2018
Mga Embahador ng Pag-asa: Pagtutulungan para Mahadlangan ang Pagpapakamatay
Setyembre 2018


Mga Embahador ng Pag-asa: Pagtutulungan para Mahadlangan ang Pagpapakamatay

Mapapalakas ninyo ang inyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng liwanag at pag-asa ni Jesucristo.

Larawan
youth holding hands in a circle

Mga larawang kuha ni Mason Coberly at sa kagandahang-loob ni Cydney LeMone

Sa mga diplomatiko, kinakatawan ng mga embahador ang kanilang bansa sa ibang grupo ng tao. Ngunit kayo ay maaaring maging embahador kahit wala kayong pasaporte! Sa mundo na kung minsa’y tila napakasama, maaari kayong maging embahador ng pag-asa at liwanag. Tanungin na lang ninyo si Jackson L., (kaliwa, na nakasuot ng brown na pantalon), mula sa Utah, USA, na miyembro ng HOPE Squad—isang peer-to-peer suicide prevention program—sa paaralan nila. Sa pamamagitan ng organisasyong Hope4Utah, natuto siyang kumilala ng mga babala, maging kaibigan, at maghatid ng pag-asa sa kanyang paaralan.

Kailangan Namin KAYO

“Talagang nabuksan ang mga mata ko sa pagsapi sa HOPE Squad,” sabi ni Jackson. “May mga kaklase, kaibigan, at miyembro ng pamilya na may problema.”

Larawan
HOPE squad

Natutuhan ni Jackson na kahit hindi siya ang responsable sa mga desisyon ng kanyang mga kaibigan, may magagawa siya para matulungan silang malagpasan ang isang mabigat na problema. Makikita sa mga pag-aaral na 7 sa 10 tinedyer na nalulungkot o nag-iisip na magpakamatay ay sasabihin ito sa isang kaibigan bago kausapin ang isang matanda.1 Ibig sabihin, malaki ang maitutulong ninyo sa inyong mga kaibigan.

Tulad ng sabi ni Sister Carol F. McConkie, dating Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “May responsibilidad tayo sa tipan na pangalagaan ang isa’t isa, magtulungan at sabay-sabay na tumahak sa landas na ito. Sa madaling salita, bitawan ang phone at alamin kung sino ang nangangailangan ng tulong ninyo.”2

Hindi ninyo kailangang sumapi sa isang pormal na organisasyon para makagawa ng kaibhan sa paaralan o sa mga kaibigan ninyo. Narito ang mga tip na makakatulong anumang oras, kahit saan.

Ano ang Gagawin

Larawan
reaching out hands

Para maging isang embahador ng pag-asa, sikaping kilalanin, makipagkaibigan, at magreport.

  1. Kilalanin ang mga palatandaan na nangangailangan ng tulong ang isang tao.3 Antabayanan ang mga taong:

  • Nalulungkot o nawawalan ng pag-asa.

  • Walang ingat kung kumilos.

  • Lumalayo sa mga kaibigan at aktibidad.

  • Namimigay ng mahahalagang pag-aari.

  • Dumaranas ng mabibigat na sitwasyon gaya ng kawalan, malalaking pagbabago sa buhay, pang-aapi, atbp.

  • Nag-iiba ang nakaugalian sa pagtulog, pagkain, o pangangalaga sa sarili.

  • Bumabanggit o nagpaplanong magpakamatay—na nagsasabi ng katulad ng, “Sana hindi na lang ako ipinanganak” o “Mas mapapabuti ang lahat kung wala ako.”

  1. Makipagkaibigan. Bahagi ng pagiging embahador ang pakikipagkaibigan sa iba. Maghanap ng oras na magkakausap kayong magkaibigan nang hayagan. Maaaring mag-alala kayo na baka lumala pa ang sitwasyon kung babanggit kayo tungkol sa pananakit sa sarili o pagpapakamatay, pero hindi iyan totoo. Kapag malakas ang loob ninyong sabihin ang dapat sabihin, ang totoo’y pinapahaba ninyo ang buhay ng tao at ipinapaalam ninyo na nagmamalasakit kayo sa kanila.

    “Huwag matakot na tanungin ang isang kaibigan kung may problema siya,” sabi ni Dr. Greg Hudnall, isang suicide prevention expert at founder ng Hope4Utah. “Magsalita nang diretsahan, ngunit huwag magsermon o manghusga.” Inirerekomenda niyang gamitin ang “ako” para ipahayag ang sarili ninyong pananaw, na ang dating ay pagmamalasakit sa halip na pagsesermon. Halimbawa: “Napansin ko sa klase kanina na may problema ka. OK ka lang ba? Iniisip mo bang saktan ang sarili mo?”

    Ipagdasal na tulungan kayo ng Espiritu na malaman kung ano ang sasabihin. Kung iniisip ng mga kaibigan ninyo na magpakamatay o may iba pa silang mabibigat na hamon gaya ng depresyon o pagkaligalig, huwag silang sabihan na pigilan ang damdaming iyon! Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang paraan ng pagkausap sa isang taong malusog at siguro’y nalulungkot lang sandali ay iba kaysa pakikipag-usap natin sa isang tao na maysakit sa pag-iisip.” Inirerekomenda niya na sabihin ang gaya ng, “Hindi ka nag-iisa. Narito kami. Tutulungan ka naming malagpasan iyan.”

    At alalahaning talagang makinig sa halip na magplano kung ano ang susunod ninyong sasabihin. Tulad ng sabi ni Elder Renlund, “Mas mahalaga sigurong hayaan silang sabihin at ipaliwanag ang nadarama nila, at hikayatin silang magsalita, kaysa payuhan sila.4

  2. Magreport. Kapag nalaman ninyo na may problema ang kaibigan ninyo, baka matukso kayong sarilinin ang mga alalahaning iyan. Baka nga pakiusapan pa kayo ng inyong kaibigan na huwag sabihin iyon sa iba. Ngunit sinasabi ng mga embahador ang dapat sabihin! Mag-alok na samahan silang makipag-usap sa isang pinagkakatiwalaang matanda, gaya ng isang magulang, school counselor, o lider ng simbahan. Pakonsultahin sila sa inyong national suicide help line o crisis text line. Kung nagbabanta silang saktan ang kanilang sarili o ang iba, dalhin sila sa isang ospital o tumawag sa emergency services, at samahan sila hanggang sa makakuha ng propesyonal na tulong. Kung malayo sila sa peligro, maghanap ng mga paraan para makasama at masuportahan sila. “Lumikha ng mga oportunidad na makabahagi sila sa isang aktibidad,” sabi ni Dr. Hudnall, “Subukan silang anyayahang sumama sa inyo sa isang aktibong gawain, gaya ng pagtakbo, pagbibisikleta, o swimming. Mainam ang mga pisikal na aktibidad dahil makakabuti ito sa pakiramdam.

Larawan
consoling a friend

Huwag Maliitin ang Inyong Kakayahan

Isipin sandali kung gaano kalaki ang magiging kaibhan ng mundo kung may mapagsuportang kaibigan ang bawat tao. Hindi natin maililigtas ang buong mundo, ngunit maaari nating kaibiganin ang mga nangangailangan ng kaibigan.

Hinimok tayo ni Sister McConkie na maging “handang dagdagan ang inyong mga kaibigan” at “tanggapin ang iba, kahit maaaring naiiba sila sa inyo.” Binanggit niya na ang pakikipagkaibigan sa isang tao ay maaaring makagawa ng kaibhan sa pagitan ng pagsulong nila nang may pag-asa o paggawa ng isang bagay na nakapipinsala, tulad ng pagpapakamatay. “Gumawa ng kaibhan,” paghikayat niya. “Ganyan kalaki ang kakayahan ninyong gumawa ng kabutihan.”

Sa pakikipagkaibigan, sinusundan ninyo ang halimbawa ng pinakadakilang pinagmumulan ng pag-asa: si Jesucristo.

“Sabi sa amin ng HOPE Squad adviser, kami ay ‘mga embahador ng pag-asa,’” sabi ni Jackson. “Gusto ko iyon, dahil hindi lang kami mga embahador ng pag-asa kundi embahador din kami ni Jesucristo. Sa huli, Siya ang ating pag-asa.”

Kapag nagpakita tayo sa iba ng pagmamahal na tulad ni Cristo, matutulungan natin silang makasumpong ng pag-asa at paggaling.

“Alam ko na kung narito si Jesucristo sa lupa, kakaibiganin Niya ang iba tulad natin,” sabi ni Jackson. “Napapanatag akong malaman na ginagawa ko ang gagawin Niya.”

Mga Tala

  1. Tingnan sa “What Are Hope Squads?” Hope4Utah, hope4utah.com/hope-squad.

  2. Interbyu kay Sister McConkie noong Ene. 19, 2018.

  3. Tingnan sa “The Warning Signs of Suicide,” Befrienders Worldwide, befrienders.org/warning-signs, and “Suicide: What to Do When Someone Is Suicidal,” Mayo Clinic, mayoclinic.org/diseases-conditions/suicide/in-depth/suicide/art-20044707.

  4. Interbyu kay Elder Renlund noong Ene. 23, 2018.