2018
Ang Totoong Simbahan: “Sa Ikasasakdal ng mga Banal”
Setyembre 2018


Ang Totoong Simbahan: “Sa Ikasasakdal ng mga Banal”

Sa ngayon nagkaroon ka na ng pagkakataong mabasa ang unang ilang kabanata ng tomo 1 ng bagong apat-na-tomong salaysay tungkol sa kasaysayan ng Simbahan na, Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw. Kamangha-manghang makita kung paano pinatatatag ang ating pananampalataya at pinaninibago ang ating pag-asa ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ikinuwento sa konteksto ng naranasan ng mga taong nabuhay noon. Pribilehiyo naming ihatid ang kasaysayang iyon sa paraang mauunawaan at mapapahalagahan ng buong mundo at ng buong Simbahan.

Ang mga impresyong matatamo ng isang tao sa pagbabasa ng kasaysayan ng Simbahan ay depende sa inaasahan niyang matuklasan sa kasaysayang iyon. Nabasa natin ang sariling pahayag ng Panginoon na ang Simbahang ito “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Kaya tila makatwirang asahan na ang kasaysayan ng tunay na Simbahan ay naglalarawan ng mga pinunong hindi nagkakamali na tagumpay na ipinatutupad ang sunud-sunod na inihayag na mga tagubilin hanggang sa maging perpekto ang organisasyon na masayang tinatanggap ng lahat. Ngunit hindi iyan ang inilalarawan ng mga banal na kasulatan ni isinasagisag ng ating kasaysayan, dahil hindi pangunahing layunin ng Panginoon na gawing perpekto ang Simbahan bilang isang organisasyon.

Ano ang Layunin ng Simbahan?

Larawan
members sitting in church

Walang itinuturo sa ating mga banal na kasulatan, ating doktrina, o mga turo ng mga apostol at propeta sa mga huling araw na ang layunin ng Panginoon ay gawing perpekto o iligtas ang Simbahan. Sa halip, ang layunin ng Simbahan ay para “sa ikasasakdal ng mga banal … hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya … hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:12–13). Ang pangunahing layunin ng Panginoon ay gawing sakdal o perpekto ang Kanyang mga banal. Suportado ng Simbahan ang adhikaing iyan.

Sa gayon, matutuwa tayo sa matutuklasan natin sa ating kasaysayan kung inaasahan natin na ipapakita nito kung paanong hindi lang itinatag ng Panunumbalik ang tunay na Simbahan ng Panginoon sa lupa kundi naglaan din ito ng mga karanasan na magpapalago sa mga lider at miyembro hanggang sa sila ay maging sakdal kapag natuto sila mula sa kanilang mga tagumpay at pagkakamali. Ang kanilang mga karanasan ay makapagpapaibayo sa ating pananampalataya sa Diyos at kay Cristo at matutulungan tayong makita kung paano tayo mababago at mapagpapala ng ating pakikibahagi sa prosesong ito na ginagabayan ng Diyos. Sa madaling salita, ang kasaysayan ng Simbahan ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na tayo man sa huli ay magiging “ganap [kay Cristo]” (Moroni 10:32).

Ano ang Ibig Sabihin ng Ito ang Tunay na Simbahan?

Kung nagawang itatag ng mga lider at miyembro noong araw ang Simbahan ni Cristo kahit kung minsa’y hindi perpekto ang kanilang mga pagsisikap, at kung minsa’y nagkakamali sila, ano ang ibig sabihin ng ito ang tunay na Simbahan? Ang ibig sabihin nito, maaari tayong lubos na magtiwala sa bisa ng awtoridad ng ipinanumbalik na priesthood, nakapagliligtas na mga ordenansa, inihayag na doktrina, mga banal na kasulatan, at nagkakaisang mga korum ng Labindalawang Apostol at Unang Panguluhan. Ang ibig sabihin nito, maaari nating malaman na ang Tagapagligtas mismo ang namamahala sa Simbahan at na ang Espiritu Santo ay magpapatotoo sa lahat ng taos-pusong naghahanap sa katotohanan ng mga bagay na ito. Ang ibig sabihin nito, sa pagsisikap na sundin ang mga tipang nauugnay sa mga ordenansa, at patuloy na pagsisisi, kahit ang mga taong katulad natin na hindi perpekto ngunit tapat ay mamumuhay sa kaluwalhatiang selestiyal sa piling ng Diyos at ni Cristo at ng ating pamilya magpakailanman, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pribilehiyo naming ipakita ang salaysay ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at hinihikayat namin kayo na patuloy na basahin ang nalalabi sa serye habang lumalabas ang bawat aklat. Tapat ito sa mga talaan at tunay na pangyayari. Tiwala kami na ang tapat na pagbabasa ng kasaysayang ito ay magpapaibayo ng ating pananampalataya sa pagmamahal ng Ama sa Langit at sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, magpapalakas ng ating patotoo tungkol sa banal na patnubay ni Propetang Joseph Smith at sa Panunumbalik, at makapagbibigay sa atin ng pag-asa na tayo man ay tatanggap ng lahat ng pagpapalang ipinangako Nila sa matatapat.

Si Elder Cornish ay naglilingkod bilang Assistant Executive Director ng Church History Department noong inihahanda ang artikulong ito.