Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9


“Mateo 9–10; Marcos 5: Lucas 9,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9

Pinalayas ni Jesucristo ang mga demonyo papunta sa isang kawan ng mga baboy. Pinagaling ni Jesus ang isang lalaking lumpo at isang babaeng dinudugo at binuhay ang anak na babae ni Jairo. Tinawag Niya si Mateo na maging Kanyang disipulo. Nang paratangang nakikihalubilo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan, sinabi ni Jesus na naparito Siya upang pagsisihin ang mga makasalanan. Tinawag, tinuruan, at isinugo ng Tagapagligtas ang Labindalawang Apostol upang mangaral at magpagaling. Binigyang-babala Niya ang mga Apostol na mahaharap sila sa oposisyon at pinayuhan sila na pasanin ang kanilang krus at sumunod sa Kanya. Itinuro Niya na ang mga tumatanggap sa Kanyang mga Apostol ay tinatanggap Siya. Pinakain niya ang limang libong tao at kalaunan ay nagbagong-anyo sa isang bundok. Siya ay hindi tinanggap ng mga Samaritano sa Kanyang paglalakbay patungong Jerusalem.

Mga Resources

Background at Konteksto

Mateo 9:14–17

Ano ang ibig sabihin ng walang “nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit” at “[nag]lalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat”?

(Ikumpara sa Lucas 5:37–39.)

Ang “bagong tela” na binanggit sa Mateo 9:16 ay tumutukoy sa tela na hindi pa nabasa at umurong. Kaya, kapag ang isang piraso ng bagong tela ay ipinangtagpi sa lumang damit, maaari nitong mapunit ang lumang damit matapos itong mabasa, matuyo, at umurong.

Ang mga “sisidlan” na tinukoy sa Mateo 9:17 ay mga lalagyan ng alak na gawa sa balat ng kambing o balat ng tupa. Ang mga lalagyan na ito ay tinatawag ding sisidlang balat. Ang bagong mga sisidlang balat na gawa sa katad ay malambot at nababaluktot. Madaling mabanat ang mga ito sa pamamagitan ng gas na dulot ng pagbuburo ng bagong alak. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, ang mga sisidlang balat ay mababanat at lulutong. Kaya, kapag ang bagong alak ay inilagay sa mga lumang sisidlang balat, ang gas na galing sa bagong alak ay maaaring maging sanhi ng pagpurok ng lumang sisidlang balat.

isang sisidlang balat na nakasabit sa pader na bato

Isang sisidlang balat na nakasabit sa pader na bato. Larawang kuha ni James Jeffery

Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng parirala ay ang mga bagong turo ni Jesus ay hindi maaaring nakapaloob sa mga lumang kagawian sa relihiyon at kultura. Idinagdag ng Pagsasalin ni Joseph Smith, “Sapagkat sa pagdating nang yaong bago, ang luma ay handa nang isantabi.”

Mateo 9:20

Ano ang “dinudugo”?

(Ikumpara sa Marcos 5:25–26; Lucas 8:43.)

Ang ibig sabihin ng “dinudugo” ang babae ay siya ay “labindalawang taon nang dinudugo.” Hindi alam ang dahilan ng kanyang kalagayan. Dahil sa kalagayang ito kaya siya ritwal na marumi, siya marahil ay iniwasan ng mga tao at hindi pinapasok sa sinagoga at sa templo. Ang katotohanang “nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya” para mapagaling ng mga manggagamot ay nangangahulugang malubha ang kanyang sitwasyon.

Mateo 10:1–5

Sino ang tinawag ni Jesucristo na maging Kanyang mga Apostol?

(Ikumpara sa Marcos 3:13–19; Lucas 6:12–16.)

Nakatala sa Mateo 10 na tinawag ng Panginoon ang Kanyang Labindalawang Apostol at binigyan sila ng mga tagubilin. “Sa Griyego, ang ibig sabihin ng apostol ay ‘isang isinugo.’ Ito ang titulong ibinigay ni Jesus sa Labindalawa na Kanyang pinili at inordenan upang maging Kanyang pinakamalapit na mga disipulo at katuwang sa Kanyang ministeryo sa lupa (Lucas 6:13; Juan 15:16).”

Ang sumusunod na chart ay nagbibigay ng maikling buod ng orihinal na Labindalawang Apostol ng Tagapagligtas:

Pangalan

Iba pang mga Pangalan

Tahanan

Iba pang Impormasyon

Pangalan

Simon

Iba pang mga Pangalan

Pedro; Cefas; Simeon; kapatid ni Andres

Tahanan

Bethsaida at Capernaum

Iba pang Impormasyon

Isang mangingisda kasama ang kanyang kapatid na si Andres at sina Santiago at Juan. Isa sa tatlong Apostol na piniling makasama si Jesus sa ilang espesyal na okasyon. Senior na Apostol kasunod ng kamatayan ng Tagapagligtas. Misyonero hanggang sa Roma. Ayon sa sali’t saling sabi, siya ay ipinako sa krus nang pabaligtad sa Roma noong mga AD 66. Kasama sina Santiago at Juan ipinagkaloob niya ang Melchizedek Priesthood kay Joseph Smith.

Pangalan

Andres

Iba pang mga Pangalan

Kapatid ni Pedro

Tahanan

Bethsaida at Capernaum

Iba pang Impormasyon

Mangingisda na kasama ang kanyang kapatid na si Simon. Unang nagpakilala kay Simon kay Jesucristo. Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, nangaral siya sa Scythia (Ukraine at Russia) at ipinako siya sa krus na hugis X sa Greece.

Pangalan

Santiago

Iba pang mga Pangalan

Anak ni Zebedeo; kapatid ni Juan; Boanerges, o mga anak ng kulog

Tahanan

Posibleng Bethsaida

Iba pang Impormasyon

Mangingisda na kasama sina Juan at Simon. Isa sa tatlong Apostol na piniling makasama si Jesus sa ilang espesyal na okasyon. Pinatay ni Herodes noong AD 44 sa Judea o Galilea. Siya ang una sa Labindalawa na napaslang.

Pangalan

Juan

Iba pang mga Pangalan

Anak ni Zebedeo; kapatid ni Santiago; Boanerges, o mga anak ng kulog

Tahanan

Posibleng Bethsaida

Iba pang Impormasyon

Mangingisda na kasama sina Santiago at Simon. Isa sa tatlong Apostol na piniling makasama si Jesus sa ilang espesyal na okasyon. Itinuro ang ebanghelyo sa Asia Minor, lalo na sa Efeso. Ipinatapon sa Patmos, kung saan isinulat niya ang aklat ng Apocalipsis. Siya ay nagbagong-kalagayan kalaunan.

Pangalan

Felipe

Tahanan

Bethsaida

Iba pang Impormasyon

Ibinahagi niya kay Nathanael ang balita tungkol sa Mesiyas. Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, nangaral siya sa Phrygia at pinaslang sa Hierapolis.

Pangalan

Bartolome

Iba pang mga Pangalan

Nathanael

Tahanan

Cana

Iba pang Impormasyon

Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, nangaral siya sa India o Ehipto at binugbog hanggang sa mamatay gamit ang mga patpat o ipinako sa krus.

Pangalan

Mateo

Iba pang mga Pangalan

Levi; anak ni Alfeo

Tahanan

Capernaum

Iba pang Impormasyon

Siya ay isang maniningil ng buwis. Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, nangaral siya sa Etiopia o Persia at pinaslang sa pamamagitan ng sibat.

Pangalan

Tomas

Iba pang mga Pangalan

Didymus

Tahanan

Maaaring Galilea

Iba pang Impormasyon

Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, siya ay isang misyonero sa Parto (Iran ngayon) o India at namatay nang panain ng palaso.

Pangalan

Santiago

Iba pang mga Pangalan

Anak ni Alfeo

Tahanan

Maaaring Galilea

Iba pang Impormasyon

Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, nangaral siya sa Judea at Ehipto at ipinako sa krus sa Ehipto o binato ng mga Judio dahil sa pangangaral tungkol kay Cristo.

Pangalan

Simon

Iba pang mga Pangalan

Ang Cananeo; Zelotes (ang Masigasig)

Tahanan

Maaaring Galilea

Iba pang Impormasyon

Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, maaaring siya ang nagturo ng ebanghelyo sa Britanya at Ehipto. Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, ipinako siya sa Persia.

Pangalan

Judas

Iba pang mga Pangalan

Anak ni Santiago; kapatid ni Santiago; Lebbaeus Thaddaeus [Tadeo]

Tahanan

Maaaring Galilea

Iba pang Impormasyon

Ayon sa karaniwang pinaniniwalaan, nangaral siya sa Asiria at Persia, kung saan siya pinaslang.

Pangalan

Judas Iscariote

Iba pang mga Pangalan

Iscariote

Tahanan

Kiryot

Iba pang Impormasyon

Ipinagkanulo niya si Jesucristo at pagkatapos ay nagbitay sa sarili.

Mateo 10:9–10

Ano ang ibig sabihin ng maglakbay nang walang lalagyan ng salapi o supot?

isang maliit na bag na gawa sa katad na may mga baryang pilak

Ang lalagyan ay isang bag na ginagamit na lalagyan ng pera. Ang supot ay ginagamit sa palalakbay para paglagyan ng pagkain at iba pang mga suplay. Tinagubilinan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol na huwag mag-alala tungkol sa pagkain, damit, matutuluyan, o iba pang temporal na pangangailangan. Dapat silang umasa sa Panginoon at sa awa ng iba. Ito ay alinsunod sa mabuting pakikitungo at kagawian sa lipunan noon. Kalaunan, sa Lucas 22:35–36, binago ni Jesus ang utos na umasa sa mabuting pakikitungo ng ibang tao. Maaaring ito ay dahil hindi magtatagal ay dadalhin ng mga Apostol ang ebanghelyo sa mga bansang Gentil, na walang ganitong kaugalian. Maaaring dahil din sa ang mga Apostol ay makararanas ng pagsalungat kapag nagturo na sila sa mga tao

Mateo 10:14

Ano ang ibig sabihin ng “ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa”?

(Ikumpara sa Marcos 6:11; Lucas 9:5.)

Noong panahon ng Biblia, ang pagpagpag ng alikabok sa iyong mga paa ay isang “matinding pagpapakita ng pagtanggi.” Inutusan ni Jesus ang Kanyang mga Apostol na “ipagpag ang alikabok na nasa [kanilang] mga paa” bilang patotoo laban sa kanila na hindi tumanggap ng mensahe ng ebanghelyo. Malinaw sa mga turo ni Jesus na ang mga tumatanggi sa mga Apostol at sa kanilang mensahe ay tumatanggi rin sa nagsugo sa kanila—ang Tagapagligtas. Ang tanging tala sa Bagong Tipan na mayroon tayo tungkol sa kagawiang ito na nangyari ay kina Pablo at Bernabe matapos silang paalisin sa Antioquia.

Sa ating dispensasyon, pinahintulutan ng Panginoon ang kagawiang ito sa ilang pagkakataon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan. Kapag ang mga unang missionary ay nakaranas ng “napakatinding pagtanggi,” ginagawa nila ito “bilang tanda na sila ay nagpatotoo at nagpapatuloy na sa paglalakbay.” Ang kagawiang ito ay nagpatuloy hanggang sa unang bahagi ng ikadalawampung siglo.

Nitong mga nakaraang taon, ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa ay hindi hayagang nagsalita tungkol sa kagawiang ito. Bukod pa rito, hindi ito tinatalakay sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo.

Mateo 10:16

Ano ang ibig sabihin ng maging “matalino gaya ng mga ahas, at maamong gaya ng mga kalapati”?

Sa mga teksto ng Biblia, ang mga ahas ay itinuturing kung minsan na tuso, mandaraya, at manlilinlang. Maaaring ituring ang mga ito na “matalino … dahil sila ay tahimik at mapanganib, o dahil sa paraan ng kanilang paggalaw.” Itinuturing ng mga manunulat ng Biblia na hindi nakakapinsala ang mga kalapati dahil sa kanilang “mapayapa at kawalang-malay na pag-uugali.” Sa ganitong paraan, ang mga ito ay “simbolo o tanda ng katotohanan at kawalang-malay, pagmamahal at kayumian.”

Sa ating dispensasyon, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Maging matalino kayo na gaya ng mga ahas subalit walang kasalanan.” Ang talatang ito at ang tala sa Biblia ay parehong nagpapahiwatig na ang mga disipulo ng Tagapagligtas ay dapat lakipan ang karunungan ng kawalang-malay at kadalisayan. Nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng salaysay sa Biblia, “Kaya’t kayo’y maging matatalinong lingkod, at kasing-amo ng mga kalapati.”

Marcos 5:1–20

Ano ang kontekstong nakapalibot sa mga demonyong pumasok sa kawan ng mga baboy?

(Ikumpara sa Mateo 8:28–34; Lucas 8:26–39.)

Ang malaking kawan ng mga baboy, o mga baboy, ay nasa “kabilang ibayo ng dagat,” na marahil ay tumutukoy sa silangang baybayin ng Dagat ng Galilea. Ang lugar na ito ay tinitirhan ng mga Gentil, na kumakain ng karne ng baboy (ang mga Judio ay hindi).

Sa salaysay nina Marcos at Lucas, tinawag ng maruming espiritu ang kanyang sarili na Lehiyon. Noong panahon ng Bagong Tipan, ang lehiyon ay isang dibisyon ng mga sundalong Romano na binubuo ng 6,000 kalalakihan. Ang pangalang Lehiyon ay nangangahulugang ang lalaki ay sinapian ng “maraming” masasamang espiritu.

Marcos 5:22–23

Ano ang mga responsibilidad ng mga pinuno ng sinagoga?

Noong panahon ni Jesus, ang mga sinagoga ay pinamumunuan ng isang kapulungan ng mga elder sa ilalim ng pamamahala ng isang punong-pinuno. Ang pinuno ay isang layman na hinirang na pangalagaan ang gusali at mangasiwa sa mga pagsamba.

Marcos 5:30

Paano lumabas ang “kapangyarihan” sa Tagapagligtas?

(Ikumpara sa Lucas 8:46.)

Ang “kapangyarihan” ay isinalin mula sa salitang Griyego na dynamai at nangangahulugang lakas. Sa salaysay na ito, “alam ni Jesus na may ‘kapangyarihang umalis sa [kanya]’ (Lucas 8:46). Ipinaliwanag ni Joseph Smith na ‘ang kapangyarihang tinutukoy dito ay ang diwa ng buhay’ at kung minsan ay nanghihina tayo kapag nagbibigay ng mga pagpapala [“History Draft (1 March–31 December 1843),” 5, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabantas]. … Ang mga pahayag na ito nina Jesus at Joseph Smith ay nagpapahiwatig ng paglilipat ng kapangyarihan sa gayong mga ministeryo.

Marcos 5:38–40

Sino ang mga nagdadalamhati sa bahay ni Jairo?

Kaugalian na ng mga Judio noong panahon ng Biblia na magdalamhati nang may malakas na pagtangis kapag may namatay. Ang mayayaman at kilalang pamilya ay madalas na umupa ng mga tao upang magdalamhati kasama nila. Sa bahay ni Jairo, maaaring may isang grupo ng mga propesyonal na nagdadalamhati ang tumawa nang may panunuya kay Jesus. Hiniling niya sa kanila na umalis upang matiyak na may pagpipitagan habang nagaganap ang mahimalang paggaling.

Lucas 9:7–9

Sino si Herodes na Tetrarka?

Si Herodes na Tetrarka ay si Antipas, anak ni Herodes na Dakila. Ang salitang tetrarka ay nangangahulugang isang pinuno sa ikaapat na bahagi ng bansa. Si Herodes ang pinuno ng Galilea at Perea. Ibinilanggo niya si Juan na Tagapagbautismo at pagkatapos ay ipinapatay ito. Nang marinig ni Herodes ang tungkol kay Jesus, akala niya ay Siya si Juan na “muling nabuhay.” Sa paglilitis sa Tagapagligtas, ipinadala Siya ni Pilato kay Herodes, na sabik na makita si Jesus na gumawa ng himala. Nang tumayo si Jesus sa harap ni Herodes nang tahimik, hinamak ng mga kawal ang Tagapagligtas.

Lucas 9:59–60

Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay”?

kaliwa: kahong gawa sa bato: pinait na nitso para sa libingang bato

Kaliwa: Isang puntod—isang kahong gawa sa bato kung saan mapitagang inilalagay ang mga buto ng namatay. Kanan: Isang nitso na pinait mula sa libingang bato, kung saan ilalagay ang puntod para sa permanenteng libing.

Ang paggalang sa mga magulang ay napakahalaga sa kultura ng mga Judio. Kabilang dito ang responsibilidad na maglaan ng maayos na libing para sa kanila kapag namatay sila. Matapos ihanda ng mga miyembro ng pamilya ang katawan para sa libing at ilagay ito sa libingan, karaniwan silang bumabalik pagkaraan ng isang taon upang ilagay ang mga buto sa isang kahong gawa sa bato na tinatawag na nitso.

Sinabi ng disipulo na nasa salaysay na ito sa Tagapagligtas, “Hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama.” Ang sagot ng Tagapagligtas ay tila nagpapahiwatig na panahon na para magmisyon ang lalaki. Ang tugon na ito ay hindi nangangahulugang mali ang magdalamhati sa pagkawala ng isang mahal sa buhay o magbigay ng tamang paggalang sa isang libing. Sa halip, ipinapaalala sa atin ng mga salita ng Tagapagligtas na “ang katapatan na ipinangako natin sa layunin ni Cristo ang [dapat] maging pinakamataas na katapatan ng ating buhay.”

Lucas 9:62

Ano ang masama sa “[paghawak] sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran”?

Ganito ang paliwanag ni Pangulong Howard W. Hunter sa metapora na ito: “Upang maging tuwid ang nilalandas sa pag-aararo, dapat nakatuon ang mga mata ng nag-aararo sa kanyang unahan. Iyan ang magpapanatili sa kanya sa tuwid na daan. Ngunit kung sakaling lumingon siya para tingnan kung saan siya nagsimula, malaki ang tsansa na malihis siya. Ang ibubunga nito ay hindi tuwid at hindi pantay na daan ng araro. Inaanyayahan namin kayong mga bagong miyembro na ituon ang inyong paningin sa inyong bagong mithiin at huwag nang lingunin ang mga problema o pagkakasala noon maliban kung ang mga ito ay bilang paalala ng inyong pag-unlad at halaga at ng inyong mga pagpapala mula sa Diyos. Kung ang ating lakas ay nakatuon hindi sa paglingon sa likuran natin kundi sa yaong nasa harapan natin—sa buhay na walang hanggan at kagalakan ng kaligtasan—tiyak na makakamtan natin ito.”

Alamin ang Iba Pa

Mga Apostol

Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Dinudugo

Pagsunod kay Jesucristo

Pinagaling ni Jesus ang Anak na Babae ni Jairo

Media

Mga Video

Jesus Calls Twelve Apostles to Preach and Bless Others” (1:38)

1:39

Jesus Heals a Woman of Faith” (1:49)

1:49

Jesus Raises the Daughter of Jairus” (3:30)

3:30

Mga Larawan

isang babaeng dinudugo na nakaupo sa lupa
isang babaeng dinudugo ang nagsikap na mahawakan ang laylayan ng damit ni Jesucristo
binuhay ni Jesus ang anak na babae ni Jairo
tinuturuan ni Jesucristo ang Labindalawang Apostol sa mabatong kapatagan sa ilalim ng puno

These Twelve Jesus Sent Forth [Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus], ni Walter Rane

inoorden ni Jesus ang isang Apostol habang nakatingin ang iba

Christ Ordaining the Twelve Apostles [Si Cristo na Inoorden ang Labindalawang Apostol], ni Harry Anderson

Mga Tala

  1. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 9:21 (Gospel Library).

  2. Mark 5:25, New International Version.

  3. Tingnan sa Levitico 15:19–33.

  4. Marcos 5:26.

  5. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apostol,” Gospel Library.

  6. Ang impormasyon sa chart na ito ay batay sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jesus Christ and the World of the New Testament (2006), 303 at sa kaukulang mga entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at Bible Dictionary.

  7. Tingnan sa Mateo 4:18; Lucas 5:10.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13.

  9. Tingnan sa Juan 1:44.

  10. Tingnan sa Marcos 1:21, 29.

  11. Tingnan sa Mateo 4:18.

  12. Tingnan sa Juan 1:40–42.

  13. Tingnan sa Juan 1:44.

  14. Tingnan sa Mateo 4:21; Lucas 5:10.

  15. Tingnan sa Mga Gawa 12:1–2.

  16. Tingnan sa Juan 1:44.

  17. Tingnan sa Mateo 4:21; Lucas 5:10.

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 7.

  19. Tingnan sa Juan 1:43–46.

  20. Mateo 9:9.

  21. Tingnan sa Mga Gawa 2:7.

  22. Tingnan sa Mga Gawa 2:7.

  23. Tingnan sa Mga Gawa 2:7.

  24. Tingnan sa Mga Gawa 2:7.

  25. Tingnan sa Mateo 26:47–50; 27:3–5.

  26. Tingnan sa Daniel Belnap, “‘The Lord God Which Gathereth the Outcasts’ (Isaiah 56:3–8),” Religious Educator, tomo 19, blg. 3 (2018), 117–20.

  27. Tingnan sa Juan 15:18–22.

  28. Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 1685, tala para sa Mateo 10:14.

  29. Marcos 6:10–11; tingnan sa Lucas 9:4–5.

  30. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 99:4. Ang salitang Griyego na isinalin bilang “tumanggap” sa Mateo 10:14 at “tumatanggap” sa Mateo 10:40 ay maaaring tumutukoy sa mga responsibilidad ng mga nag-anyaya na asikasuhin ang kanilang mga panauhin (tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], 1062). Ang hindi pagtanggap sa mga Apostol ay maaaring tumutukoy sa pagtanggi na pakitunguhan sila nang mabuti at pakinggan ang kanilang mensahe. Maaaring mahalagang tandaan na itinuro ni Jesus kina Santiago at Juan ang pagtitiis at pagpipigil nang hindi Siya tanggapin sa isang nayon ng mga Samaritano (tingnan sa Lucas 9:51–56).

  31. Tingnan sa Mga Gawa 13:50–51.

  32. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 24:15; 60:15; 75:20; 84:92–93; 99:4.

  33. Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Mga Unang Missionary,” Gospel Library.

  34. Para sa mga halimbawa kung paano nakibahagi ang mga unang missionary sa seremonya na ito sa buong ikalabinsiyam na siglo, tingnan sa Belnap, “Those Who Receive You Not,” 231–34; James B. Allen at iba pa, Men with a Mission, 1837–1841: The Quorum of the Twelve Apostles in the British Isles (1992), 111–12.

  35. Tingnan sa Joseph Fielding McConkie, Gospel Symbolism (1985), 271.

  36. Earl D. Radmacher at iba pa, mga pat., NKJV Study Bible, ika-3 ed. (2018), 1505, tala para sa Mateo 10:16.

  37. Dale Z. Kirby, “‘The Way of an Eagle’: Birds in the Scriptures,” Religious Educator, tomo 7, blg. 2 (2006), 98.

  38. Kirby, “The Way of an Eagle,” 98. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na “ang kalapati ay isang simbolo o tanda ng katotohanan at kawalang-malay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 95).

  39. Doktrina at mga Tipan 111:11.

  40. Joseph Smith Translation, Matthew 10:14; idinagdag ang italics upang ipahiwatig ang pagbabago sa teksto.

  41. Marcos 5:1.

  42. Tingnan sa Levitico 11:1–8.

  43. Marcos 5:9; tingnan din sa Lucas 8:30.

  44. Tingnan sa Barker at iba pa, NIV Study Bible, 1720, tala para sa Marcos 5:22.

  45. Tingnan sa Walter Bauer, A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, pat. Frederick William Danker, ika-3 ed. (2000), 262. Tingnan din sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1068; Mark 5:30, footnote a.

  46. Richard Neitzel Holzapfel, “One by One: The Fifth Gospel’s Model of Service,” sa Monte S. Nyman at Charles D. Tate Jr., mga pat., The Book of Mormon: 3 Nephi 9–30, This Is My Gospel (1993), 184.

  47. Tingnan sa Jeremias 9:17–18; Amos 5:16.

  48. Tingnan sa Marcos 5:40.

  49. D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: The New Testament, tomo 1 (2006), 760–61.

  50. Tingnan sa Mateo 14:1–12; Marcos 6:14–29; Lucas 9:9.

  51. Marcos 6:16.

  52. Tingnan sa Lucas 23:6–12.

  53. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jesus Christ and the World of the New Testament, 78–79.

  54. Tingnan sa Lucas 9:59–60.

  55. Jeffrey R. Holland, “Ang Pinakamahalagang Pag-aari,” Liahona, Nob. 2021, 9.

  56. Howard W. Hunter, “Am I a ‘Living’ Member?,” Ensign, Mayo 1987, 17.