“Tungkol sa Doktrina at mga Tipan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Tungkol sa Doktrina at mga Tipan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Pambungad
Tungkol sa Doktrina at mga Tipan
Muling nagsalita ang Panginoon
Mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Nais Niyang gumawa tayo ng mga tipan, o pangako, sa Kanya upang tayo ay Kanyang mapagpala. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo para maging Tagapagligtas natin at tulungan tayong makabalik sa Kanya.
Nagpapadala rin ang Diyos ng mga propeta para turuan tayo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga kautusan. Ang mga propeta ay naglilingkod kay Jesucristo at tumutulong na pamunuan ang Kanyang Simbahan.
Sinasabi ni Jesus sa mga propeta kung ano ang ituturo sa atin. Ang mga salita ng mga propeta noong unang panahon ay nakasulat sa mga banal na kasulatan na katulad ng Biblia at ng Aklat ni Mormon.
Sa loob ng maraming taon matapos pumunta ni Jesus dito sa mundo, nawala ang mga propeta. Ang mga tao ay hindi gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos. Ang Simbahan ni Jesucristo ay wala sa mundo.
Pero pagkatapos, tinawag ng Diyos si Joseph Smith na maging propeta. Si Joseph ay bata pa noon, pero may napakahalagang bagay na ipagagawa ang Diyos sa kanya.
Itinuro ni Joseph Smith ang tungkol kay Jesus. Tumulong siya sa pag-organisa ng Simbahan ni Jesus. Itinuro ni Jesus kay Joseph Smith ang Kanyang ebanghelyo at kung paano pamumunuan ang Kanyang Simbahan.
Nakasulat ang maraming bagay na sinabi ni Jesus kay Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan. Ang Doktrina at mga Tipan ay isang aklat ng banal na kasulatan na katulad ng Biblia at Aklat ni Mormon.
Sinasabi sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan kung paano ibinalik, o ipinanumbalik, ni Jesus ang Kanyang Simbahan, sa tulong ni Propetang Joseph Smith at ng iba pa. Ang mga miyembro ng Simbahan ay tinatawag na mga Banal. Ipinakikita ng mga kuwentong ito na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak sa buong mundo. Gusto Niyang pagpalain tayo sa pakikipagtipan natin sa Kanya.