“Ang Kampo ng Israel,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Ang Kampo ng Israel,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Nobyembre 1833–Pebrero 1835
Ang Kampo ng Israel
Matutong magtiwala sa Panginoon
Ang mga Banal na nakatira sa Independence, Missouri, ay nangailangan ng tulong. Pinaghirapan nilang itayo ang Sion tulad ng iniutos ng Diyos. Ngunit ayaw ng ibang tao sa bayan na naroon sila. Pilit nilang pinaalis ang mga Banal sa kanilang mga tahanan.
Mga Banal, 1:225
Si Joseph Smith ay nakatira sa Kirtland. Nabalitaan niya ang nangyari sa mga Banal sa Missouri, at nalungkot siya. Nagdasal siya upang malaman kung ano ang gagawin niya. Sinabi ng Panginoon kay Joseph na humanap ng mga taong makakasama niya papunta sa Missouri. Umasa sila na tutulong ang gobyerno na maibalik sa mga Banal ang kanilang mga tahanan.
Doktrina at mga Tipan 103:1–2, 11–20, 30–34; Mga Banal, 1:225–227
Mga 100 katao ang nagboluntaryong sumama sa kanya. Tinawag ng Propeta ang grupong ito na Kampo ng Israel. Sabik silang maglakbay para tulungan ang mga Banal sa Missouri.
Mga Banal, 1:227–30
Si Brigham Young at ang kanyang kaibigan na si Heber Kimball ay kasama ng grupo. Isang binata na nagngangalang Wilford Woodruff ang dumating mula pa sa New York para tumulong.
Mga Banal, 1:227–29
Marami pang tao ang sumama sa kampo. Buong buwan silang naglakad at tumawid sa isang malawak na ilog patungong Missouri. Pagod at masasakit ang katawan nila. May ilang tao rin ang nadismaya dahil sa mahabang paglalakbay. Malayo pa ang kanilang lalakbayin para makarating sa lungsod ng Independence.
Mga Banal, 1:230–32
Habang sila ay patuloy na naglalakad, isang babae ang tumawag sa kanila. Sinabi niya na may ilang lalaking paparating para patayin sila.
Mga Banal, 1:234
Isang gabi, humimpil ang Kampo ng Israel sa isang burol sa itaas ng isang ilog para magpahinga. Habang nag-aayos sila ng kampo, pinuntahan sila ng limang lalaking nakakabayo. Ipinagmalaki nila na 300 kalalakihan pa ang paparating para sumalakay sa kampo. Maraming miyembro ng Kampo ng Israel ang nag-alala. Sinabi sa kanila ni Joseph na manalig na tutulungan sila ng Diyos.
Mga Banal, 1:234
Hindi nagtagal at nagkulay-abo ang mga ulap sa kalangitan. Nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Lumalim ang ilog. Itinumba ng hangin ang mga puno. Gumuhit ang kidlat sa kalangitan. Natagpuan ni Joseph at ng iba pa ang isang maliit na simbahan kung saan sila maaaring sumilong at maging ligtas. Buong gabi silang kumanta ng mga himno. “Ang Diyos ay narito sa bagyo!” sabi ni Joseph.
Mga Banal, 1:234–35
Pinigilan ng bagyo ang mga taong gustong salakayin sila. Naligtas ang kampo. Ngunit sinabi ng gobyerno na hindi nila tutulungan ang mga Banal. Sinabi ng Panginoon kay Joseph na maaari nang umuwi ang Kampo ng Israel. Dapat itayo ng mga Banal ang Sion sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ipinangako Niya na Siya ang “lalaban sa mga digmaan ng Sion.”
Doktrina at mga Tipan 105:1–19; Mga Banal, 1:235–37
Ilan sa mga miyembro ng kampo ang nadismaya nang marinig ito. Nalungkot sila dahil hindi sila nakipaglaban para sa Sion. Inakala ng ilan na bigo ang Kampo ng Israel. Ngunit ang iba, tulad nina Brigham Young, Heber, at Wilford, ay nagpasalamat sa pagkakataong nakasama si Propetang Joseph at natuto mula sa Kanya.
Mga Banal, 1:237–38
Kalaunan, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na tumawag ng Labindalawang Apostol para tumulong na pamunuan ang Kanyang Simbahan. Ang Labindalawang Apostol ay magiging mga natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa lahat ng dako ng mundo. Walo sa Labindalawang Apostol ang naglakbay kasama ng Kampo ng Israel. Ang paglilingkod kasama ni Joseph ay nakatulong na ihanda sila para sa mahalagang calling na ito.
Doktrina at mga Tipan 18:26–27; 107:23; Mga Banal, 1:247–51