“Si Telii ay Naglingkod sa Panginoon,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Si Telii ay Naglingkod sa Panginoon,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Abril 1844–Marso 1852
Si Telii ay Naglingkod sa Panginoon
Ang Pagtatayo ng Simbahan sa Tubuai
Isang babae na nagngangalang Telii ang nakatira sa isang maliit na isla na tinatawag na Tubuai. Bumibisita sa Tubuai paminsan-minsan ang mga missionary mula sa iba’t ibang simbahan, ngunit kadalasan, hindi sila gaanong nagtatagal. Isang araw noong 1844, tuwang-tuwa si Telii nang marinig na dumating sa Tubuai ang mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Doktrina at mga Tipan 1:1; 133:8
Ang mga missionary ay papunta noon sa ilang isla na mas malalaki. Ngunit nais ng mga tao sa Tubuai na manatili sila at magturo ng ebanghelyo. Sinabi ni Telii at ng kanyang asawang si Nabota na maaaring manuluyan ang mga missionary sa kanilang tahanan. Isa sa mga missionary, si Addison Pratt, ay sumang-ayon.
Mga Banal, 1:653–55
Ibinahagi nina Telii at Nabota ang lahat ng mayroon sila kay Addison. Tinuruan nila siya na magsalita ng kanilang wika. Itinuro sa kanila ni Addison ang tungkol kay Jesucristo.
Sinabi ng Espiritu Santo kina Telii at Nabota na totoo ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Sila ang kauna-unahang tao sa Tubuai na nabinyagan.
Mga Banal, 1:653–55
Sina Telii, Nabota, at Addison ay naging matalik na magkakaibigan. Sama-sama silang naglakbay at nagturo ng ebanghelyo sa Tubuai at sa iba pang mga isla. Nang tangkaing sabihin ng mga tao sa mga Banal sa Tubuai na hindi sila dapat sumapi sa Simbahan, itinuro sa kanila ni Telii mula sa mga banal na kasulatan na totoo ang Simbahan.
Nais tulungan ni Telii ang mas maraming tao sa Tubuai na malaman ang ebanghelyo ni Jesucristo. Siya ay nagsulat ng musika na hango sa mga banal na kasulatan at nag-anyaya ng malalaking grupo na samahan siya sa pagkanta sa gabi. Ang pagkanta ng mga awitin ni Telii ay nakatulong sa maraming tao na matuto mula sa mga banal na kasulatan at maalala ang kanilang natutuhan.
Lumipas ang mga taon, mas maraming missionary ang dumating sa Tubuai, pati na ang pamilya ni Addison. Tinanggap sila ni Telii sa kanilang tahanan. Nagtulungan sila ng asawa ni Addison, na si Louisa, para maglingkod sa mga kababaihan ng Tubuai.
Mga Banal, 2:163–65
Pagkalipas ng ilang panahon, napilitan ang mga missionary na lisanin ang Tubuai at iba pang mga isla. Ngunit patuloy na nagturo at namuno si Telii sa mga Banal. Dahil sa halimbawa at paglilingkod ni Telii, nanatiling matatag ang Simbahan sa Tubuai.
Mga Banal, 2:184–87