2018
Ang Pakikipaglaban para sa Inyong Kalayaan
Setyembre 2018


Ang Pakikipaglaban para sa Inyong Kalayaan

Mahalagang ipaglaban ang inyong kalayaan.

Larawan
bird flying out of a cage

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagdudulot ng kalayaan. Para sa isang tao na wala pang patotoo tungkol sa katotohanang iyon, baka nakalilito ang gayong pahayag. Kunsabagay, kung nilapitan kayo ng isa sa mga kapitbahay ninyo at may iniabot sa inyo na listahan ng mga bagay na kinailangan ninyong gawin (o hindi ninyo kayang gawin), baka madama ninyo na parang kulang ang inyong personal na kalayaan.

Gayunpaman, talagang nagiging malaya kayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos—malaya sa mga negatibong bunga ng pagkakasala at malayang magtamasa ng mga pagpapalang dulot ng kabutihan.

Gayunman, ang pagsuway sa mga utos ng Diyos ay humahantong sa pagkabihag. Ang isang ibig sabihin ng pagkabihag ay kawalan ng kalayaan. Mahirap gumawa ng maraming pagpapasiya sa buhay ninyo kung kayo ay bihag.

Alam natin mula sa mga banal na kasulatan na si Satanas ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3) sa premortal na buhay. Alam din natin na natalo siya sa labanang iyon at na kayo ang nanalo.

Ang nakakalito ay na patuloy na sinusubukan ni Satanas na nakawin ang ating kalayaan. Ngunit huwag matakot. Maaari din kayong manalo sa labanang ito.

Pamumuhay sa Pagkabihag

Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Jesus, “Kinakailangan kayong mag-ingat at laging manalangin, na baka kayo ay matukso ng diyablo, at maakay niya kayong palayo na bihag niya” (3 Nephi 18:15).

Tila nakakatakot ang maging bihag ng diyablo! Ngunit kapag inisip nga ninyo ang gayong kapalaran, mas madalas ba ninyo itong iugnay sa huling paghuhukom? Ang totoo, may mas naunang klase ng ganitong pagkabihag. At kadalasan ay hindi ito halata.

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga tao ay maaaring maalipin o mailagay ang sarili nila sa pagkabihag hindi lamang sa nakasisira, nakalululong na mga sangkap kundi maging sa nakasisira, nakalululong na mga pilosopiya na lihis sa matwid na pamumuhay” (“Mga Panaghoy ni Jeremias: Mag-ingat sa Pagkaalipin,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2013).

Madaling maunawaan ang pagkaalipin sa mga nakalululong na sangkap gaya ng nakapipinsalang mga droga o nikotina. Ngunit paano naman ang pagkaalipin sa nakaugaliang pagsisinungaling? Sa iisang kasinungalingan lang, madali nang mabihag sa sarili mong bitag.

Paano naman ang pagkaalipin sa pagkamagagalitin o pagtsitsismis?

O ang simpleng hindi paggawa ng araw-araw na mabubuting gawain (pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, atbp.) na hinihiling sa atin ng Diyos? Humahantong din ba iyan sa kawalan ng kalayaan?

Oo naman. Narito ang isang ibig sabihin nito. Ano ang nangyayari sa mga atleta o musikero kung lubos silang titigil sa pag-eensayo? Sagot: agad silang nawawalan ng kakayahang maglaro o tumugtog nang napakahusay. Kahit mukhang hindi iyon kawalan ng kalayaan, gayon talaga iyon. Ang atleta o musikerong hindi pinagbubuti ang kanilang kasanayan ay hindi na makakagawa ng maraming pagpapasiya kung paano gagamitin ang kasanayang iyon. Sa paghina ng kanilang mga kakayahan, mas kakaunti na ngayon ang magagawa nila kaysa rati. Nababawasan ang mga opsiyon nila.

Sa gayon ding paraan, talagang hindi ninyo maaabot ang inyong potensyal nang walang patnubay ng Espiritu Santo. Kailangan ninyo ang tulong Niya sa bawat araw. Isa ito sa mga pinakadakilang kaloob na maaasam ninyong matanggap sa buhay na ito, at matatamo ninyo iyan sa araw-araw na matwid na pumumuhay.

Pagkakarooon ng Tunay na Kalayaan

Itinuro ni Apostol Pablo, “Sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: magsitibay nga kayo, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin” (Mga Taga Galacia 5:1). Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Haring Benjamin, “At sa ilalim ng pangalang ito, kayo ay ginawang malaya, at walang ibang pangalan kung saan kayo ay kayang gawing malaya. Walang ibang pangalang ibinigay kung saan ang kaligtasan ay darating; kaya nga, nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo” (Mosias 5:8).

Ang tunay na kalayaan ay nagmumula sa pagsunod kay Cristo. Kaya piliing maging malaya!