2018
Pangulong Dallin H. Oaks: Pagsunod sa mga Paraan ng Panginoon
Setyembre 2018


Pangulong Dallin H. Oaks: Pagsunod sa mga Paraan ng Panginoon

Kapag alam ni Pangulong Oaks ang gustong ipagawa sa kanya ng Panginoon—ginagawa niya iyon.

Larawan
President Oaks waving

Nang tawagin siyang maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Abril ng 1984, pinag-isipan nang malalim ni Elder Dallin H. Oaks ang kanyang bagong tungkulin at ang di-maiiwasang mga pagbabagong mangyayari sa buhay niya.

Hindi ito ang unang pagkakataong nahilingan si Elder Oaks na iwan ang kanyang personal at propesyonal na “mga lambat” (tingnan sa Mateo 4:18–20). Noong 1970 nagbitiw siya sa kanyang puwesto sa faculty sa University of Chicago Law School para tumugon sa paanyaya ng mga pinuno ng Simbahan na maging pangulo ng Brigham Young University sa Provo, Utah, USA. Lubos ang kasiyahan niya sa pagtuturo, pagsasaliksik, at pakikisalamuha sa mga estudyante sa abogasya sa Chicago. Subalit tumugon siya nang may pananampalataya sa hiling na maglingkod bilang ikawalong pangulo ng BYU.

Naharap si Elder Oaks sa gayon ding sitwasyon noong 1984 matapos siyang tawagin sa Labindalawa, nang muli siyang magbitiw sa puwesto at trabahong minahal niya bilang isang huwes sa korte suprema sa estado ng Utah. Gayunman, naiiba ang pagbabagong ito.

Noong 1970, may katwiran si Elder Oaks na isipin na babalik siya sa pagiging abugado pagkatapos ng serbisyo niya sa BYU, at ang totoo’y nagbalik nga siya kalaunan. Pero katangi-tangi ang tawag na iyon noong 1984—isang sagradong paglalaan ng kanyang buong kaluluwa at buong buhay sa Panginoon. Ang walang-hanggang kahalagahan at pandaigdigang saklaw ng bago niyang mga responsibilidad ay talagang mahirap.

Inilarawan ni Elder Oaks ang kanyang mga saloobin tungkol sa mahalagang pagbabagong ito:

“Sa panahong ito ng pagsisiyasat sa sarili, na iniisip kung paano ko gugugulin ang natitira ko pang buhay, itinanong ko sa sarili kung anong klase kaya akong apostol. Magiging abogado kaya ako na tinawag na maging apostol, o isang apostol na dating abogado? Naisip ko na ang sagot sa tanong na ito ay depende sa kung sisikapin kong iakma ang calling ko sa personal na mga katangian at karanasan ko, o kung pagsusumikapan kong iakma ang sarili ko sa calling ko.

“Sisikapin ko bang gampanan ang calling ko ayon sa mga paraan ng mundo, o sisikapin kong alamin at sundan ang mga paraan ng Panginoon?

“Nagpasiya ako na susubukan kong baguhin ang sarili ko para sa aking tungkulin, na sisikapin kong pumantay sa kwalipikasyon at espirituwal na katayuan ng isang Apostol. Iyan ay isang hamon na panghabambuhay.”1

Ang banal na biyaya ng Panginoon, mga karanasan sa buhay, mapagsuportang pamilya, at mga personal na katangian at disiplina na yumabong sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral at pagkatuto, kasipagan, at mapagmahal na paglilingkod ay nagbigay-kakayahan kay Pangulong Oaks na “sundan ang mga paraan ng Panginoon” at tunay na maging magiting na Apostol na dating abogado.

Maraming espirituwal na kaloob na makikita sa buhay at ministeryo ni Pangulong Dallin H. Oaks.

Pananampalataya sa Tagapagligtas

Si Pangulong Oaks ay biniyayaan ng espirituwal na kaloob na malaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos (tingnan sa D at T 46:13–14). Itinuturo niya ang doktrina ng Tagapagligtas nang malinaw at pinatototohanan Siya nang may pananalig. Ang Panginoon ang kanyang liwanag sa bawat aspeto ng kanyang buhay. Kapag alam ni Pangulong Dallin H. Oaks ang gustong ipagawa sa kanya ng Panginoon—ginagawa niya iyon.

Sa pamamagitan ng kanyang mga turo sa loob ng maraming taon, mas lubos na naipaunawa ni Pangulong Oaks sa mga miyembro ng Simbahan ang layunin at kahalagahan ng plano ng kaligtasan ng Ama, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang awtoridad at mga susi ng priesthood, ang sagradong ordenansa ng sakramento, ang proseso na huwag lang basta “gawin” kundi “maging,” ang mga pagkakaiba ng maganda, mas maganda, at pinakamaganda sa ating buhay, at maraming iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang kanyang simple at maayos na pamamaraan sa pagkatuto ng ebanghelyo ay nagpalakas sa pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo.

Larawan
President Oaks greeting members

Integridad

Si Pangulong Oaks ay isang taong may integridad. Ang kanyang mga paniniwala at pag-uugali ay nakasalig sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at isinasabuhay niya ang kanyang pinaniniwalaan. Hindi niya inisip kailanman ang kanyang sariling kapakanan dahil determinado siyang gawin ang tama, kahit hindi siya kinilala sa ginawa niya o hindi tinanggap ng iba ang kanyang pananaw. Walang mga shortcut sa buhay niya—gawin ang tama o huwag na lamang gawin ito.

Ang kanyang integridad ay makikita sa kahandaan niyang harapin ang mahihirap na isyu at assignment. At ginagawa niya ito sa napakahusay na paraan—sa paraan ng Panginoon. Nagturo siya nang tahasan tungkol sa mga paksang tulad ng pagtatanggol sa tradisyunal na pamilya, pagtugon sa mga banta sa kalayaan sa relihiyon, pagprotekta sa mga bata mula sa mga makasariling kasalanan ng matatanda, at pagtuligsa sa mga kasamaan ng pornograpiya.

Kaamuan

Bukod-tangi ang personal at propesyonal na mga nagawa ni Pangulong Oaks saanmang pamantayan iyon sukatin. Subalit nagpapakita ng kaamuan at espirituwal na kahandaang tumanggap si Pangulong Oaks sa pagkatuto kapwa mula sa Espiritu Santo at sa mga taong lubhang magkakaiba ang mga pinagmulan at karanasan.

Sa isa sa mga quorum meeting namin, nagpahayag ng opinyon si Elder Oaks tungkol sa isang gawain na pinaniniwalaan niyang dapat isulong. Nakakakumbinsi ang kanyang mga dahilan, at marami siyang alam tungkol sa isyu. Nakahihikayat ang mga argumento niya na pabor sa gawain.

Nang magpulong kami, sumang-ayon ang isang miyembro ng Labindalawa na medyo bago pa sa grupo na ituloy ang gawain ngunit nag-alinlangan ito sa ipinanukalang tiyempo sa pagsusulong nito. Maaari sanang sagutin ni Elder Oaks ang pag-aalala sa pagtugon ng “Naniniwala ako na mas marami akong karanasan sa bagay na ito kaysa sa inyo.” Ngunit hindi niya iyon ginawa. Nang walang pahiwatig ng pagtatanggol sa sarili o galit, hiniling ni Elder Oaks ang miyembro ng kanyang korum, “Ipaunawa mo nga sa akin kung bakit ka nag-aalinlangan sa tiyempo nito?”

Matapos pakinggang mabuti ang kanyang kasamahan sa korum, nag-isip sandali si Elder Oaks at saka sinabing, “Mahalaga ang puntong nabanggit mo. Hindi ko lubos na napag-isipan ang magiging epekto ng tiyempo ng gawaing ito sa paraang naisip mo, at kumbinsido ako na dapat nating baguhin ang panukala batay sa natutuhan natin sa talakayang ito.”

Nakinig at natuto si Elder Oaks sa kamiyembro niya sa korum at saka lumakad sa kaamuan ng Espiritu ng Panginoon (tingnan sa D at T 19:23) upang makamtan ang hangad na resulta. Para kay Dallin H. Oaks, ang isyu ay hindi kailanman tungkol sa kung ano ang gusto niya; palagi iyong tungkol sa kung ano ang nais ng Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga paraan.

Paghiwatig

Si Pangulong Oaks ay nabiyayaan din ng espirituwal na kaloob na makahiwatig at ng kakayahang mapansin ang pangmatagalang mga bunga ng mga panukala, desisyon, at gawain. Namamalas ang kakayahang ito sa isang bagay na madalas niyang itanong sa sarili at sa iba: “Saan ito hahantong?”2 Hindi lamang maaaring magsalita o magpayo ang isang tao sa council na kasama si Pangulong Oaks nang hindi napapansin kaagad kung paano nakinabang sa kakayahang ito ang maraming tao at pamilya at ang buong Simbahan noong panahon ng paglilingkod niya sa Panginoon.

Larawan
Oaks family and wedding photos

Isang gabi ng tag-init noong 1970, naharap sa isang nakakatakot na sitwasyon si Pangulong Oaks nang may isang armadong magnanakaw sa South Side sa Chicago ang humarang sa kanya pagbalik niya sa nakaparada niyang kotse. Hinihintay siya ng asawa niyang si June sa sasakyan.

“Ibigay mo sa akin ang pera mo,” giit ng magnanakaw.

“Wala akong pera,” sagot ni Brother Oaks, habang ipinapakita ang pitaka niyang walang laman.

“Ibigay mo sa akin ang mga susi ng kotse mo,” utos nito. Nasa loob ang mga susi sa nakakandadong kotse kasama ni Sister Oaks. “Pabuksan mo sa kanya ang kotse,” giit ng magnanakaw. Tumanggi si Brother Oaks.

Banta ng magnanakaw, “Sumunod ka, o papatayin kita.”

Mariing sinabi ni Brother Oaks, “Hindi.”

Habang paulit-ulit na sinabi ng magnanakaw ang hinihingi at mga banta nito, nakakita ng pagkakataon si Brother Oaks na agawin ang baril sa binata. Ayon sa paglalarawan ni Pangulong Oaks sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperansya noong 1992, “Nang gagawin ko na iyon, may kakaiba akong naranasan. Wala akong nakita o narinig na anuman, ngunit may nabatid ako. Nabatid ko ang mangyayari kung aagawin ko ang baril na iyon. Maglalaban kami, at itututok ko ang baril sa dibdib ng binatang iyon. Puputok iyon, at mamamatay siya. Naunawaan ko rin na hindi ako dapat usigin ng konsiyensya ko sa pagkamatay ng binatang iyon habang nabubuhay ako.”3

Ang mahimalang pagpapamalas na ito ng kaloob na makahiwatig ay nagbigay-kakayahan kay Pangulong Oaks na lutasin ang paghaharap na iyon at sa huli ay mailigtas ang sarili niyang buhay at ang buhay ng binatang magnanakaw.

Kamakailan lamang, sa isang pulong ng Missionary Executive Council, na si Elder Oaks ang chairman, nag-usap-usap kami tungkol sa isang panukalang may kaugnayan sa mga missionary na naglilingkod sa isang partikular na lugar sa daigdig. Matapos ipahayag ng mga miyembro ng council ang kanilang pananaw tungkol doon, nagtanong ng ilang bagay si Elder Oaks at ibinuod ang natutuhan nila. Pagkatapos ay sinabi niya, “Palagay ko hindi pa natin mapagpapasiyahan ang bagay na ito. Dapat nating hintayin ang Panginoon at huwag muna tayong magdesisyon ngayon.”

Ang mga kaganapan ilang buwan kalaunan ay lubos na nagtampok sa inspirasyong nadama sa pagdedesisyong iyon na maghintay. Napagpala ang council, na kumilos sa ilalim ng inspiradong pamumuno ni Elder Oaks, na gumawa ng tamang desisyon, sa tamang panahon, at sa paraan ng Panginoon para protektahan ang mga missionary at umunlad ang gawain.

Pagiging Palabiro at Kabaitan

Nakakatuwa ang pagiging palabiro ni Pangulong Oaks. Halimbawa, sa pagtatapos ng isang pananghaliang dinaluhan ng lahat ng miyembro ng Labindalawa, ipinahiwatig ng isa sa mga Kapatid na mahirap manatiling gising sa hapon matapos kumain ng masasarap na pagkain. Ngumiti nang husto si Pangulong Oaks at sumagot, “Maliban kung wala kang makitang magandang tutulugan.”

Madalas siyang magbiro tungkol sa sarili niya at sa kanyang pagiging kalbo. Ngunit kaya rin niyang ipagtanggol nang husto ang mga taong kakaunti ang buhok sa ulo. Madalas niyang sinasabing, “Maraming ginawang ulo ang Panginoon, at ang mga di-gaanong maganda ay tinakpan niya ng buhok.”

Nakakatuwa ang giliw at talas ng isip niya, at palagi siyang may konsiderasyon at mabait. Madalas magkomento ang mga tao matapos makasama si Pangulong Oaks na gustung-gusto nila ang ginagawa niya para mapanatag sila dahil palabiro siya, taos magmahal, at mapagmalasakit.

Impluwensya ng Matwid na Kababaihan

Sa lahat ng tagumpay at parangal na nauugnay sa kanyang pambihirang buhay, si Pangulong Oaks ang unang kumilala sa malaking impluwensya ng tatlong matwid na babae sa kanyang buhay: sina Stella Harris Oaks, June Dixon Oaks, at Kristen M. McMain Oaks.

Larawan
Oaks family photo

Pitong taong gulang si Dallin Oaks nang mamatay sa tuberkulosis ang kanyang amang si Lloyd E. Oaks, isang doktor, sa edad lang na 36. Inilibing ito noong ika-11 anibersaryo ng kasal nila ng ina ni Pangulong Oaks na si Stella Harris Oaks. Hindi na ito muling nag-asawa at mag-isang pinalaki ang tatlo nilang anak.

“Biniyayaan ako ng isang pambihirang ina,” paggunita ni Pangulong Oaks. “Talagang isa siya sa maraming mararangal na babaeng nabuhay sa mga huling araw.”4

Noong freshman siya sa BYU, nakilala ni Pangulong Oaks si June Dixon. Ikinasal sila noong 1952 at biniyayaan ng anim na anak. “Hindi ako nakapagtrabaho nang maayos noon hanggang sa makilala ko si June,” sabi ni Pangulong Oaks. “Utang ko sa kanya ang halos lahat ng nagawa ko.”5 Noong Hulyo 21, 1998, pumanaw si June sa sakit na kanser.

Pinag-usapan na nina June at Dallin ang kinabukasan ng kanilang pamilya bago pa siya pumanaw. Napagkasunduan nila na magiging pagpapala sa kanya at sa kanilang pamilya kung muli siyang mag-aasawa. Noong Agosto 25, 2000, pinakasalan ni Elder Oaks si Kristen M. McMain.

Inilarawan ni Kristen Oaks ang buhay niya sa piling ni Pangulong Oaks sa isang simpleng pangungusap: Nagkakaisa kami sa gawain ng Panginoon, at napakaraming pagpapala ang ibinuhos nito sa amin. Madalas siyang magplano ng mga pagtitipon ng pamilya hangga’t maaari dahil nagpapasaya ito nang husto sa buong pamilya. Palagi nilang pinag-uusapan si June.

Larawan
President Oaks with wife, Kristen

Retrato na kasama ang mga miyembro sa Asia mula sa Deseret News; retrato na kasama ang asawang si Kristen sa RootsTech na kuha ni Jeffrey D. Allred, Deseret News

Kapag nagtuturo at nagpapatotoo si Pangulong Oaks tungkol sa mga katotohanang nasa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” alam niya mismo ang kahalagahan ng pagiging asawa at ama. Natuto siya ng mahahalagang aral tungkol sa mga responsibilidad na pinaghahatian ng mga mag-asawa na “mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak”—at na “sa mga banal na tungkuling ito, ang mga [asawang alaki at ] ama at [ang kanilang asawa at] ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”6 Palagi at sa abot ng kanyang makakaya, nagbuhay-pamilya si Pangulong Oaks na sumusunod sa paraan ng Panginoon.

Ang Habambuhay na Dedikasyon

Noong Abril 6, 2018, sinang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kasama sina Pangulong Dallin H. Oaks bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan at Pangulong Henry B. Eying bilang Pangalawang Tagapayo.

Nagsimula si Pangulong Oaks sa kanyang bagong tungkulin sa namumunong korum ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na may “habambuhay na matiwasay at matatag na dedikasyon”7—isang buhay na nakalaan sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Ang personal na pagkadisipulo, makapangyarihang mga turo, at di-nagbabagong mabuting halimbawa ni Pangulong Oaks ay magiging positibong impluwensya sa mga tao sa buong mundo at makakatulong sa kanila na sundan ang mga paraan ng Panginoon.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, The Lord’s Way (1991), 7.

  2. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Where Will It Lead?” (Brigham Young University devotional, Nob. 9. 2004), speeches.byu.edu.

  3. Dallin H. Oaks, “Bible Stories and Personal Protection,” Liahona, Nob. 1992, 39–40.

  4. Don L. Searle, “Elder Dallin H. Oaks: ‘It Begins by Following the Other Apostles,’” Ensign, Hunyo 1984, 14.

  5. Dallin H. Oaks, “The Student Body and the President” (Brigham Young University devotional, Set. 9, 1975), 6, speeches.byu.edu.

  6. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  7. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “The Dedication of a Lifetime” (Church Educational System fireside for young adults, Mayo 1, 2005), 2, broadcasts.lds.org.