2018
Jet Lag at ang Word of Wisdom
Setyembre 2018


Jet Lag at ang Word of Wisdom

Andrew Lee

New Taipei City, Taiwan

Larawan
cup on saucer

Paglalarawan ni Allen Garns

Ilang beses sa isang taon, kailangan kong maglakbay mula Taiwan hanggang San Francisco, California, USA, para sa training sa trabaho ko. Ang problema sa paglalakbay sa pagitan ng dalawang lugar na ito ay ang 15 oras na pagkakaiba ng oras. Dahil sa jet lag gusto kong matulog sa araw, at buong magdamag akong gising.

Dumadalo ang mga kasamahan ko mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa mga training na ito. Sinabi nila sa akin na nakayanan nila ang jet lag sa pag-inom ng kape para manatili silang gising at pag-inom ng red wine para makatulog sila.

Inalok ako ng ilang kasamahan namin ng mga inuming ito, pero magalang kong sinabi sa kanila na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nangako ako sa Panginoon na hindi ako iinom ng alak o kape. Tinukso ako ng ilan at sinabi na mas pinahirap ng mga kautusang iyon ang buhay ko. Kung minsan, pakiramdam ko kinukutya ako ng mga tao sa malaki at maluwang na gusali sa panaginip ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8:26–27).

Gayunman, sa paglipas ng panahon, nadama ko na nakakapagod nang sumunod sa Word of Wisdom. Isang gabi na hindi ako makatulog, natanto ko na nanghihina ang aking pananampalataya. Mabuti na lang, pinadalhan ako ng message ng asawa ko noong araw na iyon na hinihikayat akong panatilihin ang aking pananampalataya, umasa sa Diyos, at sundin ang Kanyang mga kautusan anuman ang sitwasyon. Dahil sa kanyang panghihikayat, nagsimula akong humingi ng tulong sa panalangin at nag-iba ang pananaw ko sa mga bagay-bagay.

Minsan sa isang biyahe, napansin kong nakadalawang-tasang kape ang isa naming kasamahan. Tinanong ko siya tungkol sa pangalawang tasa.

“Hindi sapat ang isang tasa para manatili akong gising,” sagot niya.

Nagulat ako nang mapansin ko na totoo rin iyon sa mga taong uminom ng alak. Kailangan nilang uminom ng mas marami para makatulog. Kung minsan, sobra ang tulog nila dahil sobra ang nainom nila.

Habang nakikita ko na mas umaasa sa alak at kape ang mga kasamahan ko, natanto ko kung gaano kahalagang sundin ang mga kautusan. Kung pinili kong suwayin ang Word of Wisdom, malamang ay gayon din ang naging sitwasyon ko.

Hindi lubusang nawala ang jet lag ko, ngunit bumuti na ang sitwasyon. Isang umaga, nagising ako matapos makatulog nang mahimbing sa gabi at nakita ko ang pagsikat ng araw. Nang pumasok sa bintana ang sinag ng araw, natanto ko na sa tulong ng Ama sa Langit, makakaya kong harapin ang anumang pagsubok, gaano man ito kalaki o kaliit. Kailangan ko lang patuloy na sumunod, panatilihing malakas ang aking pananampalataya, at magtiis hanggang wakas.