“Ang Panaginip ni Desideria,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Ang Panaginip ni Desideria,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
1880–1886
Ang Panaginip ni Desideria
Ginabayan ng Panginoon sa Mexico
Si Desideria Yáñez ay nakatira sa Nopala, Mexico. Isang gabi, nanaginip si Desideria tungkol sa isang maliit na aklat na ginagawa sa Mexico City. Tinawag itong Voz de amonestación, o Tinig ng Babala. Nang magising si Desideria, alam niyang kailangan niyang hanapin ang aklat na iyon.
Mga Banal, 2:588
Ngunit malayo ang Mexico City, at si Desideria ay masyado nang matanda para maglakbay nang napakalayo. Dama niya na nais ng Panginoon na hanapin niya ang aklat na iyon. Kaya ikinuwento niya sa kanyang anak na si José ang tungkol sa panaginip. Naniwala rin siya na mahalaga ang aklat. Sinabi niya sa kanyang ina na hahanapin niya ito para sa kanya.
Mga Banal, 2:589
Nang dumating si José sa Mexico City, ang mga lansangan ay abala, maingay, at puno ng mga tao. Paano niya mahahanap ang aklat sa mataong lugar na gaya nito?
Mga Banal, 2:589
Makalipas ang ilang araw, nakilala ni José ang isang missionary na nagngangalang James Stewart. Sinabi ni James na nagtatrabaho siya sa paglilimbag ng isang aklat na tinatawag na Voz de amonestación.
Mga Banal, 2:589
Tuwang-tuwa si José! Ikinuwento niya kay James ang panaginip ng kanyang ina. Ipinaliwanag ni James na gagamitin ng mga missionary ang Voz de amonestación para turuan ang mga tao tungkol kay Jesucristo at sa isang bagong aklat ng banal na kasulatan, ang Aklat ni Mormon.
Mga Banal, 2:589
Ang Voz de amonestación ay hindi pa tapos, at hindi pa naisalin ang Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol. Gayunman, binigyan ni James si José ng iba pang mga aklat at babasahin para matulungan silang mag-ina na malaman ang tungkol kay Jesucristo, sa Aklat ni Mormon, at sa ipinanumbalik na Simbahan.
Doktrina at mga Tipan 90:11; Mga Banal, 2:589–91
Nagmamadaling umuwi si José sa kanyang ina. Magkasama nilang pinag-aralan ang ebanghelyo, at alam nilang totoo ito. Hiniling ni Desideria na puntahan siya ng mga missionary para binyagan siya.
Mga Banal, 2:590–91
Si Desideria ang isa sa mga unang babaeng nabinyagan sa Mexico. Nabinyagan din si José at ang kanyang anak na babae.
Mga Banal, 2:590–91
Nang matapos ang Voz de amonestación, kumuha si José ng 10 kopya para sa kanyang ina upang maibahagi sa iba sa Nopala. Lumipas ang mga taon, nang sa wakas ay nailimbag na ang Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol, si Desideria ang unang tao sa Mexico na nakatanggap ng kopya. Alam niya na ginabayan siya ng Panginoon patungo sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
Doktrina at mga Tipan 88:81; Mga Banal, 2:590–91