2018
“Anak Mo ba Ako?”
Setyembre 2018


“Anak Mo ba Ako?”

Camille Nelson

Utah, USA

Kahit ilang beses lang ako nakasimba, patuloy akong binisita ng home teacher ko. Isang gabi tumawag siya at nagtanong kung puwede akong magbahagi ng ilang ideya tungkol sa mga walang-hanggang pamilya sa susunod na klase sa Gospel Principles.

“Oo, sige,” sabi ko.

Hindi ko gaanong inisip iyon hanggang kinaumagahan. Noon ko natanto na pumayag akong magsalita tungkol sa mga walang-hanggang pamilya sa grupo ng mga taong malamang na alam na ang lahat tungkol dito. Hindi ko alam kung ano ang puwede kong sabihin sa kanila.

Sa paglipas ng mga taon, nakagawa ako ng mga pagpapasiya na naglayo sa akin sa ebanghelyo. Paano ko ibabahagi ang mga naiisip ko tungkol sa isang bagay na hindi ako sigurado kung pinaniniwalaan ko? Nalito ako. Pagkatapos ay pumasok sa isip ko ang mga titik sa himnong “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189). Matagal ko nang hindi narinig ang mga titik na iyon, pero kabisado ko iyon. Pagkatapos ay natanto ko: Kailangan kong itanong sa Diyos kung anak nga Niya ako.

Noong oras na iyon, inaayos ko ang mga muwebles sa kuwarto ko, kaya kahit tagilid pa ang kama ko sa gitna ng kuwarto, lumuhod ako sa tabi nito at hinintay kong dumating ang mga salita. Ano ang puwede kong sabihin sa Diyos? Hindi ko nga alam kung totoo Siya. Sa sandaling iyon, inihatid ng pinakamarubdob na hangarin ng puso ko ang mga simpleng salitang ito sa aking mga labi: “Diyos ko, nariyan Ka ba talaga? Kung nariyan Ka, anak Mo ba ako?”

Agad dumating ang sagot. Parang matagal na Niyang hinihintay na itanong ko iyon. Nadama ko na sinabi ng Diyos, “Oo, Camille, narito Ako, at ikaw ay anak ko.”

Nang dumilat ako, nasa magulong kuwarto ko pa rin ako. Magulo ang buong paligid ko, pero pakiramdam ko parang naayos nang husto ang buhay ko. Alam ko na ako ay anak ng Diyos, at iyon lang ang mahalaga.

Sa klase noong araw ng Linggo, ikinuwento ko lang kung paano ko nalaman na ako ay anak ng Diyos. “Kung anak Niya ako,” sabi ko, “gayon din ang lahat ng iba pa.”

Tatlo’t kalahating taon pa ang kinailangan para magawa ko ang lahat ng positibong pagbabagong kinailangan kong gawin, pero hindi na katulad ng dati ang buhay ko. Simula noon, hinding-hindi ko na pinagdudahan kung sino ako. Alam ko na nariyan palagi ang Ama sa Langit. Mahal Niya ako dahil ako ay Kanyang anak.