2018
Paglimot sa Plano Ko sa Buhay
Setyembre 2018


Paglimot sa Plano Ko sa Buhay

Jeannette Cox

Texas, USA

Larawan
scale

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Noong anim o pitong taong gulang ako, alam ko na gusto kong maging oceanographer. Nagtuon ako sa aking mithiin, nagsumikap, at nakapasok sa isang magandang kolehiyo. Kumuha ako ng ilang kurso sa zoology at nagustuhan ko iyon. Ngunit habang lumalaon, naging interesado ako sa katawan ng tao, lalo na tungkol sa selula. Nagpasiya akong maging pathologist.

Hindi nagtagal nakilala ko ang mapapangasawa ko, at nagpasiya kaming magpakasal. Noon pa man ay bahagi na ng plano ko ang pagpapamilya, pero kahit alam ko na maaari akong maging mahusay na doktor at mahusay na ina, nadama ko na hindi ako magiging mahusay sa dalawang ito nang sabay. Dahil mahalaga ang pamilya sa plano ng kaligtasan ng Panginoon, nagpasiya akong unahin ang pagiging ina. Naisip ko na kapag nag-aral na ang mga anak ko, makakabalik din ako sa pag-aaral.

Nang pumasok ang bunsong anak ko sa kindergarten, sinimulan kong mag-aplay sa isang PhD program sa nutritional studies sa University of Texas sa Austin. Bago ko pa naisumite ang application ko, nalaman ko na buntis ako sa ikapito kong anak. Nasa 40s na ang edad ko noon, at kapag nag-aral na ang batang ito, halos 50 na ako.

“Medyo huli na para magsimula ng bagong propesyon na nangangailangan ng malawakang pag-aaral,” naisip ko.

Tila imposible nang matupad pa ang mga pangarap ko. Nang nawawalan na ako ng pag-asa, pumasok sa puso’t isipan ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan’ (Juan 15:13). Noon ko pa naisip na ang kahulugan ng talatang ito ay isang tao na mamamatay para sa iba, ngunit ngayo’y mas malalim na ang kahulugan nito.

Natanto ko na ang pinakadakilang pag-ibig na maipapakita ko ay kalimutan ang sarili kong plano sa buhay at ibigay ang oras at lakas ko sa pagpapalaki sa aking mga anak. Nadama ko na para sa akin, iyan ang gusto ng Panginoon na gawin ko. Oo, natulungan ko sana ang maraming tao bilang doktor, ngunit alam ko rin na ang pinakamalaking walang-hanggang epekto ko ay sa buhay ng aking mga anak.