2018
Ang Bahaging para sa Atin
Setyembre 2018


Ang Bahaging para sa Atin

Ang Tamang Maling Sagot

Larawan
taking a test

Mga paglalarawan ni Matthew Shipley

Nang mag-enrol ako sa isang philosophy class sa high school, medyo nag-alala ang tatay ko. Sa philosophy, lahat ay pinagdududahan, kabilang na ang pag-iral ng Diyos. Itinuro ng guro namin ang mga bagay na laban sa relihiyon at nagkakaila sa pag-iral ng Diyos.

May tanong sa isang philosophy test, “Bakit tayo pumarito sa lupa?” Ang dapat kong isagot ay para lubos nating maabot ang ating potensyal at maunawaan at magampanan ang ating tungkulin sa mundo. Hindi ko isinulat ang sagot na iyon dahil hindi iyon ang paniniwala ko.

Sa halip, isinulat ko, “Pumarito tayo sa lupa para subukan at bumalik sa piling ng Ama sa Langit sa kawalang hanggan kasama ng ating pamilya.”

Pagkatapos, tinawagan ako ng guro at tinanong ako kung alam ko ang tamang sagot sa tanong. Sabi ko, alam ko pero hindi ko isusulat ang isang bagay na alam kong hindi totoo.

Itinanong niya kung relihiyoso ako at saang simbahan ako kasapi. Sabi ko, miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi niya, wala pa siyang nakilalang relihiyosong estudyante kahit kailan na sapat ang tapang para ipagtanggol ang kanyang mga paniniwala at isulat ang gayong sagot.

“Hindi kita binigyan ng full credit dahil hindi iyon ang tamang sagot,” wika niya. “Pero binigyan kita ng puntos para sa tapang mong isulat ang pinaniniwalaan mo.”

Masaya ako dahil sumagot ako ayon sa mga paniniwala ko at ayon sa mga katotohanan ng ebanghelyo na alam ko at sinisikap kong ipamuhay.

Benjamin M., Chile

Liwanag ng Templo

Larawan
riding a bike with the temple in view

Ilang tag-araw na ang nakararaan, nag-mountain biking ang mga kabataang lalaki sa ward namin. Medyo kinabahan ako dahil iyon ang unang pagkakataon ko. Mahusay magbisikleta ang kaibigan kong si Jacob, kaya nagplano akong manatiling malapit sa kanya.

Matapos magpahinga sandali sa tuktok, nagsimula kaming bumaba ng bundok. Mas mabagal ako kaysa sa iba sa grupo at nahuli ako, lalo na matapos akong mahulog sa bisikleta nang ilang beses sa mga biglaang pagliko. Tumitigil si Jacob tuwing mahuhulog ako, at sinikap naming humabol sa grupo.

Paglubog ng araw, malinaw na naligaw kami. Mahigit kalahating oras na simula nang huli naming nakita ang grupo, at dumidilim na at halos hindi namin makita ang daanan. Nagdasal ako, at humingi ng tulong at lakas-ng-loob sa Ama sa Langit para makapagpatuloy. Pagkatapos ay nagpasiya kami ni Jacob na patuloy na magbisikleta sa isang partikular na direksyon. Pagliko namin sa isang kanto, nakita namin ang pinakamagandang tanawin—ang Draper Utah Temple! Inilawan ng liwanag ng templo ang aming daan, at nakarating kami nang ligtas sa mga lider at kaibigan namin.

Tuwing makikita ko ang templo, naaalala ko ang kapanatagan at tulong na naroon para sa amin. Tuwing madarama ko na naliligaw ako sa kasamaan ng mundo, makakaasa ako sa templo para sa liwanag na kailangan ko.

Joel G., Utah, USA

Pagkakaroon ng Bagong Kaibigan

Larawan
making a friend

Kasama kong nanananghali ang mga kaibigan ko nang mapansin ko ang isang bagong estudyante—si Michael. Nagpasiya siyang umupo sa tabi ng grupo ng nakatatandang mga lalaki, na nagsimulang pagtawanan siya. Kalaunan nalaman ko na may autism si Michael.

Nagpasiya akong tanungin si Michael kung gusto niyang tumabi sa amin ng mga kaibigan ko. Tumanggi siya, siguro’y sa takot na baka pagtawanan siya ulit ng mga tao.

Kinabukasan, ipinakilala ko siya sa mga kaibigan ko. Masasabi ko na masaya siya na hindi ako tumigil sa pagyaya sa kanya. Marami siyang kuwento. Nakakatuwa siya!

Araw-araw, masasabi ko na nagiging mas masaya si Michael. Inasam na niyang sumamang mananghali sa mga kaibigan niya. Ang pagtabi kay Michael sa pananghalian di-kalaunan ay bumuo ng makabuluhang pagkakaibigan. Hindi lang ito nakatulong kay Michael, kundi pati sa akin.

Ang pakiramdam na makapaglingkod sa iba ay isa sa pinakamagandang pakiramdam sa mundo.

Laura P., Illinois, USA