“Inialay nina Joseph at Hyrum ang Kanilang Buhay para sa Ebanghelyo,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Inialay nina Joseph at Hyrum ang Kanilang Buhay para sa Ebanghelyo,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Marso–Hunyo 1844
Inialay nina Joseph at Hyrum ang Kanilang Buhay para sa Ebanghelyo
Ang Propeta ay namatay, ngunit ang gawain ng Panginoon ay nagpapatuloy
Nag-alala si Joseph Smith. Ano kaya ang mangyayari sa Simbahan kung siya ay namatay na? Nais niyang tiyakin na magpapatuloy ang gawain ng Panginoon. Kaya tinipon niya ang mga Apostol at ibinigay sa kanila ang mga susi ng priesthood na ibinigay sa kanya ni Jesucristo. Nangangahulugan ito na ang mga Apostol ay maaaring mamuno sa Simbahan ng Panginoon at gawin ang Kanyang gawain. Nakatulong ito para gumaan ang pakiramdam ni Joseph.
Mga Banal, 1:592–93
Ngunit maraming tao ang galit kay Joseph. May ilan na gusto pang patayin siya. Hindi nila gusto ang itinuturo niya. Nagsulat sila ng tungkol sa kanya sa isang pahayagan para magalit ang mas maraming tao kay Joseph at sa Simbahan. Ang ilan sa kanila ay nais salakayin ang Nauvoo.
Mga Banal, 1:599–602, 604–06, 608–09
Ipinasira ni Joseph at ng iba pang mga lider sa Nauvoo ang palimbagan para mapigilan ang paglaganap ng galit ng tao. Dahil dito, lalo pang nagalit ang mga tao. Pinapunta ng gobernador si Joseph sa lungsod ng Carthage para mapagpasiyahan ng isang hukom kung nilabag niya ang batas. Alam ni Joseph na kung pupunta siya sa Carthage, papatayin siya ng mga tao.
Doktrina at mga Tipan 135:4; Mga Banal, 1:606–11, 612–17
Ngunit nais din ni Joseph na maging ligtas ang mga Banal. Kung pupunta siya sa Carthage, marahil ay titigilan na ng mga tao ang mga Banal sa Nauvoo. Nagpasiya si Joseph na pumunta. Binasbasan niya si Emma at ang kanyang mga anak, hinagkan sila para magpaalam, at umalis patungong Carthage.
Mga Banal, 1:618–21
Sumama kay Joseph ang kapatid niyang si Hyrum. Gayundin sina John Taylor, Willard Richards, at iba pang mga kaibigan. Habang umaalis sila, pinahinto ni Joseph ang kanyang kabayo at nilingon ang Nauvoo. “Ito ang pinakamagandang lugar at pinakamabubuting tao sa ilalim ng kalangitan,” sabi niya.
Mga Banal, 1:619–21
Nang makarating sila sa Carthage, sila ay ibinilanggo. Habang sila ay nasa bilangguan, nagbasa si Hyrum sa kanila mula sa Aklat ni Mormon. Sinabi ni Joseph sa mga guwardya na totoo ang Aklat ni Mormon.
Mga Banal, 1:623
Upang panatagin ang kanyang mga kaibigan, kumanta si John Taylor ng isang himno tungkol kay Jesus. Maganda ito, at hiniling sa kanya ni Hyrum na kantahin itong muli.
Mga Banal, 1:626
Kalaunan nang araw na iyon, lumusob sa bilangguan ang mga galit na lalaki na may mga dalang baril. Itinulak nila ang pinto at nagsimulang magpaputok sa silid kung saan naroon si Joseph at ang kanyang mga kaibigan. Malubhang nasugatan si John Taylor. Napatay sina Hyrum at Joseph.
Doktrina at mga Tipan 135:1–2; Mga Banal, 1:627–29
Labis na nalungkot ang mga Banal nang malaman nila na namatay sina Joseph at Hyrum. Ngunit alam nila na ang pagpatay sa Propeta ay hindi makapipigil sa Simbahan. Ito ay Simbahan ng Tagapagligtas, at patuloy Niyang pamumunuan ito. Ang Simbahan ay patuloy na lalago at pagpapalain ang mga anak ng Diyos sa buong mundo.
Mga Banal, 1:630–37