2018
Naligaw sa Forbidden City
Setyembre 2018


Naligaw sa Forbidden City

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nadama ko na dati ang Espiritu, ngunit kailanma’y wala akong nadamang partikular—siguradong hindi tungkol sa mga direksyon kung saan pupunta.

Larawan
lost in the forbidden city

Paglalarawan ni Vlad Gusev

Nasa kalagitnaan ako ng Forbidden City sa Beijing, China. Ilang minuto pa lang ang nakararaan, napalibutan ako ng mga kaibigan at guro, pero bigla na lang akong lubos na nag-iisa.

Agad kong naisip na nasa panganib ako. Kitang-kita ang isang 15-anyos na Amerikano na nag-iisa sa gitna ng maraming tao sa museong palasyo. Nagpunta ako sa China kasama ang iba pang mga kaklase ko sa high school sa isang byahe na inisponsor ng paaralan, at ilang beses kaming binalaan ng aming mga guro at tour guide tungkol sa mga posibleng panganib sa paglilibot sa ibang bansa kung hindi kami maingat.

Naglakad-lakad ako sa lugar na iyon, at nakipagtulakan sa maraming turista—kapwa mga Chinese at dayuhan—at nakatingkayad sa paghahanap sa mga nakaternong pula at puting damit na suot ng bawat miyembro ng grupo namin. Ngunit wala akong nakita. Sa kung paanong paraan, nakaalis ang grupo ko nang hindi ako kasama at wala akong ideya kung saang direksyon sila nagtungo. Naupo ako at nagbantay sa mga entrance at exit. Lumipas ang sampung minuto, 30 minuto, 45 minuto. Walang lumitaw ni isa sa mga kagrupo ko.

May sumunggab sa kamay ko. Tumingala ako at nakita ko ang isang pandak na babaeng parang baliw kung makatingin at mahaba ang mga kuko. Hinila niya ang kamay ko. “Sundan mo ako,” sabi niya sa mali-maling Ingles. “Magandang dilag, sundan mo ako.”

Hindi ako mapakali. “Lumayo ka,” sigaw ko, sabay hila sa kamay kong hawak niya. Bago pa niya ito nasunggabang muli, mabilis na akong nakatakbo palabas sa isang exit at pumasok ako sa isa pang bahagi ng lungsod.

Tumakbo ako sandali hanggang sa lalo akong naligaw. Umupo ako sa isang baitang sa tabi, malayo sa maraming tao, at nagsimulang umiyak. Marunong akong magsalita ng kaunting Chinese pero siguradong hindi sapat para magtanong ng direksyon pabalik sa aming hotel, sa isang lugar sa kabilang panig ng malawak na lungsod ng Beijing. At sa puntong ito, ni hindi ako sigurado kung nasaan ang exit.

Habang umiiyak, nagsimula akong magdasal. Inamin ko na naging hangal ako nang lumayo ako sa grupo, kahit saglit, at nagmakaawa ako sa Ama sa Langit na tulungan akong makita ang daan pabalik sa grupo ko.

Tumayo ako at lumakad pabalik sa pinanggalingan ko. Wala akong natanggap na anumang agarang paghahayag—at hindi ako sigurado kung anong klase o anong damdamin ang ihahatid ng paghahayag na iyon kung matanggap ko nga iyon. Nadama ko na dati ang Espiritu, isang panatag na damdamin matapos maglingkod sa isang tao o makinig sa isang mensahe sa simbahan, ngunit kailanma’y wala akong nadamang partikular na bagay, lalo nang hindi tungkol sa mga direksyon kung saan pupunta. Nagsimula ako maglakad nang walang direksyon, na patuloy na taimtim na nagdarasal.

Sa wakas ay nakarating ako sa isang sangandaan. Kakanan na sana ako nang may marinig akong bulong, “Diyan ka lang.”

Napakahina ng tinig kaya muntik ko na itong balewalain sa pag-aakalang nasa isip ko lang ito. Ngunit may katiyakan iyon na siguradong hindi ko nadama sa sandaling iyon. “Umupo ka sa bangkong iyon,” sabi ng tinig. Tumingala ako at nakakita ako ng isang bangko sa gitna ng sangandaan. Pinuntahan ko iyon at umupo ako. Makalipas lang ang tatlong minuto, may lumitaw na isang nakaternong puti at pulang damit sa grupo ng mga tao at kinawayan ako. Siya ang tour guide namin sa araw na iyon.

Napalundag ako mula sa bangkong kinauupuan ko. Muntik ko nang yakapin ang babaeng iyon sa sobrang saya ko.

“Isang oras ka na naming hinahanap!” sabi nito. “Saan ka ba nagpunta?”

Habang pabalik kami sa grupo ko, ipinaliwanag ko sa kanya kung saan ako nagpunta, mula nang mahiwalay ako sa grupo hanggang sa magdesisyon akong umupo sa halip na kumanan sa sangandaan.

“Napakasuwerte mo,” sabi niya. “Kung kumanan ka roon, sa kabilang direksyon ka sana napunta palayo sa grupo. Napakalaki ng lungsod, malamang na hindi kita makita.”

Umalis ako sa China makalipas ang ilang linggo, at hindi na ako muling naligaw sa paglilibot, ngunit paulit-ulit kong ginunita ang sandali na narinig kong bumulong sa akin ang Espiritu. Hindi iyon katulad ng pahiwatig na natanggap ko dati, ngunit alam ng Diyos na iyon ang kailangan ko para maiwasan kong tumahak sa maling landas. Nalaman ko rin kung gaano kadali sanang balewalain ito kung hindi ako nakikinig noon.

Simula sa araw na iyon, maraming beses ko nang narinig ang Espiritu sa iba’t ibang paraan, na binabalaan ako kapwa sa pisikal at sa espirituwal na panganib. Nakita ko na paminsan-minsan ang mga resulta ng pagsunod o pagsuway sa tinig na iyon gaya ng ginawa ko noong unang araw na iyon sa Forbidden City. Mas madalas, hindi ko makita ang mga resulta. Ngunit natutuhan ko na kapag nagpapakumbaba ako at handa akong makinig, tutulungan ako ng Panginoon na matukoy ang mga pahiwatig ng Espiritu at gagabayan Niya ako pabalik sa kailangan kong puntahan. Sa Kanya, hindi ako nag-iisa kailanman.