“Pag-alis sa Nauvoo at Pagpunta sa Kanluran,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Pag-alis sa Nauvoo at Pagpunta sa Kanluran,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
Hunyo 1844–Hulyo 1847
Pag-alis sa Nauvoo at Pagpunta sa Kanluran
Ang mga Banal ay gumagawa at tumutupad ng kanilang mga pangako sa Panginoon
Namatay na si Joseph Smith. Ngayon, si Brigham Young at ang iba pang mga Apostol ang namumuno sa Simbahan. Alam ni Brigham na hindi na ligtas ang mga Banal sa Nauvoo. Kailangan nilang umalis. Ngunit bago iyon, nais ng Panginoon na tapusin nila ang pagtatayo ng templo. Nais Niya na makipagtipan sila sa Kanya at mabuklod sila bilang mga pamilya.
Makalipas ang ilang buwan, handa na ang templo para sa mga tao na gagawa ng mga tipan doon. Libu-libong Banal ang nagpunta sa templo. Gabi na ay nasa templo pa si Brigham para tulungan sila na gumawa ng mga tipan sa Panginoon. Sa wakas, sinabi ni Brigham sa lahat na kailangan na nilang umalis sa Nauvoo.
Mga Banal, 1:664
Kinaumagahan nang magising si Brigham, mas maraming Banal ang naghihintay sa templo. Sinabi sa kanila ni Brigham na hindi ligtas na manatili sa Nauvoo. Kailangan nilang humanap ng bagong tahanan sa Kanluran. Nangako siya na magtatayo sila ng bagong templo kapag nakarating na sila roon.
Ngunit hindi umalis ang mga Banal. Nais nilang makipagtipan sa Panginoon bago sila magsimula sa kanilang paglalakbay papunta sa isang bagong tahanan.
Mga Banal, 1:665
Nakita ni Brigham ang hitsura ng kanilang mga mukha at nagbago ang kanyang isip. Ginugol niya ang maghapon at ang sumunod na araw sa pagtulong sa mga Banal na gumawa ng mga tipan sa templo.
Mga Banal, 1:665
Ngayong nakipagtipan na ang mga Banal sa Panginoon, panahon na para umalis ng Nauvoo. Alam ni Brigham na may inihandang lugar ang Panginoon para sa kanila. Nakita niya ito sa isang pangitain. Sinimulan nila ang kanilang paglalakbay. Malamig ang panahon, at maputik ang daan. Nagkasakit ang mga tao. Nauubusan na sila ng pagkain.
Malayo pa ang lalakbayin ng mga Banal. Napaisip si Brigham kung paano nila magagawa ang napakahaba at mahirap na paglalakbay. Nagdasal siya para humingi ng tulong sa Diyos.
Mga Banal, 2:57
Binigyan ng Panginoon ng paghahayag si Brigham. Tinuruan Niya si Brigham kung paano pamumunuan ang mga Banal. Sinabi Niya na dapat silang magtulungan sa pangangalaga sa mahihirap.
Sinabi ng Panginoon na dapat tandaan ng mga Banal ang mga tipang ginawa nila sa Kanya. Kung gagawin nila ito, pagpapalain at tutulungan Niya sila sa kanilang paglalakbay.
Doktrina at mga Tipan 136:4, 11, 42; Mga Banal, 2:58
Mahirap pa rin ang paglalakbay nila. May ilang tao na namatay. Ngunit dahil sa kanilang mga tipan sa templo, alam ng mga Banal na makikita nilang muli ang mga miyembro ng kanilang pamilya.
Makalipas ang ilang buwan, dumating ang unang mga Banal sa Salt Lake Valley noong 1847. Nang makita ni Brigham Young ang lambak, sinabi niya, “Ito ang tamang lugar.” Ito rin ang lugar na nakita niya sa isang pangitain. Ligtas ang mga Banal sa lugar na ito. Dito nila masasamba ang Panginoon at magagawa ang Kanyang gawain nang payapa.
Sa paglipas ng mga taon, parami nang parami ang mga nagsidating na Banal. Nagtayo sila ng marami pang templo, kung saan maaaring makipagtipan ang mga tao sa Panginoon. Nagpadala sila ng mga missionary sa iba’t ibang panig ng mundo upang ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo. Patuloy na lumago ang Simbahan ng Tagapagligtas, at pinagpapala ang mga anak ng Ama sa Langit sa lahat ng dako.