“Roma 1–6,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Roma 1–6
Sa kanyang liham sa mga Banal sa Roma, binigyang-diin ni Apostol Pablo na kailangan ng lahat ng tao ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang maligtas. Lahat ng taong may pananagutan ay nagkakasala at hahatulan sa harapan ng Diyos. Walang sinuman ang maaaring maging matuwid sa pamamagitan ng mga gawa ng batas ni Moises. Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesucristo at pagtitiwala sa Kanyang Pagbabayad-sala tayo mabibigyang-katwiran. Halimbawa, si Abraham ay nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng kanyang matibay na pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng batas ni Moises. Ang mga pagpapala ay dumarating sa lahat ng nabibigyan ng katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang kusang ipinagkaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay pagpapakita ng banal na biyaya. Ang biyaya ng Tagapagligtas ay hindi nangungunsinti ng kasalanan kundi tinutulungan tayong madaig ito. Ang pagpasok sa tipan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng binyag ay sumisimbolo sa ating kamatayan sa kasalanan at pagsisimula ng bagong buhay kay Cristo.
Mga Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang Roma at bakit?
Ang liham sa mga taga-Roma ay para sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma. Hindi gaanong batid ang mga pinagmulan ng Kristiyanismo sa Roma. Isinulat ni Pablo ang liham na ito noong mga AD 57, nang malapit nang matapos ang kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero. Hindi pa nadalaw ni Pablo ang mga Banal sa Roma.
Tila may tatlong pangunahing dahilan kung bakit ipinadala ni Pablo ang liham na ito:
Makapaghanda para sa kanyang pagdating sa Roma sa hinaharap. Sa loob ng ilang taon, gustong ipangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa Roma. Umasa rin siya na tutulungan siya ng Simbahan sa Roma at magsisilbing himpilan kung saan siya makapaglilingkod sa misyon.
Linawin at ipagtanggol ang kanyang mga turo. Paulit-ulit na dumanas si Pablo ng pagsalungat mula sa mga taong hindi nauunawaan o binabaluktot ang kanyang mga turo tungkol sa batas ni Moises at pananampalataya kay Cristo. Sumulat si Pablo para tugunan ang gayong mga alalahanin bago siya dumating.
Magtaguyod ng pagkakaisa sa pagitan ng mga Judio at gentil na miyembro ng Simbahan. Ang mga Judio ay pinalayas sa Roma ni Emperador Claudio noong mga AD 49. Ipinapalagay na bumalik ang mga Judio sa Roma pagkamatay ni Claudio, na naganap noong AD 54. Ang mga Kristiyanong Judio ay babalik sana sa mga kongregasyon sa Roma na karamihan ay Kristiyanong Gentil. Sumulat ilang taon pa lang kalaunan, nais ni Pablo na madama ng mga binyagang Gentil at Judio na kabilang sila sa Simbahan ng Panginoon. Itinaguyod ni Pablo ang pagkakaisa ng Simbahan sa pamamagitan ng pagtuturo kung paano naaangkop ang doktrina ng ebanghelyo sa lahat ng mga Banal.
Roma 1:16
Bakit binanggit ni Pablo ang Judio at ang Griyego?
Ang mga Judio ay ang mga nalalabing buhay sa mga miyembro ng mga tao ng tipan ng Diyos, o sambahayan ni Israel. Ginamit ni Pablo ang dalawang katagang Griyego at Gentil upang tukuyin ang mga taong hindi ipinanganak sa sambahayan ni Israel. Ang mga turo ni Pablo sa talatang ito ay tumutukoy sa ideya na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ituturo muna sa mga Judio, pagkatapos ay sa mga Gentil. Sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo, Siya ay pangunahing nakatuon sa pangangaral ng Kanyang ebanghelyo sa mga miyembro ng sambahayan ni Israel. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol na dalhin ang mensahe ng ebanghelyo sa lahat ng bansa, kapwa sa Judio at Gentil.
Roma 1:15–17
Ano ang tema ng liham sa mga taga-Roma?
Ipinahayag ni Pablo na “nasasabik [siyang] ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma. Pagkatapos ay ipinakilala niya ang tinatawag ng marami na tema ng kanyang liham sa mga taga-Roma: ang ebanghelyo ni Jesucristo ay magdadala ng kaligtasan sa lahat ng namumuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo. Karamihan sa nilalaman ng nalalabing bahagi ng liham ay may kaugnayan sa mahahalagang termino at ideya na matatagpuan sa talata 16–17:
-
Ebanghelyo. Ipinangaral ni Pablo ang mensahe ng ebanghelyo. “Ang ibig sabihin ng katagang ebanghelyo ay ‘magandang balita.’” Ang magandang balita ay ang “plano ng kaligtasan ng Diyos, na naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
-
Kaligtasan. Itinuro ni Pablo na ang kaligtasan ay nangangahulugang pagkabuhay na mag-uli at kapatawaran ng mga kasalanan.
-
Paniniwala at pananampalataya. Ang “sumasampalataya” (talata 16) at “pananampalataya” (talata 17) ay mga salin ng pandiwa sa Griyego na pisteuō at ang kaugnay na pangngalang pistis. Ang mga katagang ito ay maaaring mangahulugan ng “pananampalataya” at “katapatan.” Para kay Pablo, ang pananampalataya kay Jesucristo ay hindi lamang kasunduan sa isip. Ipinahihiwatig nito ang “malalim na antas ng paniniwala na nagreresulta sa personal na pangako at pagkilos.” Ang malalim na pagtitiwalang ito ay humahantong sa buhay na puno ng katapatan, na ipinapakita sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga kasalanan, pagpapabinyag, at pagsisikap na mamuhay ayon sa itinuro ni Jesucristo.
-
Pagiging matwid at pagbibigay-katwiran. Ang salitang Griyego na isinalin bilang “pagiging matwid” ay dikaiosunē. Malapit itong nauugnay sa dikaioō, ang salitang-ugat ng mga salitang isinalin bilang “pagbibigay-katwiran” at “bigyang-katwiran.” Ang salitang-ugat na ito ay tumutukoy sa “pahayag o hatol (tulad ng sa isang hukuman ng batas) na matuwid.” Ang isang tao ay nabibigyang katwiran ng biyaya ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya.
Roma 1:18–32
Ano ang poot ng Diyos?
Malinaw na itinuturo ng mga banal na kasulatan na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak. Ang poot ng Diyos ay hindi pagkapoot sa sangkatauhan; bagkus, ito ay hindi pagtanggap sa kasalanan. Dahil ang Diyos ay ganap na matuwid, hindi Niya kayang kunsintihin ang anumang kasalanan. Sinabi ni Pablo na ang poot ng Diyos ay nakatuon sa mga “hindi umiibig sa katotohanan, ngunit nananatili sa kasamaan.” Pagkatapos ay inilista niya ang masasamang gawa at pag-uugali na, kung hindi pagsisisihan, ay magdadala sa mga tao ng paghatol ng Diyos.
Roma 2:1–5, 17–24
Sino ang tinutukoy ni Pablo?
Ang mga talatang ito ay isang halimbawa ng diatribe, isang sinaunang estilo ng pagsulat o pagsasalita kung saan ang may-akda ay nakikipagdebate sa isang teoretikal (hindi aktuwal) na katunggali. Sa ganitong estilo, nagpapabatid ang may-akda ng isang pananaw, naglalahad ng isang pagtutol na maaaring mayroon ang isang tao, at pagkatapos ay tumutugon sa pagtutol na iyon.
Roma 2:11
Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao?
Tingnan sa “Mga Gawa 10:34–35. Ano ang ibig sabihin ng ‘ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao’?”
Roma 3:20
Ano ang ibig sabihin ng ituturing na ganap?
Ang salitang Griyego na isinalin bilang “itinuring na ganap”(dikaioō) ay nangangahulugang “ipinahayag na matuwid.” Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Dahil sa ‘walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo,’ ‘matutugunan [ni Jesucristo] ang layunin ng batas’ para sa ating kapakanan. … Inaalis Niya ang hatol sa atin nang hindi binabalewala ang batas. Tayo ay pinapatawad at inilalagay sa isang kalagayan ng kabutihan kasama Siya. Tayo ay nagiging tulad Niya, na walang kasalanan. Sinusuportahan at pinoprotektahan tayo ng batas, ng katarungan. Tayo, samakatwid, ay nabigyang-katwiran.”
Roma 3:19–20
Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang, “Sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan”?
Nilinaw ni Pablo sa Roma 3 na lahat ng tao ay makasalanan. Isang iskolar ng Biblia ang nagsabi, “Isa sa mga pangunahing tungkulin ng batas … ay upang ipakita ang kawalan ng kakayahan ng tao na mamuhay nang perpekto ayon sa bawat moral na pangangailangan. Ang isang salin ng Roma 3:20 ay ang sumusunod: ‘Totoo na ang pagiging perpekto ng Batas ang nagpapakita sa atin kung gaano kalaki ang ating kakulangan dahil sa kasalanan.’ (Phillips Translation.) Ang batas ni Moises ay ibinigay ‘upang matukoy ang mga krimen’ (Jerusalem Bible), ibig sabihin, maitakda ang tama at mali at kasabay nito ay iayon din sa mga limitasyon ng tao at bigyang-diin ang pangangailangang humingi ng tulong mula sa Diyos.” Dahil alam na natin na nagkakamali tayo, maaari tayong magbigay-inspirasyon nito na maghangad ng pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo.
Roma 3:24
Ano ang Biyaya?
“Ang biyaya ay isa pang katagang ginamit ni Pablo para ipaliwanag ang nakapagliligtas na gawain ni Jesucristo. Ang salitang biyaya ay hindi orihinal na katagang pangrelihiyon. Noong panahon ni Pablo, ang biyaya (sa Griyego, charis) ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang kaugnayan sa pagitan ng isang patron at ng isang kliyente. Ang patron ang nagtataglay ng kapangyarihan, awtoridad, o pera para magbigay ng regalo sa mga kliyente na hindi nila makukuha para sa kanilang sarili o magagantihan sa anumang paraan.”
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na miyembro noon ng Unang Panguluhan: “Ang sakripisyo ng Tagapagligtas ang nagbukas ng pinto ng kaligtasan para makabalik ang lahat sa Diyos. … Ang Kanyang biyaya ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan upang makapasok sa mga kaharian ng Diyos para sa kaligtasan. …
“Ngunit marami pang magagawa ang biyaya ng Tagapagligtas sa atin. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, higit pa rito ang hangad natin. Ito ay ang kadakilaan sa kahariang selestiyal. …
“… Dalangin ko na … hayaan [natin] ang biyaya [ni Cristo] na pasiglahin at itaguyod tayo sa ating paglalakbay mula sa kinaroroonan natin tungo sa ating maluwalhating tadhana sa piling ng ating Ama.”
Roma 3:24
Ano ang pagtubos?
Ang ibig sabihin ng pagtubos ay “iligtas, bilhin, o tubusin [ang tao], sa gayon mapalalaya ang isang tao mula sa pagkaalipin sa pamamagitan ng kabayaran.” Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ang tungkol sa tungkulin ng Tagapagligtas bilang ating Manunubos: “Isa sa mga pinakamakahulugang titulo na naglalarawan kay Jesucristo ay Manunubos. … Ang ibig sabihin ng salitang tubusin ay bayaran ang obligasyon o utang. Maaari ding ang ibig sabihin ng tubusin ay sagipin o palayain sa pamamagitan ng pagtubos. Kung may isang nagkasala at iwinasto niya ito o inihingi ng paumanhin, sinasabi nating naialis niya ang sarili sa maling palagay sa kanya ng tao. Bawat isa sa mga kahulugang ito ay nagpapahiwatig ng iba’t ibang aspeto ng dakilang Pagtubos na isinagawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. …
“Ang Pagtubos ng Tagapagligtas ay may dalawang bahagi. Una, nagbayad-sala ito para sa mga paglabag ni Adan at ang ibinunga na Pagkahulog ng tao sa pagdaig sa matatawag na tuwirang ibinunga ng Pagkahulog—pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan. …
“Ang pangalawang aspeto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay pagtubos mula sa matatawag nating hindi tuwirang bunga ng Pagkahulog—ang sarili nating mga kasalanan at hindi ang paglabag ni Adan.”
Roma 3:25
Paano tayo nabibigyan ng katwiran sa pamamagitan ni Jesucristo?
Sa Roma 3:9–10, 23, ginamit ni Pablo ang lengguahe ng korte upang ilarawan kung paanong ang bawat isa sa atin ay hinatulan ng kamatayan dahil sa ating mga kasalanan. Itinuro Niya na tinubos tayo mula sa hatol na ito sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas. Sa talata 25, ginamit ni Pablo ang salitang Griyego na hilasterion upang ilarawan kung paano binayaran ni Jesucristo ang ating mga kasalanan. Ang Hilasterion ay madalas na isinasalin bilang “sakripisyo ng pagbabayad sala.” Sa King James Version ng Biblia, ang hilasterion ay isinalin bilang “handog na pantubos.” Kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo, tayo ay “binibigyang-katwiran” Niya sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Sa madaling salita, sa pamamagitan ng Kanyang biyaya tayo ay “binigyan ng hatol na walang kasalanan.”
Roma 3:20–31
Maaari ba tayong iligtas ng mga gawa?
Isa sa mga layunin ni Pablo sa pagsulat sa mga taga-Roma ay ang pagtugon sa mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Judio at mga gentil na Kristiyano tungkol sa kung ano ang kinakailangan para sa kaligtasan. Hindi tinanggap ni Pablo ang turo na ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ni Moises. Sa pagsasabi nito, hindi ipinahihiwatig ni Pablo na hindi kailangan ng isang tao na gumawa ng mabubuting gawa. Sa halip, binibigyang-diin niya na ang isang tao ay hindi maaaring umasa sa kanilang mabubuting gawa upang iligtas sila. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan, “Ang kaligtasan ay hindi natatamo sa pagsunod; natatamo ito sa pamamagitan ng dugo ng Anak ng Diyos. Ang paniniwala na maipagpapalit natin sa kaligtasan ang ating mabubuting gawa ay parang pagbili ng tiket sa eroplano at pagpapalagay pagkatapos na pag-aari natin ang eroplano. O pag-iisip na matapos magbayad ng upa natin sa bahay, hawak na natin ang titulo sa buong daigdig.”
Ang Roma 3–5 ay matinding nagbibigay-diin sa biyaya at pananampalataya, na may isang pahayag lamang tungkol sa kahalagahan ng mabubuting gawa. Ang “pangangailangan sa binyag at mabubuting gawa” ay tatalakayin kalaunan sa Roma.
Roma 4
Bakit ginamit ni Pablo si Abraham bilang halimbawa ng isang taong binigyang-katwiran ng pananampalataya?
(Ikumpara sa Galacia 3:6–29.)
Dahil nabuhay si Abraham ilang siglo bago ibinigay ang batas ni Moises, siya ay isang magandang halimbawa ng isang taong nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at hindi sa pamamagitan ng batas ni Moises. Sa pagbanggit mula sa Genesis, sinabi ni Pablo na “sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran.” Natanggap ni Abraham ang katiyakang ito bago siya tinuli. Sa ilalim ng batas ni Moises, ang pagtutuli ang seremonya kung saan ang mga lalaking Israelita ay “tinanggap ang mga tungkulin ng tipan.” Naipakita ni Pablo mula sa banal na kasulatan na ang mga tao ay hindi nabibigyang-katwiran sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ni Moises—sila ay nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.
Roma 5:11
Ano ang kahulugan ng mga salitang pagbabayad-sala at pakikipagkasundo?
Ang salitang Griyego na katallagē ay isinalin bilang “pagbabayad-sala” sa King James Bible. Sa ibang salin madalas itong isalin bilang “pagkakasundo.” “Ang Katallagē at ang mga kaugnay na pandiwa nito … ay ginamit nang labindalawang beses sa Bagong Tipan, at lahat ng reperensya ay tumatalakay sa pakikipagkasundo. Sa Aklat ni Mormon, iniugnay ni Jacob ang Pagbabayad-sala sa pakikipagkasundo nang ituro niya na tayo ay ‘nagkasundo … sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo’ (Jacob 4:11). Isinulat ni Pablo sa mga Hebreo na si Cristo ay ‘gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao’ (Hebreo 2:17). Magkaugnay man sa pamamagitan ng mga salita o sa pamamagitan ng proseso, malinaw na hindi maihihiwalay ng isang tao ang pakikipagkasundo sa Pagbabayad-sala. Malinaw na ang mas malalim na pag-unawa sa pakikipagkasundo ay nagbubunga rin ng mas mahusay na pag-unawa sa Pagbabayad-sala.
“Ang salitang pakikipagkasundo ay nagmula sa Latin na reconciliare, na ang ibig sabihin ay ‘magsama-sama muli, magkaisa, o magkasundo.’”
Roma 6:12–23
Bakit binanggit ni Pablo ang pagkaalipin?
Minsan ay ginamit ni Pablo ang salitang Griyego para sa alipin. Ang metapora na pagkaalipin ay nagtuturo tungkol sa espirituwal na mga kahihinatnan ng pagpili na tulutan ang kasalanan na maghari sa sarili. Dahil ang pang-aalipin ay karaniwang kaugalian sa imperyong Romano, maaaring madaling makaugnay ang mga tagapakinig ni Pablo sa mga metaporang gaya ng pagpapasakop sa Diyos na tulad ng pagpapasakop ng alipin sa kanilang amo at pagiging alipin sa kasalanan.
Alamin ang Iba Pa
Patubos sa pamamagitan ni Jesucristo
-
D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109–12
Kaugnayan ng Biyaya at mga Gawa
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 107-110
-
Dale G. Renlund, “Mananagana sa Pagpapala,” Liahona, Mayo 2019, 70–72
Media
Mga Larawan
Si Abraham na tumatanggap ng banal na tagubilin
Christ in Gethsemane [Si Cristo sa Getsemani], ni Harry Anderson
Pagtanggap ng ordenansa ng binyag