“Elijah Able,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Elijah Able,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
1838
Elijah Able
Isang misyon na puno ng pananampalataya at katapangan
Tinawag ng Panginoon ang isang lalaking nagngangalang Elijah Able para maging missionary. Itinuro ni Elijah kina Eunice at Charles Franklin ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Itinuro niya sa kanila ang tungkol sa Aklat ni Mormon at tungkol kay Propetang Joseph Smith. Naniwala sina Eunice at Charles sa itinuro niya at gusto nilang sumapi sa Simbahan. Bininyagan sila ni Elijah.
Mga Banal, 1:360
Umalis si Elijah para ibahagi ang ebanghelyo sa ibang bayan. Isang gabi, makalipas ang ilang buwan, napanaginipan niya ang kaibigan niyang si Eunice. Sa panaginip, hindi na sigurado si Eunice na totoo ang Aklat ni Mormon o propeta si Joseph Smith. Pagkagising ni Elijah, bumalik siya agad para kumustahin si Eunice.
Doktrina at mga Tipan 75:27; Mga Banal, 1:360–61
Nagulat si Eunice nang makita si Elijah na nakatayo sa kanyang pintuan! Tama ang panaginip ni Elijah: Hindi na naniniwala si Eunice sa Aklat ni Mormon o kay Joseph Smith.
Mga Banal, 1:362
Hiniling ni Elijah kay Eunice na pakinggan siya na mangaral sa mga tao sa isang paaralan. Nang marinig niya ang mga salita ni Elijah, nadama niyang muli ang Espiritu Santo. Alam niya na totoo ang ebanghelyo!
Mga Banal, 1:362
Nangako si Elijah kay Eunice na babalik siya pagkaraan ng dalawang linggo para mangaral muli. Pero may mga tao sa bayan na ayaw siyang bumalik. Pagkaalis ni Elijah, ipinagkalat nila sa lahat na nakapatay ng mga tao si Elijah. Nag-alok sila ng gantimpala sa sinumang makakahanap sa kanya.
Mga Banal, 1:363
Alam ni Eunice na nagsisinungaling ang mga tao tungkol kay Elijah. Wala siyang pinatay. Siya ay mabuting tao at lingkod ng Diyos. Alam niyang hindi mapipigilan ng kanilang mga kasinungalingan si Elijah na pumunta sa kanilang bayan para mangaral. Sinabi ni Eunice sa mga tao na babalik si Elijah. “Poprotektahan siya ng Diyos,” sabi niya.
Mga Banal, 1:363
Bumalik nga si Elijah. Dumating siya sa paaralang iyon kung saan siya nangaral noon. Punung-puno ito ng mga tao na gusto siyang madakip. Tumayo si Elijah sa harap ng maraming tao. Sinabi niya na kung gusto nila na dakpin siya, gawin na nila ito ngayon, bago siya magsimulang magturo. Kung hindi, hahayaan na nila siyang magturo.
Mga Banal, 1:363
Walang kumilos. Naghintay si Elijah, pero tahimik na nakaupo ang mga tao. Si Elijah ay umawit ng himno, nanalangin, at nagturo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa kanya. Nang matapos siyang magturo, kinausap niya ang kanyang mga kaibigang sina Eunice at Charles at payapang ipinagpatuloy ang kanyang misyon.
Mga Banal, 1:364