Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Isang “Pagbabawal sa Gawain” sa Ghana


“Isang ‘Pagbabawal sa Gawain’ sa Ghana,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)

“Isang ‘Pagbabawal sa Gawain’ sa Ghana,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan

Hunyo 1989–Nobyembre 1990

2:59

Isang “Pagbabawal sa Gawain” sa Ghana

Ang manatiling tapat habang ang mga Banal ay hindi maaaring magtipun-tipon

Sina Alice Johnson at Hetty Brimah na nagbabahagi ng ebanghelyo sa Koforidua, Ghana.

Si Alice Johnson ay isang missionary na naglilingkod sa kanyang sariling bansa, ang Ghana. Gustung-gusto niyang ibinabahagi ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo at tinutulungang lumago ang Simbahan.

Mga Banal, 4:500–01

Nalaman nina Alice at Hetty na hindi na nila maibabahagi ang ebanghelyo.

Isang araw, nakatanggap ng nakakadismayang balita si Alice. Sinabi ng gobyerno ng Ghana na hindi na maaaring magkaroon pa ng mga miting sa Simbahan. Hindi na makapagtuturo ang mga missionary.

Mga Banal, 4:501

Mga pulis sa labas ng nakakandadong gusali ng Simbahan.

Pinaalis ng mga pulis ang mga missionary sa kanilang mga apartment at kinuha ang kanilang mga bisikleta. Ilang miyembro ng Simbahan ang ibinilanggo. Ikinandado ng mga sundalo ang mga gusali ng Simbahan at hindi nagpapasok ng sinuman. Tinawag ito ng mga tao na “freeze” o “pagbabawal sa gawain.”

Mga Banal, 4:501–02

Si Alice na papaalis para tumira sa isang kaibigan.

Kinailangang umuwi ang mga missionary. Umalis si Alice para tumira sa isang kaibigan sa ibang bayan. Nag-alala siya na baka hindi na niya matapos ang kanyang misyon.

Mga Banal, 4:502–03

Mga Banal sa Ghana.

Ang mga Banal sa Ghana ay nalito, nalungkot, at natakot. Napaisip sila kung ano ang maling nagawa nila. Makakasisimba pa kaya sila ulit?

Mga Banal, 4:503

Mga Banal na nagdaraos ng sacrament meeting sa tahanan.

Kahit hindi sila makapagtipon sa kanilang mga ward, mahal pa rin ng mga Banal ang Panginoon at nais nilang sambahin Siya. Nagdaos sila ng mga sacrament meeting sa kani-kanilang tahanan. Binasbasan ng mga kapamilya na may priesthood ang tinapay at tubig at ipinamahagi ito sa iba pang mga miyembro ng pamilya.

Doktrina at mga Tipan 6:32; Mga Banal, 4:504

Mga Banal na nagbabahaginan ng ebanghelyo sa tahanan.

Lumipas ang mga buwan, nagpatuloy ang freeze o pagbabawal sa gawain. Ang mga Banal ay umawit ng mga himno at itinuro sa isa’t isa ang ebanghelyo sa kani-kanilang tahanan. Binisita nila ang isa’t isa upang mapanatiling matatag ang kanilang pananampalataya. Itinabi nila ang kanilang ikapu para magbayad kapag nakabalik na sila sa simbahan. Nagdasal at nag-ayuno sila na matapos na ang freeze o pagbabawal sa gawain.

Mga Banal, 4:524–25

Inanyayahan si Alice na magmisyon muli.

Sa wakas, pagkaraan ng 18 buwan, nagpasiya ang gobyerno na payagang magdaos muli ng mga miting ang Simbahan. Hiniling ng bagong mission president na makausap si Alice, na estudyante na noon sa kolehiyo. “Gusto mo bang bumalik at maglingkod sa misyon matapos mong mag-aral?” tanong niya. “Hindi po,” sabi niya. “Gusto ko pong maglingkod ngayon mismo!”

Mga Banal, 4:525–27

Mga Banal sa Ghana na dumadalo sa isang miting ng Simbahan.

Masayang-masaya si Alice at ang iba pang mga Banal na muli silang makakasimba! Sa unang Linggo matapos ang freeze o pagbabawal sa gawain, tumagal ng dalawang oras ang sacrament meeting dahil napakaraming tao ang gustong magpatotoo. Ikinuwento nila sa isa’t isa kung paano sila pinagpala at tinulungan ng Panginoon na mapanatiling matatag ang kanilang pananampalataya.

Doktrina at mga Tipan 20:75; Mga Banal, 4:526