“Pagtitipon sa Ohio,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Pagtitipon sa Ohio,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Disyembre 1830–Mayo 1831
Pagtitipon sa Ohio
Ang pananampalataya ni Lucy Smith at isang himala
Sa Ohio, dumami ang mga taong sumasapi sa Simbahan. Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na ang mga Banal na naninirahan sa ibang lugar ay dapat magtipon sa Ohio. Mahabang paglalakbay iyon. Ngunit nangako ang Panginoon na matapos silang magtipon, ituturo Niya sa mga Banal ang Kanyang batas at pagpapalain sila ng kapangyarihang gawin ang Kanyang gawain.
Doktrina at mga Tipan 37; 38:32; Mga Banal, 1:124–26
Nilisan ng ina ni Joseph na si Lucy at ng mga 80 miyembro ng Simbahan ang kanilang tahanan sa New York at lumipat sa Ohio. Sumakay sila sa isang barko na magdadala sa kanila sa isang bahagi ng kanilang paglalakbay. Pagkatapos nilang maglakbay ng ilang araw, kinailangang huminto ang barko. Makapal na yelo sa tubig ang nakaharang sa kanilang dadaanan.
Mga Banal, 1:138–40
Kinailangang hintayin ng mga Banal na mabitak ang yelo. Sila ay pagod, gutom, basa, at giniginaw.
Mga Banal, 1:139–40
Mahirap maghintay. Ilan sa mga Banal ang nagsimulang makipagtalo sa isa’t isa.
Mga Banal, 1:139–40
Ayaw ni Lucy na marinig na nagtatalo ang mga Banal. Alam niya na kailangan niyang magsalita. “Nasaan ang inyong pananampalataya?” tanong niya. Sinabi ni Lucy sa mga Banal na kung magdarasal sila sa Diyos, mabibitak ang yelo para maipagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay.
Mga Banal, 1:139–40
Bigla silang nakarinig ng ingay na parang kulog habang nabibitak ang yelo. Nagkaroon ng awang sa yelo, na sapat ang lapad para makadaan ang barko.
Mga Banal, 1:140
Namangha at nagpasalamat ang mga Banal. Nagsama-sama sila para manalangin at magpasalamat sa Ama sa Langit. Ang kanilang barko ay ligtas na naglakbay patungo sa Ohio.
Mga Banal, 1:140
Nang makarating ang mga Banal sa Ohio, sinalubong sila ng mga miyembro ng Simbahan doon at tinulungan silang makahanap ng matitirhan. Tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako na ituturo sa kanila ang Kanyang batas at bibigyan sila ng kapangyarihang gawin ang Kanyang gawain.
Doktrina at mga Tipan 42; Mga Banal, 1:144