2018
Pagkaraan ng Hurricane Maria
Setyembre 2018


Pagkaraan ng Hurricane Maria

Brianne Anderson

Virginia, USA

Larawan
hurricane

Paglalarawan ni Janice Kun

Lumipat kami ng pamilya ko sa isla ng Dominica sa Caribbean noong Agosto 2016. Nagustuhan namin kaagad ang ganda, kultura, at mga tao ng isla. Dumalo kami sa lokal na branch at marami kaming natutuhan mula sa mga miyembro doon.

Pagsapit ng Lunes, Setyembre 18, 2017, isang Category 5 na buhawi, Maria, ang tumama sa aming munting isla. Minasdan naming mag-asawa ang mga bahay at sasakyang inihagis ng malakas na bagyo sa kalye. Nagdaan ang nagngangalit na Hurricane Maria sa mismong ibabaw ng isla, at nakapanlulumo ang pangwawasak nito. Kinabukasan pagkatapos ng bagyo, naglakad-lakad kami sa mga kalye at nakita namin na ang malago at makulay na kagubatan ng Dominica ay nagmukha nang basura.

Noong umaga ring iyon, naglakad kami papunta sa bahay ng mga kapwa miyembro ng branch. Dalawang bahay lang ang hindi napinsala at maaaring tirhan. Nawalan ng lahat ang anim sa walong pamilyang miyembro na nakatira sa hilagang bahagi ng isla. Walumpung porsiyento ng mga bahay at gusali sa Dominica ay idineklarang hindi angkop na tirhan. Sa kabila ng trahedyang ito, marami pa ring pamilyang nakangiti. Nang kumustahin namin sila, sumagot sila ng, “Mapalad kami at buhay pa kami.”

Dahil sinunod ng pamilya namin ang payo ng propeta na umasa sa sarili, nag-imbak kami ng pagkain. Marami kaming napakaing kapitbahay, missionary, at miyembro ng aming branch. Sa bawat kainan, nagpakain kami ng humigit-kumulang 20 tao. Nang gamitin namin ang aming imbak na pagkain para paglingkuran at arugain ang mga nasa paligid namin, gumaan ang sarili naming mga pasanin.

Ang karanasang ito ay nagpaalala sa akin kay Alma at sa kanyang mga tao, na ang kanilang “mga pasanin … ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan” (Mosias 24:15).

Kahit wala pa rin kaming suplay ng tubig, kuryente, at pang-araw-araw na kaginhawahan, pinalakas kami upang makapanaig at matulungan ang iba. Sa mga buwan mula nang manalasa ang Hurricane Maria, natanto ko na bagama’t mahalagang maging handa sa temporal, kailangan din nating maging handa sa espirituwal. Kapag sumunod tayo at pinalakas natin ang ating patotoo sa pagsampalataya kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng matatag na pundasyon na hindi babagsak kahit humampas ang mga hangin at unos ng buhay sa ating paligid.