alagaan, at suportahan ang isang bata araw-araw ay maaaring mukhang napakahirap gawin.

Sa mga sandaling iyon, mahalagang tumigil sandali at sabihing, “Kailangan ko lang gawin ito ngayon.” Napag-alaman namin na sa pagtuon lamang sa mga pangangailangan sa bawat araw, ang gawain ay tila mas madaling gawin. Maaari kaming mabuhay nang paisa-isang araw, at makakahanap kami ng kagalakan at paglago na kasama sa araw na iyon.

Kakayahang Umunlad

Lahat ng espiritung isinugo sa lupa ay may kakayahang “umunlad.”1 Inaasahan na gagamitin nating lahat ang ating kalayaan ayon sa ating kakayahan. Tayong mga tagapangalaga ay responsable sa pagtulong sa mga nasa ilalim ng ating pangangalaga na lumago at umunlad sa pisikal, emosyonal, at espirituwal sa abot ng makakaya nila. Ang ibig sabihin niyan ay tulungan silang magkaroon ng mga pagkakataong maglingkod—tulad ng pagyakap at pagngiti ni Dora. Maaari din itong mangahulugan ng pagtulong sa kanila na gamitin at, kung posible, paunlarin ang kanilang pisikal at mental na kakayahan sa pamamagitan ng therapy at aktibidad.

Sa paggawa nito, kailangan nating maging makatotohanan. Kung patuloy tayong nabibigo, maaaring minamadali natin ang pag-unlad. Matutulungan at magagabayan tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu na gawin ang mga bagay na posible at angkop. Sa ilang pagkakataon, bibigyan Niya tayo ng mga himala, kahit mukha man itong maliit.

Lagi naming maaalala na sinabihan kami ng isang bantog na orthopedic specialist na hindi kailanman makakalakad si Dora. Ngunit pagkaraan ng ilang taon ng maraming pagdarasal at pagsisikap, kaya na ngayong maglakad ni Dora nang may tulong. Hindi pa nagbabago ang kanyang kalagayan sa kabuuan, pero binigyan kami ng Panginoon ng maliit na himala para tulungan siyang lumago at mas masiyahan sa buhay.

Larawan
Dora riding a horse

Pananampalatayang Hindi Gumaling

Natural lang na magtanong ng bakit? kapag ang isang itinatangi at may kapansanang anak ng Diyos ay ipinadala sa ating tahanan. Ang ating pananampalataya ay natural na umaakay sa atin na hilingin sa Diyos kung maaari bang pagalingin o alisin Niya ang kapansanan ng bata. Tiyak ang pananampalataya namin na kayang pagalingin ng Diyos ang aming anak, ngunit nilinaw rin Niya na hindi Niya kalooban na gawin iyon ngayon.

May sariling mga layunin ang Ama sa Langit sa pagpapadala kay Dora sa amin, at pagagalingin Niya siya—kung at kapag loloobin Niya na gawin iyon. Maaaring hindi dumating ang araw na iyon hanggang sa oras ng huling pagpapagaling—ang Pagkabuhay na Mag-uli. Kailangan ng pananampalataya na tanggapin ang kalooban ng Diyos na hindi pagagalingin ngayon ang itinatanging mga taong ito na kasing-lakas ng paniniwala na mapapagaling Niya sila ngayon. Si Dora ay ipinadala sa amin nang may layunin, at nadama namin na huwag nang alamin kung bakit kundi itanong sa Ama sa Langit kung ano ang nais Niyang matutuhan namin.

“Ang pagtatanong ng, Bakit kailangang mangyari ito sa akin? Bakit ko kailangang danasin ito, ngayon? Ano ang nagawa ko na naging sanhi nito? ay aakayin kayo sa madidilim na daan,” sabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa halip, sabi niya, “Itanong, Ano ang gagawin ko? Ano ang matututuhan ko mula sa karanasang ito? … Kapag nagdasal kayo nang may tunay na paniniwala, ‘Ipaalam po sana Ninyo sa akin ang Inyong kalooban’ at ‘Nawa’y kalooban Ninyo ang mangyari,’ kayo ay nasa pinakamatatag na katayuang tumanggap ng pinakamalaking tulong mula sa inyong mapagmahal na Ama.”2

Kung minsan iniisip namin ang mga magulang ng mga batang pinagaling ng Tagapagligtas sa Kanyang mortal na ministeryo. Marahil, tulad namin, nag-isip din ang mga magulang na iyon kung bakit ipinadala sa kanila ang mga anak nilang iyon. Matapos silang pagalingin ng Tagapagligtas, nauunawaan ng mga magulang na magiging imposible para sa Kanya na ipamalas ang Kanyang kapangyarihang magpagaling at kabanalan kung walang pagagalingin. Mayroon kaming pananampalataya na darating ang oras ng paggaling para sa lahat ng anak ng Diyos.3

Inaasam namin ang araw na iyon.

Mga Tala

  1. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Lahat ng isipan at espiritung pinababa ng Diyos sa mundo ay may kakayahang umunlad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 244).

  2. Richard G. Scott, “Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 17.

  3. Para sa kabatiran sa pagkakaroon ng “pananampalataya na hindi mapagaling,” tingnan sa David A. Bednar, “Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon,” Liahona, Ago. 2016, 16–23.