“Pagtatayo ng Nauvoo,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Pagtatayo ng Nauvoo,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
1840–1842
Pagtatayo ng Nauvoo
Ang mga plano ng Panginoon para sa isang magandang lungsod
Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa isang bagong lugar. Malapit ito sa isang malaking ilog na tinatawag na Mississippi. Ang lupa ay basa at maputik. Para sa ilang mga tao, ito ay tila hindi isang magandang lugar para pagtayuan ng isang lungsod. Ngunit alam ni Propetang Joseph Smith na sa tulong ng Panginoon, magagawa nila itong maganda.
Doktrina at mga Tipan 124:25; Mga Banal, 1:476
Nagsimulang magtrabaho nang husto ang mga Banal para maging magandang panirahanan ito. Tinawag ni Propetang Joseph ang bayan na Nauvoo, na ibig sabihin ay “magandang lugar.”
Mga Banal, 1:476
Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng isang bahay sa Nauvoo kung saan maaaring pumunta at magpahinga ang mga manlalakbay. Nais Niya na ang Nauvoo ay maging isang lugar kung saan nadarama ng lahat na malugod silang tinatanggap.
Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 60; Mga Banal, 1:486
Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph na may magagandang plano Siya para sa Nauvoo. Gusto Niya na magtipon dito ang Kanyang mga Banal para makapagtayo sila ng templo. Hiniling Niya sa kanila na magtrabaho nang husto hangga’t kaya nila upang maitayo ang bahay ng Panginoon. Mabilis na sinimulan ng mga Banal ang paggawa.
Doktrina at mga Tipan 124:25–28, 44, 55; Mga Banal, 1:476–77, 485–87
Nais ng Panginoon na magtayo ng templo ang mga Banal dahil marami Siyang magagandang pagpapalang ibibigay sa kanila. Sa templo, gagawa sila ng mga tipan, o natatanging mga pangako, sa Panginoon. Malalaman din nila ang tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang mga anak.
Doktrina at mga Tipan 124:29–41; Mga Banal, 1:517–20
Nagsikap ang mga Banal na itayo ang templo, tulad ng iniutos ng Panginoon. Matagal bago natapos iyon, ngunit nasasabik sila sa araw na malalaman na ng bawat isa sa kanila ang tungkol sa mga natatanging pangako ng Panginoon para sa kanila sa Kanyang templo.
Mga Banal, 1:517–20