2018
Ikaw ba ay Isang Maaasahang Kaibigan?
Setyembre 2018


Ikaw ba ay Isang Maaasahang Kaibigan?

Ang awtor ay miyembro ng suicide-prevention committee ng Simbahan.

Ano ang ginagawa mo para ipakita sa mga kaibigan mo na nariyan ka para sa kanila?

Larawan
safety pin friend

Mga larawang kuha mula sa Getty Images

Nang mawala si Abel, tinanong ng Panginoon ang kapatid niyang si Cain kung nasaan siya. “Ako ba ay tagapagbantay ng aking kapatid?” sagot ni Cain.

Sa madaling salita, ang sabi lang ni Cain, “Malay ko? Hindi ko trabahong bantayan siya.”

Sa kabilang dako, ibang-iba ang mensaheng itinuro sa atin ni Jesucristo tungkol sa pangangalaga sa iba. Sabi Niya, dapat nating tratuhin ang iba sa paraang gusto nating tratuhin nila tayo, kabilang na ang pagtulong, pangangalaga, at pagbabantay sa isa’t isa (tingnan sa Lucas 6:31).

May mga tao sa paligid mo na may pinagdaraanan. Maaaring ikaw mismo ay may pinagdaraanan din. Ano man ang sitwasyon, makakagawa ka ng kaibhan sa pamamagitan ng pagpiling sundin si Jesucristo.

Maaasahang mga Kaibigan

Isang grupo ng magkakaibigan ang nakahanap ng pambihirang paraan para matulungan ang isa’t isa. Magkakaiba ang sitwasyon at kalagayan ng kanilang mga pamilya, ngunit may malasakit silang lahat sa isa’t isa at gusto nilang patibayin ang kanilang pagkakaibigan.

Ang isa sa magkakaibigan ay may malaking problema sa tahanan. Sinabi niya sa kanila na kung minsa’y hinihiling niya na sana’y maglaho na lang siya ngunit itinago niya ang kanyang damdamin sa likod ng isang ngiti dahil nag-alala siya na baka husgahan siya ng iba.

Gustong ipaalam sa kanya ng mga kaibigan niya na maaasahan niya sila at na mas maganda ang mundo dahil naroon siya. Kaya nakaisip sila ng isang plano: magkakabit sila ng pardible sa damit nila. Nagkabit ng pardible sa damit ang bawat isa sa kanila bawat araw para ipaalala sa kanya, at sa isa’t isa, na bubuo sila ng maaasahan, sigurado, at mapagkakatiwalaang pagkakaibigan—at na gusto nilang manatiling malapit sa isa’t isa.

Makalipas ang ilang taon, naaalala pa rin ng dalagang ito ang maaasahan niyang mga kaibigan at nagpapasalamat sa seguridad na nadama niya batid na nagmamalasakit sila sa kanya.

Ano ang Magagawa Mo?

Hindi, hindi mo kailangang magkabit ng pardible para suportahan ang mga kaibigan mo. Ngunit maitatanong mo sa sarili mo kung ano ang magagawa mo para mabantayan ang mga kaibigan mo, mapalakas ang mga nahihirapan, at maging isang maaasahang kaibigan ng sinumang nangangailangan ng tulong mo.

“Sa lahat ng tao, tayo dapat ang mas marunong magmahal sa mga tao sa halip na manghusga sa kanila. Sa lahat ng tao, tayo dapat ang mas marunong makisama,” sabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol. “‘[Mahabag, at gumawa ng kaibhan]’ (Judas 1:22)—iyan ang dapat nating gawin.”1

Kaya ano ang magagawa mo para matulungan ang mga tao sa paligid mo? Nasa ilalim ang ilang ideyang makakatulong sa iyong pagkamalikhain:

  • Magdasal at humingi ng tulong sa Diyos. Parang simple ito, ngunit maaari itong maging mabisang kasangkapan. Kilalang-kilala ng Diyos ang mga kaibigan mo. Kilalang-kilala ka ng Diyos at matutulungan kang maging isang mahabaging kaibigan.

  • Antabayanan ang mga palatandaan na maaaring may pinagdaraanan ang mga kaibigan mo.

  • Humanap ng maliliit at personal na pagkakataong makapaglingkod. Tulad ng sinabi minsan ni Sister Linda K. Burton, Relief Society general president, “Magmasid muna at pagkatapos ay maglingkod.”2 Ano ang napapansin mo sa mga kaibigan mo? Ano ang kanilang mga gusto at hindi gusto? Ano ang kailangan nila? Pagkatapos ay matutulungan mo ang isang tao sa kakaiba at personal na paraan.

  • Tandaan na ang pagiging mapagmahal at mapagsuportang kaibigan ay hindi nangangahulugan na responsable ka sa mga ikinikilos ng iba. Hindi rin ikaw ang responsable sa kaligayahan nila.

  • Mag-isip ng isang nakakatuwang bagay na magagawa ninyong magkakaibigan, gaya ng pagkakabit ng pardible, para ipaalala sa bawat isa na maging mapagsuporta. Ang ilang kabataan ay gumawa ng kakatwang mga medyas at nangakong “magkaroon ng tapang, kabaitan, at silbi [seekers of courage, kindness, and service]” (na may acronym sa Ingles na socks). Nag-usap-usap din ang isa pang grupo na gumamit ng mga kulay na nagpapahayag ng kanilang nadarama. Kung matingkad na “lila” ang nadarama ng isa, halimbawa, alam ng iba pang mga kaibigan na kailangan ng taong iyon ng dagdag na pagmamahal.

  • Huwag limitahan ang mga kaibigan mo! Kinaibigan ni Jesus ang mga taong kinamuhian ng iba sa mundo. Kapag gumawa ka ng hakbang para kaibiganin ang iba—lalo na ang mga nahihirapang makipagkaibigan—sinusunod mo ang Kanyang halimbawa.

Mahirap ang buhay kung minsan. Ngunit malakas ka, at makapangyarihan. Ang kabaitan at pagiging maalalahanin mo ay maaaring magpabago sa buhay ng iba. Kailangan ka ng mga kaibigan mo! Hangarin ang patnubay ng Panginoon, at susuportahan ka Niya sa mga pagsubok mo at tutulungan kang gawing mas maganda ang mundo.

Mga Tala

  1. Interbyu kay Elder Renlund noong Ene. 23, 2018.

  2. Linda K. Burton, “Magmasid Muna at Pagkatapos ay Maglingkod,” Liahona, Nob. 2012, 78.