2018
Ang Sapat na “Kasapatan”
Setyembre 2018


Digital Lamang

Ang Sapat na “Kasapatan”

“Totoo ang sinabi niya: masyado akong maliit, hindi ako marunong sumayaw. Magkakaroon pa ba ako ng sapat na kahalagahan?

Larawan
dalagang nakatayo sa bukid

“Kawawa ka naman, masyado kang maliit kung kaya’t kailangan mong tumayo sa harapan,” sabi ng guro ko. “Ikaw ang pinakapangit magsayaw sa klase.”

Sinabi ang mga salitang iyon sa akin sa harap ng buong choir class ko sa high school. Sinabi ito nang pabiro, at tumugon ako sa isang maliit at pilit na pagtawa, pero sa totoo lang, napahiya ako. Gumawa ang aming guro ng simpleng sayaw na gagawin namin sa isa sa mga kakantahin namin sa aming konsyerto. Sa kasamaang palad, malamya talaga akong kumilos, kaya nahirapan akong sundan ang sayaw. At ang mga salita niya ay pumatay sa anumang natitirang tiwala sa aking sarili. Totoo ang sinabi niya: masyado akong maliit, at hindi ko kayang sumayaw. Inisip ko kung magkakaroon pa ba ako ng sapat na kahalagahan.

Ang karanasang iyon ay isa lamang sa maraming pagkakataon na naramdaman ko na hindi “sapat ang kahalagahan” ko. Sa mga pagkakataong iyon, nagtuon lamang ako sa mga bagay na wala sa akin o sa mga bagay na hindi ko kayang gawin, sa halip na sa mga bagay na meron ako at kaya kong gawin. Isa ito sa mga pinakamahusay na kasangkapan na ginagamit ni Satanas laban sa akin at sa maraming iba pa.

Matapos akong sabihan ng aking guro sa choir na pangit akong sumayaw, humina nang husto ang loob ko. Lagi kong sinusubukan na patunayan ang sarili ko sa pamamagitan ng pagiging mahusay sa mga bagay na mahusay rin ang iba. At lagi akong nabibigo. Hindi ko maalis sa aking isipan na ang tanging talento ko ay ang pag-upo sa bangko. Pakiramdam ko, nakalimutan akong bigyan ng Diyos ng sapat na “kasapatan,” na tila ibinigay Niya sa lahat ng iba pa bukod sa akin.

Isang araw, sa seminary, may itinurong lesson ang guro namin tungkol sa mga nilikha ng Diyos. Nagpakita siya ng napakagagandang mga larawan ng kalawakan. Natatandaan kong napanganga ako sa lahat ng mga galaxy, bituin, at planeta na ipinakita—ang bawat isa sa kanila ay natatangi, mahiwaga, at maganda sa sarili nilang paraan.

At doon ko napagtanto ang isang bagay.

Sa lahat ng kahanga-hanga at hindi kapani-paniwalang mga bagay na nilikha ng Diyos, naglaan Siya ng oras para gawin ako. Isang maliit, tila hindi mahalaga, at ordinaryong tao, na hindi naiintindihan kung gaano talaga siya kamangha-mangha. Isang taong naiiba sa lahat. Isang taong binigyan ng kanyang partikular at natatanging plano. Isang taong walang-hanggan ang potensyal at may banal na tadhana.

Ako.

Sa pagkakataong ito ko naintindihan sa wakas at nang buong puso na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (D at T 18:10). Napagtanto ko na tunay na mahalaga ako sa Kanya, at may sapat akong “kasapatan” sa Kanyang mga mata.

Sa huli, hindi rin ako natutong magsayaw nang buong husay. Kaya kong sabihin nang walang bahid na kahihiyan na hindi talaga ako marunong magsayaw. At OK lang iyon! Dahil sa paglipas ng mga taon, natuklasan ko ang maraming mga talento at kakayahan ko na hindi ko alam noon na taglay ko pala. Inihayag ang mga ito sa pagdaan ng panahon nang nagtiwala ako sa Panginoon at nanampalataya na alam Niya na ako ay sapat na. Oo, pinanghihinaan tayong lahat ng loob paminsan-minsan, ngunit kapag tiningnan talaga natin at inunawa ang kabuluhan ng kung sino tayo, ang ating kamangha-manghang kakayahan, ang ating natatanging mga abilidad, at ang kamay ng Diyos na gumagabay sa ating buhay, mas mapagtitiisan natin ang buhay na ito nang may pananampalataya, pag-asa, at di-matatawarang tiwala sa sarili.