2018
Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya at mga Kuwentong Pampamilya
Setyembre 2018


Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya at mga Kuwentong Pampamilya

Mas matatag tayo sa harap ng mga pagsubok kapag pamilyar tayo sa mga hamon na nakaharap ng ating mga ninuno.

Noon pa man ay nakadama na si Rosalene Pacini ng espesyal na koneksyon sa kanyang lola-sa-tuhod na si Elizabeth Xavier Tait dahil sa nakalakhan niyang mga kuwento na punung-puno ng pananampalataya. Nabihag ng mga kuwento tungkol sa tiwala ni Elizabeth sa Panginoon nang maglakbay siya mula Bombay hanggang Liverpool patungong Sion, pati na ang kanyang pagtitiis sa masasakit na pagsubok, ang imahinasyon ni Rosalene noong bata pa siya.

Nagkaroon din ng papel ang mga kuwentong iyon sa paghahanda ni Rosalene na magkaroon ng pananampalataya at umasa roon nang maharap siya sa gayon ding mga hamon sa sarili niyang buhay.

Larawan
family photo

Pag-alis ng Bahay, Pagkawala ng Pamilya

Elizabeth, 1850s, Bombay, India

Si Elizabeth Xavier ay isang dalagang mataas ang pinag-aralan na hindi nahirapan sa buhay dahil mayaman at maharlika ang kanyang pamilya sa India. Ngunit nagkaroon siya ng hamon noong 1850 nang ikasal siya kay William Tait, isang regimental drill master sa British navy na nabinyagan ni Elder Parley P. Pratt sa Scotland.

Larawan
mother with baby

Paglalarawan ni Michael T. Malm

Ayaw na ayaw ng pamilya ni Elizabeth na magpabinyag siya. Ang problema sa hindi tiwasay na mga relasyon ay sinundan ng trahedya nang mamatay ang kanyang panganay na anak na lalaki dahil sa kolera. Pagkatapos, walong buwang buntis ngunit inaasam na makasama sa mga Banal at maging walang-hanggang pamilya, inutusan ni Elizabeth si William at ang kanilang pangalawang anak na lalaki na maghanda ng isang tahanan para sa kanilang pamilya sa Sion.

Nang isilang ang sanggol, nagmakaawa ang pamilya ni Elizabeth na talikuran niya ang kanyang asawa at relihiyon at manatili sa piling nila. Ngunit sa determinasyong sundin ang Tagapagligtas, tuluyan niyang iniwan ang kanyang pamilya at inang-bayan, at naglayag patungong Liverpool, England.

Rosalene, 2003, Colorado, USA

Si Rosalene ang bunsong anak sa isang malaking pamilya sa Enterprise, isang maliit na komunidad sa Southern Utah, USA. Nagkaroon siya ng maraming pagkakataong masaksihan ang kapangyarihan ng pananampalataya kay Jesucristo noong mga taon na nasa bahay siya at sa kanyang misyon. Matapos ikasal sa templo, nagkaroon si Rosalene ng pansariling karanasan na sumubok sa kanyang patotoo nang magsimulang magtrabaho ang kanyang asawa na mas lalong naglayo sa kanya sa kanyang pamilya.

Matapos lumipat sa estado ng Colorado, minasdan ni Rosalene mula sa malayo ang pakikibaka ng kanyang ina sa kanser hanggang sa pumanaw ito pagkaraan ng ilang taon.

Larawan
woman and boy standing in front of grave

Mga larawan MULA SA stock.adobe.com, at mula sa Getty Images

“Naging masaya sana akong nanirahan sa aking inang-bayan sa tabi ng mga magulang ko habang nabubuhay ako,” wika niya. “Nalungkot ako nang tumanda na ako at kailanganin kong lumayo. Napakasakit nang mawala ang nanay ko. Kahit ngayon, araw-araw akong nangungulila sa kanya.

“Kailangan kong maniwala na may mga araw na lubos na nangulila si Elizabeth sa kanyang pamilya. Ngunit nanalig siya kay Jesucristo at hinayaan niya ang Kanyang kapangyarihan na impluwensyahan ang kanyang buhay. Sapat na iyon para maging matatag siya. Ang kapangyarihan ding iyon ang nakatulong sa akin na umasa sa aking Ama sa Langit para sa lakas, malapit man o malayo ang aking pamilya sa lupa.”

Ang Tibo ng Kamatayan

Elizabeth, 1856, Liverpool, England

Sa mahabang paglalakbay-dagat mula India hanggang England, nagkasakit nang malubha ang sanggol na anak ni Elizabeth. Namatay ito at inilibing sa Liverpool. Kalauna’y sinabi ni Elizabeth na napakasakit na namatay ang kanyang anak kaya hindi niya alam kung paano pa siya magpapatuloy sa buhay. Lungkot na lungkot at nag-iisa, ngunit nabigyan ng pag-asa ni Elder Franklin D. Richards ng Korum ng Labindalawang Apostol, na naglilingkod bilang pangulo ng European Mission, naglayag si Elizabeth patungong Boston, Massachusetts, USA.

Rosalene, 2006, New York, USA

Nang makalipat ang lumalaking pamilya ng mga Pacini sa New York, maagang humilab ang tiyan ni Rosalene. Naisip ng mga doktor na operahan siya para ilabas ang sanggol dahil patuloy na humihina ang pintig ng kanyang puso. Ngunit nang mag-normal ang pintig ng kanyang puso, nakahinga nang maluwag at umuwi na ang pamilya.

Sa isang follow-up appointment makalipas ang ilang araw, walang mahanap na tibok ng puso ang doktor. Nailabas ang kanilang sanggol na lalaki makalipas ang ilang oras—na patay na.

“Napakasakit na namatay ang anak ko,” sabi ni Rosalene. “Lubos na naging hungkag ang pakiramdam ko nang kunin nila ang kanyang munting katawan mula sa aking mga bisig.”

Sumakay ng eroplano ang pamilya patungong Utah para ilibing ito sa tabi ng ina ni Rosalene. Ilang linggo pagkaraan, hindi makayanan ni Rosalene na umalis at magpatuloy sa buhay.

“Palagay ko nauunawaan ko nang kaunti kung paano naisip ni Elizabeth kung kaya pa niyang mabuhay,” sabi ni Rosalene. “Pero nakaya niya. Maaaring matagpuan nating lahat ang ating sarili sa lugar na iyon balang-araw sa ating buhay. Ngunit hindi tayo maaaring tumigil. Sumusulong tayo na umaasa sa ating Tagapagligtas nang higit kaysa rati, at kalauna’y napapansin natin na may mga himala pala sa ating paligid.”

Ang mga Kalungkutan sa Buhay

Elizabeth, 1856, Iowa, USA

Matapos tawirin ang karagatan, natagpuan ni Elizabeth ang kanyang sarili sa isang ganap na bagong kultura. Naglakbay siya sakay ng tren patungong Iowa, USA, sa dulo ng ng riles patungong timog noon. Pagdating niya noong Hulyo 1856, sumama si Elizabeth sa Martin handcart company.

Larawan
pioneers in the snow

Patuloy na Sumulong, ni Joseph Brickey

Ang pagdurusa ng Willie at Martin handcart company ay maayos na naitala. Wala na sa panahon ang pag-alis ng mga company at inabutan sila ng maagang taglamig sa Rocky Mountains. Napakaginaw at halos wala nang pagkain, mahigit 200 ang namatay.

Kasama sa pangkat ng mga sumagip na ipinadala ni Pangulong Brigham Young ang asawa ni Elizabeth na si William. Muling nagkasama ang mag-asawa sa malalim na niyebe at napakalamig na hangin.

Matapos gumaling sa Salt Lake City, nagtapos ang paglalakbay ng mag-asawa sa Cedar City, ilang milya lang mula sa pinagmulan ni Rosalene.

Rosalene, 2007, Hong Kong, China

Tulad ni Elizabeth maraming henerasyon bago iyon, di-nagtagal ay natagpuan ni Rosalene ang kanyang sarili na patawid ng karagatan upang manirahan sa isang bagong kultura kung saan nagtatrabaho ang kanyang asawa.

“May ilang tao na nabubuhay sa pagbabago at pakikipagsapalaran, ngunit halos hindi ko iyon nakayanan,” sabi ni Rosalene.

Muli siyang nakasumpong ng lakas sa kanyang Tagapagligtas at sa plano ng Diyos para sa kanya. Sa tulong ng kanyang pamilya at mahal na kababaihan sa kanyang ward, natutuhan ni Rosalene na mahalin at pahalagahan ang bago niyang kapaligiran at karanasan.

Napagdaanan na Ito ng Iba

Sa pagsisikap nating sundin si Jesucristo, nagdaraan tayong lahat sa mga pagsubok—sa sarili nating mga kapatagan at karagatang tatawirin at malulupit na taglamig na daranasin. Ngunit napagdaanan na ito ng iba, Maaari tayong makasumpong ng pag-asa at lakas sa kanilang mga kuwento ng tiwala sa Tagapagligtas.

Kinikilala ni Rosalene na malamang na nasa gitna pa lang siya ng kanyang paglalakbay, ngunit nang makita ang buong kuwento ni Elizabeth, hindi niya maiwasang isipin ang wakas ng sarili niyang kuwento.

“Siguro may ilang katangian ako na katulad ni Elizabeth, siguro wala. Ngunit umaasa ako na kapag nakita ng mga anak ko ang buhay ko, makakakita sila ng mga pagkakatulad—na pareho kaming naging tapat hanggang wakas at tinulutan naming hubugin kami ng aming mga pagsubok na maging mas katulad ng ating Tagapagligtas.”

Kinikilala ang lakas na natamo niya mula sa mga taong nagdaan na rito, ipinapasa ni Rosalene ang mga kuwentong iyon sa kanilang mga anak.

“Batid ang kanilang mga kuwento, alam namin na mahirap ang mga ginawa nila,” sabi ni Rosalene. “At alam namin ang dahilan at motibo. Ngayo’y ako naman ang magdadala ng tradisyong iyon ng pananampalataya kay Jesucristo at dedikasyon sa Kanyang ebanghelyo, at ipapasa ko ito sa sarili kong mga anak.”