2018
Paghahayag kay Propetang Joseph Smith—at sa Inyo
Setyembre 2018


Paghahayag kay Propetang Joseph Smith—at sa Inyo

Ang Doktrina at mga Tipan ay nagpapakita kung paano ginabayan ng paghahayag si Propetang Joseph Smith at nagbibigay ng huwaran kung paano kayo magagabayan ng inspirasyon.

Larawan
locations of revelations

Paglalarawan ni Michael Mullan

Isipin ang lahat ng kahanga-hangang bagay na ginawa ni Joseph Smith: pagsasalin ng Aklat ni Mormon, pag-organisa ng Simbahan, pagtanggap ng priesthood, pagtatayo ng mga templo, pagtuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo, pagsusugo ng mga missionary sa ibang lugar. At mas kahanga-hanga pa na ginawa niya ang mga iyon sa napakamurang edad.

Paano niya nalaman kung paano gawin ang mga bagay na iyon? Sa kabutihang-palad, hindi niya kinailangang manghula—ginabayan siya ng paghahayag. Sa pamamagitan ng mga paghahayag na ito, na ang marami ay nasa Doktrina at mga Tipan na ngayon, itinuro ng Panginoon sa kanya ang doktrina, ginabayan siya sa pag-organisa ng Simbahan, at sinagot ang mahahalagang tanong. Narito ang ilang halimbawa.

Mga Tanong na Sinagot sa Pamamagitan ng Paghahayag

  • Sino ang may awtoridad na magbinyag? Noong Mayo 15, 1829, nanalangin sina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa pagbibinyag. Nagpakita si Juan Bautista at ipinagkaloob sa kanila ang Aaronic Priesthood at inutusan silang binyagan ang isa’t isa. (Tingnan sa D at T 13.)

  • OK lang bang gumamit ng tabako? Ang pagnguya at paghitit ng tabako ay karaniwan noong panahon ni Joseph Smith. Noong 1833, humingi siya ng patnubay sa panalangin tungkol sa paksang ito at tumanggap ng paghahayag na kilala ngayon bilang Word of Wisdom, na sinasabing ang “tabako ay hindi para sa katawan” (tingnan sa D at T 89).

  • Bakit tayo gumagawa ng gawain sa templo para sa mga patay? Sa ilalim ng pamumuno ni Propetang Joseph Smith, itinayo ng mga miyembro ng Simbahan ang Kirtland Temple at pagkatapos ay ang Nauvoo Temple, kung saan magagawa nila ang mga pagbibinyag at iba pang mga ordenansa sa templo. Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 128 na “tayo kung wala [ang ating mga ninuno] ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap” (talata 18).

Maaari din kayong gabayan ng Panginoon sa inyong buhay at sagutin ang inyong mga tanong sa pamamagitan ng personal na paghahayag. Kung minsa’y darating ang mga sagot na iyon mula sa mga banal na kasulatan o sa inspirasyong nadarama ninyo sa inyong puso’t isipan. At kung minsa’y patuloy kayong mananampalataya, na hindi tiyak kung ano ang mangyayari ngunit ginagawa ang lahat para sumunod.

Kadalasa’y kailangang maghintay na matanggap ang inspirasyon at patnubay na kailangan ninyo. Tulad ni Propetang Joseph, malalaman ninyo ang kalooban ng Panginoon nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (D at T 98:12). Tulad ng ginawa ng Propeta, magsimula sa panalangin. Humiling sa Ama sa Langit ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Saliksikin ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong propeta. Magpasiya at saka magtanong kung tama iyon (tingnan sa D at T 9).

Pagkatuto sa Paglipas ng Panahon

Tingnan ang mapang ito, at makikita ninyo kung nasaan si Joseph Smith nang matanggap niya ang mga paghahayag mula sa Panginoon. Dumating ang mga paghahayag kung kailan at kung saan kinailangan ni Joseph Smith ang mga ito, ayon sa kalooban ng Panginoon.

Tumanggap si Joseph ng 46 na paghahayag sa Kirtland, Ohio, ngunit hindi niya kinailangang manatili roon para patuloy na magabayan ng Panginoon. Tumanggap din siya ng mga paghahayag sa Pennsylvania, New York, Missouri, at Illinois.

Dumating ang mga paghahayag na ito sa paglipas ng maraming taon. Hindi ba maganda sana kung inihayag ng Panginoon ang lahat ng kailangang malaman ni Joseph Smith tungkol sa priesthood, halimbawa, sa isang paghahayag? Sa halip, naghayag ang Panginoon sa Propeta tungkol sa priesthood noong 1829, 1830, 1832, 1835, 1841, at iba pang mga taon (tingnan, halimbawa, sa D at T 13; 20; 84; 107; 124).

Lalago rin ang kaalaman ninyo sa ebanghelyo sa paglipas ng panahon. Kapag pinag-aralan ninyo ang ebanghelyo sa tulong ng Espiritu Santo—sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, pangkalahatang kumperensya, mga miting sa Simbahan, seminary, at iba pa—lalago ang inyong pag-unawa sa paglipas ng panahon, katulad ng nangyari kay Joseph Smith.