2018
Hindi Batay sa mga Kondisyon ang Iyong Kahalagahan
Setyembre 2018


Digital Lamang

Hindi Batay sa mga Kondisyon ang Iyong Kahalagahan

Anuman ang sabihin ng mundo, alam ng Ama sa Langit ang iyong totoong halaga.

Larawan
binatang nakatayo sa ibabaw ng bundok

Tayo ay walang hanggang mga nilalang na may banal na pamana. Ngunit lagi tayong napaliligiran ng mga makamundong puwersa na nagpapalimot sa atin kung sino talaga tayo. Paano natin malalaman ang ating tunay na halaga? Narito ang ilang mga bagay na dapat tandaan.

  1. Ang iyong halaga ay hindi batay sa mga panlabas na puwersa.

    Paulit-ulit man, ang mahalaga ay ang niloloob mo. Nais ni Satanas na papaniwalain ka na ang iyong halaga ay nanggagaling sa panlabas na mga bagay tulad ng panlabas na anyo, katalinuhan, mga talento, kalusugan, tagumpay, at katanyagan. Ngunit “hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao; sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7). Alam ng Ama sa Langit ang iyong tunay na halaga dahil naiintindihan Niya ang iyong mga hangarin at katangian ng iyong espiritu.

  2. Maganda ang iyong katawan—kahit na hindi ito naaayon sa mga pamantayan ng mundo.

    Marami sa atin ang nahihirapan na maging masaya sa ating hitsura o kaanyuan. Ngunit tiyak na maganda ang iyong katawan, kahit ano pa man ang hitsura nito. Lalaki o babae, ikaw ay nilikha sa larawan ng Diyos (tingnan sa Genesis 1:27). Ang Ama sa Langit ang dakilang Tagalikha ng sansinukob—at ikaw ang Kanyang pinakadakilang nilikha! Ang iyong katawan ay isang himala—na pinagsama-samang mainam at malakas at marikit at dakila. Napakaraming magandang makikita sa kapwa hitsura at gamit nito kung titingnan mo ito bilang isang kamangha-manghang regalo dahil ganoon ito talaga.

  3. Kapag ikaw ay sumusunod sa Tagapagligtas, ang kagandahan ng iyong espiritu ay lumiliwanag.

    Mismong si Jesus ay “walang kagandahan” sa mga mata ng mga tao (tingnan sa Isaias 53:2). Ngunit paanong hindi magiging maganda ang ating Tagapagligtas? Ang Kanyang kagandahan ay nanggagaling sa Kanyang kabutihan at kadalisayan. At ganoon din ang sa iyo! Ang tunay na mga disipulo ni Cristo ay may kariktan na walang kinalaman sa kanilang hitsura. Kapag “tinanggap [mo] ang kanyang larawan sa [iyong] mukha” (Alma 5:14), nagdadala ka ng ilaw na nagliliwanag mula sa loob palabas. At kapag nakita ng iba ang iyong liwanag, ikaw ay nagiging mas kaakit-akit sa kanila. Higit sa lahat, ang kakayahan na maglakad nang matwid sa harapan ng Diyos ay magbibigay sa iyo ng dagdag na tiwala sa sarili.

  4. Ikaw ay may walang-hanggang kahalagahan bilang ikaw.

    Itinuro ni Korihor na anti-Cristo na “ang bawat tao ay namumuhay sa buhay na ito alinsunod sa pangangasiwa ng nilikha” (Alma 30:17). Sa ibang salita, ang paraan ng pangangasiwa mo sa iyong sarili ang nagbibigay ng halaga sa iyo—ito ay isang bagay na kailangan mong makuha o patunayan. Ngunit hindi iyan totoo! Bagamat dapat lagi tayong nagsisikap na paunlarin ang ating sarili, “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (D at T 18:10) anupaman ang mangyari. Kahit na ikaw ay nakagawa ng pagkakamali, hindi bumababa ang iyong halaga. Tulad ng itinuro ni Sister Joy D. Jones, Primary General President, “Kung nagkakasala tayo, hindi tayo gaanong karapat-dapat, ngunit hindi kailanman nababawasan ang ating halaga!” (“Halagang Hindi Masusukat,” Liahona, Nob. 2017, 14).

Kahit na madalas ay hindi mo ito napapansin, may kislap ng kabanalan na nasa iyo. Nariyan iyon kahit pakiramdam mo ay lubus-lubos ang iyong kawalan ng kabanalan. At nakikita ito ng Diyos—palagi. Kung pangangalagaan mo ang kislap na ito, ikaw ay kaya Niyang gawin na isang bagay na higit pa sa pinaniniwalaan mong posible.