2018
Pangulong Henry B. Eyring: Kahanga-hanga ang Talino, Mapagkumbabang tulad ng Bata
Setyembre 2018


Pangulong Henry B. Eyring: Kahanga-hanga ang Talino, Mapagpakumbabang tulad ng Bata

Ang kadalisayan ng iba’t ibang aspeto ng buhay at pagkatao ni Pangulong Henry B. Eyring ay may kabalintunaan kung minsan.

Larawan
President Eyring waving

Sabi ng isa sa mga anak na lalaki ni Pangulong Henry B. Eyring kamakailan, “Mailalarawan ko ang aking ama sa tatlong salita: dalisay na layunin.” Tiyak na sasang-ayon ang lahat ng nakakilala rito sa bagong Pangalawang Tagapayo kay Pangulong Russell M. Nelson, nakita siyang makihalubilo sa iba, o narinig siyang mangaral. Totoo ngang tila ang iba’t ibang dimensyon ng buhay ni Hal Eyring (ang tawag sa kanya ng kanyang pamilya at mga kaibigan) ay isang mahabang pagpapamalas ng isang napakadalisay na katangian, isang di-nagbabagong pagpapakita ng “dalisay na layunin”: na maging ayon mismo sa gusto ng Diyos na kahinatnan ng Kanyang mga anak kapwa sa salita at sa gawa.

Ang pamamaraan ni Pangulong Eyring sa pagsusulong ng mithiing iyon ay kasinglinaw at kasingsimple ng gawain mismo—ngunit mahirap pa rin! Mula sa kanyang pagkabata ngayon hanggang sa sumapit siya sa edad na 80s, pinagsikapan ni Hal na maging matwid sa harap ng Diyos sa masigasig na paghahangad sa—at kahandaang hindi kumilos kailanman nang walang—patnubay ng Espiritu Santo, isang makalangit na kasama na tutukuyin niya sa halos bawat pakikipag-usap niya, bawat desisyon sa pamamahala na ginagawa niya, o bawat pampublikong pahayag na sinasambit niya. Ang pinakamahalagang paraan ni Henry B. Eyring para marating ang kaluwalhatiang selestiyal ay ang magtamasa ng patnubay ng Espiritu Santo. Ito ay pagpapamalas ng kanyang tunay na pagpapakumbabang tulad ng bata. Ito ay katibayan ng kanyang natatanging espirituwal na kadalisayan.

Ang nakakatuwa, maraming may kabalintunaang aspeto sa kanyang buhay kaya mas kakaiba ang kadalisayan nito. Isinilang at ipinangalan sa chemist na maaaring magwagi ng Nobel prize, sinubukan ni Hal ang talino niya sa physics at chemistry ngunit pinili niyang kumuha ng kurso sa business, isang paksang malayung-malayo sa nakagawiang pag-aralan ng mga Eyring. Dahil napakayaman nila, pinili nila ng kanyang asawang si Kathleen na mamuhay nang disente at matipid sa kanilang buong pagsasama—at paminsa-minsa’y nahirapan sila (ayon sa nakakatawang ulat ng kanilang mga anak). Pormal na nag-aral sa isa sa mga pangunahing unibersidad sa Estados Unidos, matagal na naging ganap na propesor sa isa pa, at naging visiting fellow sa ikatlo, walang hihigit sa edukasyong narating ni Hal nang medyo bata pa siya, subalit iniwan niya ang mataas na pinag-aralan at propesyonal na seguridad para mamuno sa halos di-kilalang dalawang-taon pa lang na kolehiyo (di-kilala ng sinuman at lahat ng kanyang kasamahan sa Harvard, Stanford, at MIT), isang paaralan na hindi pa niya nabisita kailanman—ang Ricks College—sa isang lungsod na hindi niya kayang ituro kaninuman—sa Rexburg, Idaho, USA.

Larawan
President Eyring sitting at a desk

Patuloy ang kadalisayan at kabalintunaan. May talinong higit pa sa mga karaniwang halimbawa ng katalinuhang iyon, ayaw umasa ni Pangulong Eyring sa kanyang sariling talento o mabuting pagpapasiya sa paggawa ng anumang desisyon tungkol sa mga bagay na may espirituwal na bunga. Matapang sa ganap na kahulugan ng salitang iyan kapag kailangan at matatag nang higit pa sa karaniwang kahulugan ng katatagan, ayaw niya talaga, tulad ng sabi ni Pangulong M. Russell Ballard (at ng sariling mga anak ni Pangulong Eyring), “na minamadali siyang magdesisyon o magpasiya ng gagawin nang walang ingat. Hindi siya kikilos kailanman sa anumang paraan na malalagay sa panganib ang Simbahan o sinumang pananagutan niya.”1

Ang isang huling halimbawa ng kadalisayan at kabalintunaan sa kaibuturan mismo ng kaluluwa ni Henry B. Eyring ay magbubuo sa integridad ng pambihirang lalaking ito:

Minsa’y kinailangang magbigay ni Pangulong Eyring ng sakramento sa isang grupo na hindi kayang sumama sa regular na pagdaraos ng ward sacrament miting. Bago niya itinuloy ang kabutihang-loob na iyon, tinawagan niya nang sunud-sunod ang bishop ng kanyang ward para humingi ng pahintulot na gawin iyon. Mangyari pa, kusang-loob at mapagmahal na pumayag ang bishop.

Binabanggit ko ang partikular na pangyayaring ito sa isang dahilan. Siguradong malinaw sa lahat ang aral na ito. Ito ay isang miyembro ng Unang Panguluhan ng Simbahan na nagtatanong. Ito ay isang inorden na Apostol, isang taong mayhawak sa lahat ng susi ng priesthood na maaaring hawakan ng sinumang tao dito sa lupa. Ito ay isang maaaring gumabay at gumagabay sa bawat priesthood leader ng ward at stake sa Simbahan, kabilang na ang bishop ng kanyang sariling ward sa Bountiful, Utah, USA. Ito ay isang may awtoridad sa lahat ng susi na maaaring sumakop sa sinumang lokal na lider at bilang isang namumunong opisyal ng Simbahan ay madalas niyang kailanganing gawin iyon. Ngunit sa dalisay na pusong naglalarawan sa lahat ng kanyang ginagawa at ang kabalintunaang hindi lahat ay handang-handang ipamalas, ito si Pangulong Henry B. Eyring na masusing sinusunod ang protocol na itinatag para sa bawat karaniwang miyembro ng Simbahan saanmang dako ng mundo, na mapagkumbabang ipinapahayag ang kanyang kahilingan sa harap ng hinirang ng Panginoon at handang-handang tumanggap ng payo at sumunod sa desisyon ng kanyang lokal na lider.

Ang Pundasyon ng Kanyang Pananampalataya

Larawan
Eyring family photo

Maagang nagsimula ang saganang espirituwalidad at malinaw na kadalisayan ng pananampalataya ni Pangulong Eyring. Isinilang kina Henry at Mildred Bennion Eyring noong Mayo 31, 1933, noong si Henry Sr. ay isang bantog na propesor sa Princeton University, lumaki si Hal sa isang rehiyon kung saan kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan kaya idinaos ng mga Eyring sa kanilang tahanan ang mga miting ng Simbahan tuwing Sabbath. Kalaunan ay magbibiro si Pangulong Eyring na sila lang ng nakababata niyang kapatid na si Harden ang nasa Primary ng branch, at si Kuya Ted lang nila ang nasa Young Men. Ang ina nilang si Mildred ang piyanista at tagakumpas, bagama’t hindi niya gaanong maalala kung paano nito sabay na ginawa iyon.

Hindi nakahadlang sa pagtatamo ng patotoo ni Hal ang mapunta sa isang maliit na ward. “Natutuhan ko noon,” paggunita niya, “na ang Simbahan ay hindi isang gusali; ang Simbahan ay hindi rin ang maraming tao. Napalapit ako sa Ama sa Langit at nalaman ko [kahit noon] na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Kanyang Simbahan; hindi na mahalaga kung nagpupulong ang aming maliit na branch sa komedor namin.”

Noong 13 anyos si Hal, tumanggap ng mataas na puwesto ang kanyang ama sa University of Utah. Dumalo ang nakababatang Henry sa early-morning seminary at nakatuwaan niyang maglaro sa basketball team nila sa high school, ngunit inamin niya na hindi siya nagkaroon ng matatalik na kaibigan kailanman.

Habang naaawa sa sarili isang araw, nakatanggap siya ng impresyon na magpapabago sa kanyang buhay. Nadama niya na isang babala iyon mula sa Diyos: “Balang-araw, kapag alam mo na kung sino ka talaga, magsisisi ka na hindi mo ginamit nang mas mabuti ang oras mo.” Tumugon siya sa pahiwatig na iyon sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon nang ilang beses noong tinedyer siya. Nadama rin niya na ginabayan siya ng aklat ni President David O. McKay na Gospel Ideals, na nagturo sa kanya, higit sa lahat, kung paano tratuhin nang angkop ang mga babae, isang debosyon na habambuhay niyang ipapakita sa kanyang pinakamamahal na asawang si Kathleen.

Isang Pangarap na Nagkatotoo

Bata pa si Hal, ang pinakamatinding pangarap niya ay makapag-asawa at makabuo ng pamilya. Dahil napakadalas niyang maisip ang kinabukasan ng kanyang magiging mga anak, binigyan na niya silang lahat ng palayaw na “The Redheads,” na iniisip na pula ang magiging buhok nila na katulad ng kanyang ina.

Nagkatotoo ang pangarap na ito sa huli nang maglingkod siya bilang tagapayo sa Boston District presidency, isang calling ni Hal sa Simbahan habang nag-aaral siya sa graduate school sa Harvard University pagkatapos niya ng kolehiyo sa University of Utah. Nang mag-aral siya ng doctorate noong tag-init ng 1960, kinatawan ni Hal ang district presidency sa isang single adult devotional na idinaos sa Cathedral of the Pines sa southwest New Hampshire, USA, isang kilalang outdoor amphitheater sa rehiyon. Sa kaganapan nakita niya ang isang dalagang naka-pula at puting damit at humanga siya sa dalisay na kabutihang nabanaag niya rito. Naisip niya, “Siya ang pinakamabuting taong nakita ko. Kung makakasama ko siya habang ako’y nabubuhay, magiging napakabuti kong tao.”

Ang dalaga ay si Kathleen Johnson na taga-Palo Alto, California, USA, na walang planong magpunta sa New England sa tag-init na iyon ngunit, sa pagpipilit ng kanyang kaibigan, sabay silang nag-aral sa Harvard noong tag-init na iyon. Kasunod ng outdoor devotional na iyon, gumawa ng paraan si Hal para makilala si Kathy sa simbahan isang araw ng Linggo at natuwa nang marinig na mahilig itong maglaro ng tennis. Ilang beses sa isang linggo naglalaro ng tennis si Hal kasama ang isang kaibigan sa kolehiyo at likas na mahusay siyang atleta, kaya inakala niya na ang paglalaro ng tennis ay napakagandang gawin sa unang pagdedeyt para mapahanga niya ito nang husto. Ang hindi sinabi sa kanya ni Kathleen ay na siya ay naging kapitan ng kanyang high school tennis team! “Inilampaso niya ako,” reklamo pa rin ni Hal tungkol sa paglalaban nila. Ito ang una sa pambihirang mga halimbawa ng kanyang magiging asawa sa pamumuhay nang mapagkumbaba at pagtulong sa kanyang asawa na gawin iyon.

Larawan
Eyring wedding photo

Isang Bagong Landas

Pagkatapos ng kanilang kasal at ng paghirang kay Hal kalaunan sa faculty ng business school sa Stanford University, isang hatinggabi noong Disyembre 1970, ilang buwan lang bago na-release si Hal bilang bishop ng student ward sa Palo Alto, biglang nagtanong si Kathy. Nang humiga sa kama si Hal pagkaraan ng nakakapagod na maghapon, sumandal si Kathy at nagtanong, “Sigurado ka bang ginagawa mo ang dapat mong gawin sa propesyon mo?”

Nagulat si Hal sa tanong nito. Parang perpekto naman ang lahat sa buhay nila. Para namang may pag-asa at maaliwalas ang hinaharap, pati na ang pangarap na bahay ng mga Eyring na kamakailan lang ay ibinalangkas ni Hal sa kanyang journal. Kabibilangan ito ng mga detalyeng katulad ng “isang kuwarto para sa mga proyekto, na sapat ang laki at gulo para pagkumpunihan at pag-imbakan ng kayak,” kasama ng “kahit limang saksakan ng kuryente man lang sa may mesa sa kusina” at “isang kubol o tagong bihisan ng mga swimmer para sa pagsusulat.”

“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ni Hal sa asawa.

“Hindi ka ba makakagawa ng mga pag-aaral para kay Neal Maxwell?” mungkahi niya, na tinutukoy ang bagong Commissioner of Education ng Simbahan. Nagulat si Hal dito. Minsan lang niya nakadaup-palad si Neal A. Maxwell, at alam niya na ni hindi pa ito nakikilala ni Kathleen. Sinikap niyang ipaliwanag sa asawa kung bakit hindi bagay sa kanya ang magbago ng propesyon, subalit iginiit nito na ipagdasal man lang niya iyon. Ginawa niya ito kaagad, lumuhod sa tabi ng kama at nag-alay ng isang maikling panalangin. Nang walang dumating na sagot, naging desidido na si Hal sa bagay na iyon at agad nang natulog.

Gayunman, kinaumagahan, nakatanggap si Hal ng dalawang malilinaw na espirituwal na pahiwatig na magpapabago sa takbo ng kanyang propesyon at buhay magpakailanman. Isinulat niya ito pareho sa kanyang journal. Una, “Huwag gamitin ang sarili mong pagpapasiya para mawala ang mga pagkakataong ibinigay sa iyo: ipagdasal ang lahat ng ito nang may bukas na isipan.” At ikalawa, “Gampanang mabuti ang mga tungkuling ibinigay sa iyo sa Simbahan at ang iyong propesyon hangga’t kaya mo; paghahanda ang mga ito.”

Dumating ang unang impresyon na parang isang pangaral na susundin ni Hal sa kanyang buhay magpakailanman. Matapos tanggihan dati ang tatlong iba’t ibang alok na trabaho nang hindi ipinagdarasal ang mga ito, pumasok sa kanyang isipan ang mga salitang, “Huwag mo nang ulitin ang pagkakamaling iyon kailanman. Hindi mo alam kung ano ang kauuwian ng propesyon mo.”

Dahil sariwa pa rin sa kanyang isipan ang espirituwal na patnubay na ito, handa na si Hal nang wala pang tatlong linggo kalaunan, tumawag si Commissioner Maxwell para mag-iskedyul ng miting nila sa Salt Lake City. Agad ipinaliwanag ni Brother Maxwell ang layunin ng miting. “Gusto kong gawin kang pangulo ng Ricks College,” sabi nito. Sumagot si Hal na kailangan niyang ipagdasal ito. Nagdasal nga siya at ang maikling sagot sa kanya ay, “Iyan ang paaralan ko.” Sabi nga nila, alam na ninyo ang nangyari. Ang kanyang paglilingkod sa Simbahan mula noon ay naging huwaran at kapansin-pansin, hanggang sa maglingkod siya bilang Deputy Commissioner of Education at pagkatapos ay Commissioner (dalawang beses), at sinundan ng mga tawag sa Presiding Bishopric, Korum ng Pitumpu, Korum ng Labindalawang Apostol, at bilang tagapayo sa tatlong Pangulo ng Simbahan.

Larawan
President Eyring with President Hinckley

Retrato kasama si Pangulong Hinckley at ang asawa niyang si Kathy, mula sa Deseret News; retrato mula sa parada na kuha ni Tom Smart, Deseret News

Ngunit ang tunay na kahulugan para kay Hal, walang calling sa Simbahan na mas mahalaga para sa kanya kaysa iba: “Ang mga problema sa bawat aspeto ng buhay ay maaaring mag-udyok sa atin na tanggihan o balewalain ang mga tawag na maglingkod sa Tagapagligtas,” pagtuturo ni Pangulong Eyring. “Ang ilan sa mga tungkuling iyon ay tila hindi mahalaga, ngunit ang buhay ko, at ang pamilya ko, ay napabuti dahil tinanggap ko ang tungkuling magturo sa deacons quorum. Nadama ko ang pagmamahal ng mga deacon na iyon sa Tagapagligtas at ang pagmamahal Niya sa kanila.”2

Isang panghuling kabalintunaan: Halos wala akong maisip na sinumang kilala ko na mas galit at ayaw sa karahasan kaysa sa kaibigan kong si Henry B. Eyring. Subalit nagtapos siya bilang nangungunang ROTC cadet sa klase niya sa University of Utah at naglingkod sa kanyang bayan nang may karangalan sa United States Air Force. Kung may kailangang magpunta sa digmaan—at siguradong nakasama tayo sa isa na nagsimula sa mga kapulungan ng langit—gugustuhin ninyo, una sa lahat, na mapamunuan ng isang taong napopoot sa mismong ideya ng digmaan. Ngunit kung magkaroon ng (espirituwal) na digmaan, isasamo ninyo sa pinunong iyon na mag-isip nang malinaw, maging matalino, sukatin ang bawat taktikal at planadong opsiyon laban sa inihayag na doktrina, at mabuhay para sa at maghangad ng patibay ng Espiritu Santo sa bawat desisyong ginawa niya. Ang gayong kakaibang pagtatanggol sa sagrado sa isang digmaan laban sa anumang di-banal o mahalay ay nagpapamalas ng marahil ay tunay na kadalisayan ng kung minsa’y tila may kabalintunaang buhay ni Henry B. Eyring. Ipagmamalaki kong makapaglingkod sa kanyang flight crew, sakay ng kanyang battleship, o sa kanyang hinukay na kanlungan.

Mga Tala

  1. Personal na liham, Abr. 25, 2018.

  2. Henry B. Eyring, “Sa Aking mga Apo,” Liahona, Nob. 2013, 69.