2018
Nang Niyanig ng mga Materyal na Kumakalaban sa Simbahan ang Aking Pananamplataya
Setyembre 2018


Digital Lamang

Nang Niyanig ng mga Materyal na Kumakalaban sa Simbahan ang Aking Pananamplataya

Sinubukan kong isantabi ang aking mga pagkabahala, ngunit lalo akong nabalisa nang pinatagal ko ang mga ito. Makakapagmisyon ba ako kung mayroon pa rin akong mga katanungan sa ebanghelyo?

Larawan
dalagang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ilang buwan bago ako nagmisyon, nakakita ako ng ilang artikulo na kumakalaban sa Simbahan. Ang mga artikulong ito ay naglahad ng maling impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Simbahan at kay Joseph Smith na yumanig sa aking patotoo. Sinubukan kong isantabi ang aking mga pagkabahala, ngunit lalo akong nabalisa nang pinatagal ko ang mga ito. Maraming tanong ang pumasok sa isip ko. Makakapagmisyon ba ako kung mayroon pa rin akong mga katanungan sa ebanghelyo? Magiging mas mainam ba kung hindi na lang ako aalis? Mataimtim akong nanalangin sa Panginoon, hiniling sa Kanya na tulungan akong sagutin ang aking mga tanong at patatagin ang aking pananampalataya, ngunit hindi kaagad dumating ang mga sagot.

Isang araw, naalala ko ang kuwento ni Joseph Smith nang tumanggap siya ng Aaronic Priesthood—isang kuwento na kabigha-bighani para sa akin. Habang isinasalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon, napansin niya na nabanggit dito ang binyag. Nagnanais na malaman pa ang tungkol sa bagay na ito, pumunta siya sa kakahuyan kasama ang kanyang tagasulat na si Oliver Cowdery, at nagtanong sa Ama sa Langit tungkol sa binyag. Sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensaherong anghel na si Juan Bautista, para ibigay sa kanila ang Aaronic Priesthood upang mabinyagan sila at magkaroon ng awtoridad na magbinyag sa iba.

Nagtuturo ang kuwentong ito ng mahalagang alituntunin, isang alituntunin na naulit nang maraming beses sa mga banal na kasulatan at sa kasaysayan ng Simbahan: ang pagbabasa at pagmumuni tungkol sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa landas patungo sa dagdag na paghahayag at panunumbalik. Pinatatatag ng mga banal na kasulatan ang ating mga patotoo at tinuturuan tayo ng mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo nang “taludtod sa taludtod” (2 Nephi 28:30), upang maging handa tayo na tanggapin ang mga ito.

Napagtanto ko na upang maipanumbalik ang aking pananampalataya, kailangan kong bumaling sa mga banal na kasulatan para sa mga sagot. Nagsimula akong magbasa ng Aklat ni Mormon, naghahanap ng mga banal na kasulatan na aakay sa akin tungo sa paghahayag na kailangang-kailangan ko. Pagkatapos ay nabasa ko ang isang talata sa 1 Nephi, kung saan ay sumagot si Nephi sa tanong ng anghel, na nagsasabing: “Alam kong mahal niya [Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).

Nang mabasa ko ang talatang ito, napagtanto ko na hindi ko kailangang malaman “ang ibig sabihin ng lahat ng bagay”—at hindi ko matatanggap ang lahat ng kasagutan sa buhay na ito. Ngunit tulad ng pagsandig ni Nephi sa kanyang patotoo nang naharap siya sa isang bagay na hindi niya naintindihan, maaari rin akong magtiwala sa mga bagay na alam ko, at sumulong nang may pananampalataya.

Mula nang maranasan ko iyon, lagi kong sinusunod ang itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Mahahanap natin ang mga sagot sa mga banal na kasulatan” (“A Discussion on Scripture Study,” Ensign, Hulyo 2005, 24). Lagi akong sumasandig sa katotohanang ito kapag may hindi ako naiintindihan. Tulad ng paghahanda kina Joseph at Oliver ng mga banal na kasulatan na matanggap ang unang ordenansa sa ipinanumbalik na Simbahan, patuloy akong inaakay ng mga ito sa landas patungo sa higit pang paghahayag at liwanag.