2020
Ang mga Matulunging Kamay ni Eli
Hunyo 2020


Ang mga Matulunging Kamay ni Eli

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“Mga pwedeng gawin ng kamay kaydami” (Aklat ng mga Awit Pambata, 126).

Larawan
Elis Helping Hands

Sabado ng umaga, at nakabantay si Eli sa goal box, handang sumunggab. Tumalon siya at sumunggab, na ginagawa ang lahat para hindi pumasok ang football sa net. Pero napakahirap! At bago natapos ang laro, lumagpas ang bola sa mga kamay niya. Nakapuntos ang kalaban! Natalo ang team ni Eli. Lungkot na lungkot siya.

Kinabukasan sa simbahan, dahan-dahang naglakad si Eli papunta sa kanyang klase sa Primary, na nalulungkot pa rin.

Nakita ni Eli ang kaibigan niyang si Kate sa labas ng klase. Itinulak ng nanay ni Kate ang kulay-pink na wheelchair ni Kate papasok sa loob. Niyakap niya si Kate bago umalis para pumunta sa sarili niyang klase.

“Hi, Kate,” sabi ni Eli.

Hindi makasagot o makakaway si Kate, pero lagi itong nakatingin sa mga mata si Eli kaya alam niya na narinig siya ni Kate.

Kadalasa’y nakangiti si Kate kapag bumabati si Eli, pero hindi ngayong araw. Malungkot ba si Kate? napaisip ni Eli. Alam ko ang pakiramdam na iyan. Malungkot pa rin siya na hindi niya napigilang makapuntos ang kalaban nila.

Tumabi si Eli kina Juan at Makell nang simulan ni Sister Young ang klase. Pagkatapos ay humikbi si Kate. Kung minsan nahihirapang maupo nang tahimik si Kate dahil sumasakit ang katawan niya.

“Kate, may masakit ba sa iyo ngayon?” tanong ni Sister Young.

Nagsimulang umiyak si Kate.

“Siguro makakatulong ang isang awit sa Primary,” sabi ni Sister Young.

Nagsimulang kumanta ang klase. Mahilig si Kate sa musika. Kadalasa’y sumasabay siya sa pagkanta sa pamamagitan ng paggawa ng masasayang tunog. Pero ngayong araw, umiyak lang si Kate.

Paano namin mapapabuti ang pakiramdam ni Kate? naisip ni Eli.

Pagkatapos ay mayroon siyang naisip na ideya. “Alam ko na!” sabi ni Eli kay Sister Young. “Itutulak ko nang kaunti ang wheelchair ni Kate.”

Nakita ni Eli kung paano itinulak nang marahan ng nanay ni Kate ang wheelchair niya nang kailanganin ni Kate na bumuti ang pakiramdam niya. Nagmadali siyang pumunta kay Kate at sinimulan niyang itulak-tulak nang marahan ang wheelchair nito.

Tumigil si Kate sa pag-iyak.

“Puwede bang ako naman?” tanong ni Juan.

“Ako rin!” sabi ni Makell.

Habang nagtuturo si Sister Young ng lesson, nagsalitan si Eli at ang kanyang mga kaibigan sa pagtulak sa wheelchair ni Kate. Ngumiti si Kate. Tila mas lumiwanag ang buong kuwarto.

Sa pagtatapos ng klase, nakangiti ang lahat.

“Sumaya ako sa pagtulong kay Kate,” sabi ni Eli.

“Natutuwa ako,” sabi ni Sister Young. “Pinasasaya rin nito ang Ama sa Langit. Mahal Niya si Kate at nais Niyang bumuti ang pakiramdam nito. Kung minsa’y tayo ang nagiging katulong Niya.”

Tumingin si Eli kay Kate. “Tinutulungan mo rin ako,” sabi niya rito. “Tuwing ngumingiti ka.”

Ngumiti si Kate.

Nang umuwi si Eli mula sa simbahan, mainit ang kanyang pakiramdam na tulad ng isang football field sa isang maaliwalas na araw ng tag-init. Maaaring hindi ko masalo ang lahat ng football, naisip niya. Pero magagamit ko pa rin ang mga kamay ko para tumulong sa mga tao.

Mga paglalarawan ni Melissa Manwill