Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Gawa 10–15


“Mga Gawa 10–15,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mga Gawa 10–15

Sa Cesarea, sinabi ng isang anghel kay Cornelio na ipasundo si Pedro. Sa Joppe, natanggap ni Pedro ang isang paghahayag na nag-uutos sa kanya na tanggapin ang mga Gentil sa Simbahan. Tinuruan at bininyagan ni Pedro si Cornelio at ang kanyang sambahayan, at natanggap nila ang Espiritu Santo. Pinatay ni Herodes Agripa si Santiago at inaresto si Pedro. Inilabas ng anghel si Pedro mula sa bilangguan. Sinimulan nina Pablo at Bernabe ang kanilang unang misyon. Sa kabila ng pagsalungat, nagpatotoo sila kay Cristo. Nagkaroon ng pagtatalo sa Antioquia tungkol sa pagtutuli. Nagpulong ang mga Apostol at iba pang mga lider sa Jerusalem at nagpasiya na hindi kailangang tuliin ang mga Gentil kapag sumapi sila sa Simbahan ni Jesucristo.

Resources

Background at Konteksto

Alamin ang Iba Pa

Media

Background at Konteksto

Mga Gawa 10:1–8

Ano ang mahalaga tungkol sa pagsanib ni Cornelio sa Kristiyanismo?

Ang orihinal na tipang ibinigay kina Abraham at Sarah ay nananawagan ng pagpapalaganap ng tipan upang mapagpala ang “lahat ng mag-anak sa mundo.” Ngunit sa paglipas ng panahon, ang pagkaunawang iyon ay tila nawala ng mga Judio. Bago ang Kristiyanismo, ang karamihan sa mga Judio ay pinananatiling hiwalay ang kanilang sarili at ang kanilang relihiyon mula sa mga di-Judio, o mga Gentil. Ang paghihiwalay na ito ay naging mas kapuna-puna pagkatapos ng pagkabihag ng Babilonia sa pagsisikap ng mga Judio na mabawasan ang “mga impluwensya sa relihiyon ng mga dayuhan.” Sa panahon ng Bagong Tipan, “ang mga negatibong saloobin sa pakikipag-ugnayan sa mga Gentil ay karaniwan sa Jerusalem.” Ang mga saloobing ito ay maaaring karaniwan din sa mga unang Kristiyanong Judio.

Si Cornelio, na isang pinunong militar ng Roma, ay isang Gentil. Inilarawan siya ni Lucas na isang taong “deboto” at “may takot sa Diyos.” Nangangahulugan ito na si Cornelio ay isang Gentil na “may simpatya sa Judaismo at sumasamba kay Jehova ngunit [siya ay] hindi sumusunod sa mga patakaran ng batas ni Moises, lalo na sa pagtutuli.” Ang binyag ni Cornelio ay naghanda ng daan sa mga Gentil na sumapi sa Simbahan ng Tagapagligtas nang hindi muna sumanib sa Judaismo at sumunod sa mga patakaran ng batas ni Moises.

Mga Gawa 10:10–16

Ano ang kahulugan ng pangitain ni Pedro?

Sa ilalim ng batas ni Moises, ang ilang hayop ay itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin. Ang mga paghihigpit sa pagkain na ito ay “nagkaroon ng malaking epekto sa kabuuan ng pangrelihiyon at panlipunang pamumuhay [ng mga Judio].” Kaya, nang inutusan si Pedro na patayin at kainin ang karne ng mga ipinagbabawal na hayop, sumalungat ito sa malalim na nakaugat na paniniwala sa relihiyon at kultura. Noong una, hindi naunawaan ni Pedro ang kahulugan ng pangitaing ito. Matapos lamang makilala si Cornelio, na isang Gentil, naunawaan ni Pedro ang tagubilin ng Panginoon na turuan at binyagan ang lahat. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, “Noong una, hindi alam ng mga unang Apostol na ang ebanghelyo ay para sa lahat, para sa mga Gentil. Pagkatapos ay nagkaroon ng pangitain si Pedro. …Ang pangitaing iyon, at ang karanasang kaagad nilang naranasan, ang nagbunsod na paniwalaan nila ang kanilang tungkulin; sa gayon nagsimula ang dakilang gawaing misyonero ng buong Kristiyanismo.”

Mga Gawa 10:34–35

Ano ang ibig sabihin ng “walang kinikilingan ang Diyos” sa mga tao?

Ang salitang Griyego na isinaling “kinikilingan” sa King James Bible ay tumutukoy sa isang tao na nagpapakita ng paboritismo o pagkiling. Sa pamamagitan ng isang pangitain at ng kanyang karanasan kay Cornelio, nalaman ni Pedro na ang Diyos ay hindi nagpapakita ng paboritismo o pagkiling sa mga tao dahil sa kanilang katayuan sa lipunan, nasyonalidad, o mga ari-arian. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, “Walang isa man sa atin ang magtuturing na mas mahalaga siya kaysa sa iba. … Alalahanin na Siya ay isang ama—ating Ama. Ang Panginoon ay ‘hindi nagtatangi ng mga tao.’” Bagaman hindi nagpapakita ng paboritismo ang Diyos batay sa mga panlabas na sukatan, tinatanggap Niya ang mga taong iginagalang Siya at nagsisikap gawin ang tama.

Mga Gawa 11:26

Bakit tinawag na mga Kristiyano ang mga Banal noong unang panahon?

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay unang tinawag na mga Kristiyano ng mga tao sa Antioquia. Sa una, ang titulong Kristiyano ay maaaring “isang palayaw na panunuya, tulad ng paggamit ng Mormon noong unang bahagi ng ating kasalukuyang dispensasyon.” Kalaunan, ginamit ng mga miyembro ng Simbahan ang katagang ito para tukuyin ang kanilang sarili.

Mga Gawa 12:1

Sino ang “hari na si Herodes”?

Ang Herodes na binanggit sa Mga Gawa 12 ay si Herodes Agripa I, na apo ni Herodes, ang Dakila. Siya ay tanyag sa lahat ng kanyang mga nasasakupang Judio dahil sa kanyang masusing pagsunod sa mga kaugalian ng mga Judio. Maaaring ipinag-utos niya na patayin si Santiago upang mapanatili ang pagsang-ayon ng mga pinunong Judio. Namatay si Agripa noong AD 44, sa parehong taon kung kailan pinaslang si Santiago bilang martir. Itinuring ni Lucas na parusa ng langit ang biglaang pagkamatay ni Agripa na ipinataw ng isang anghel ng Panginoon.

Mga Gawa 12:1–2

Sinong Santiago ang ipinapatay ni Herodes?

May ilang indibiduwal na nagngangalang Santiago sa loob ng Bagong Tipan. Ang Santiago na ipinapatay ni Herodes Agripa I ay ang kapatid ni Apostol Juan at isa sa orihinal na Labindalawang Apostol. Isa rin siya sa tatlong natatanging saksi sa ilang sagradong pangyayari kasama ang Tagapagligtas.

Mga Gawa 12:12

Sino si Juan Marcos?

Malamang na si Juan Marcos ang may akda ng Ebanghelyo ni Marcos. Siya ay anak ng isang babaing nagngangalang Maria, isa sa mga nangungunang kababaihan sa Simbahan noon sa Jerusalem. (Ang mga nananampalataya ay nagtitipon sa bahay niya, at doon bumalik si Pedro pagkatapos na mapalaya mula sa bilangguan.) Si Marcos ay napili bilang kasama nina Pablo at Bernabe (pinsan ni Marcos) nang umalis sila sa kanilang unang paglalakbay bilang mga misyonero. Siya marahil ang Marcos na binanggit ni Pedro na “aking anak.”

Mga Gawa 13:3

Ano ang kahulugan ng pagpapatong ng mga kamay sa unang Kristiyanong Simbahan?

Maraming talata sa loob ng Bagong Tipan na tumutukoy sa pagpapatong ng mga kamay bilang isang sinaunang ordenansa ng mga Kristiyano. Ang ilang mga talata sa Lumang Tipan ay naglalarawan sa pagpapatong ng mga kamay bilang isang gawain din sa loob ng sinaunang Israel.

Ang tingin sa ritwal ng pagpapatong ng mga kamay sa loob ng Luma at Bagong Tipan ay isang “kilos ng paglilipat.” Inilipat ng awtorisadong mayhawak ng priesthood ang “kapangyarihan, mga espirituwal na kaloob, at awtoridad” sa iba sa pamamagitan ng ritwal na aksyong ito. Ginamit din ang gawaing ito kapag nagtatalaga ng isang tao sa isang partikular na responsibilidad sa loob ng Simbahan ni Jesucristo, tulad ng pagtawag kina Pablo at Bernabe na maging mga missionary.

Mga Gawa 13:9

Bakit kalaunan ay tinawag na Pablo si Saulo?

Pagkatapos ng puntong ito sa aklat ng Mga Gawa, si Saulo ay tinawag na Pablo. Ang Saulo ay isang Hebreong pangalan. Ang Pablo ay isang Romanong pangalan. ‘Sa halip na dalawang pangalan na kaugnay ng dalawang panahon sa kanyang buhay, ang mga pangalan ay kumakatawan sa dalawang larangan ng kultura. Kapag nakikisalamuha noon si Pablo sa mga Judio, ginamit niya ang Saulo; nang dalhin siya ng kanyang mga paglalakbay sa mga lugar ng mga Gentil, ginamit niya ang Pablo.”

Mga Gawa 13:34

Ano ang “tapat na kahabagang ipinakita kay David”?

Habang nagpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ginamit ni Pablo ang mga katagang “tapat na kahabagang ipinakita kay David.” Ang pariralang ito ay nagmula sa Isaias 55:3. “Itinutulad ni Pablo ang pariralang ito sa pagkabuhay na mag-uli (Gawa 13:34). Alam ni David na tutubusin siya ng Panginoon mula sa walang katapusang kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli. … Ang awa ng Panginoon kay David, na isang tiyak na pangako, ay ibinibigay sa buong sangkatauhan.”

Mga Gawa 13:38–39

Ano ang kahulugan ng mabigyang-katwiran?

Ang salitang Griyego na dikaioō ay maaaring isalin na “bigyang-katwiran” o “ipahayag na matuwid.” Sa ibang salita, ang mabigyang-katwiran ay “mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala. Ang isang tao ay nabibigyang-katwiran ng awa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya. Ang pananampalatayang ito ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Ang pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa tao ng pagkakataong magsisi at mabigyang-katwiran o mapatawad mula sa mga kaparusahang kanila sanang matatanggap.” Itinuro ni Pablo na sa pamamagitan lamang ni Jesucristo tayo “mapapalaya [mabibigyang-katwiran] mula sa lahat ng kasalanang yaon na hindi [tayo] kayang ariing-ganap [mabigyang-katwiran] ng batas ni Moises.”

Mga Gawa 13:51

Bakit ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok sa kanilang mga paa?

Tingnan sa “Mateo 10:14. Ano ang ibig sabihin ng ‘ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa’?

Mga Gawa 14:4, 14

Sina Pablo at Bernabe ba ay mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol?

Ang ibig sabihin ng salitang Griyego na apostolos ay “sugo” o “isang isinugo.” Ang malawak na kahulugang ito ay maaaring gamitin sa sinumang saksi ng Tagapagligtas, tulad ng mga missionary. Apostol din “ang itinawag ni Jesus sa Labindalawang pinili Niya at inordenan na maging Kanyang mga pinakamalapit na disipulo at katulong sa panahon ng Kanyang ministeryo sa mundo (Lucas 6:13; Juan 15:16). … Kapwa noong sinauna at sa Korum ng Labindalawang Apostol ng [ipi]nanumbalik na Simbahan ngayon, ang isang Apostol ay natatanging saksi ni Jesucristo sa buong daigdig na magpapatotoo sa Kanyang kabanalan at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa [mga] patay (Mga Gawa 1:22; D&C 107:23).”

Lumilitaw na naunawaan ni Pablo ang apostol sa malawak na kahulugan nito na “isang isinugo.” Dahil dito, dapat tayong maging maingat sa pagbibigay-kahulugan sa paggamit ni Pablo ng salitang apostol na ibig sabihin ay miyembro siya ng Korum ng Labindalawa. Ang pinakamatibay na indikasyon sa Bagong Tipan na maaaring siya ay miyembro ng Labindalawa ay nagmula sa Mga Gawa 14:4, 14, at Galacia 1:1. Sa opinyon ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Si Pablo ay inorden na apostol, at … siya ang pumalit sa isa sa iba pang mga kapatid sa Sangguniang iyon [ng Labindalawa].” Sa ating panahon, ang titulong Apostol ay para sa mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang 15 namumunong lalaking ito ay sinasang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Mga Gawa 15:1–6

Bakit nagkaroon ng kumperensiya sa Jerusalem?

Itinuturing ng mga sinaunang Kristiyanong Judio na kinakailangang sundin ang batas ni Moises, kabilang na ang pagtutuli. Kaya nga, nabagabag ang ilang miyembrong Judio tungkol sa balitang nakipag-ugnayan at nagbinyag si Pedro ng mga Gentil, kabilang na si Cornelio.

Ang pagtutol na ito ay lalo pang tumindi pagkatapos ng matagumpay na pagsisikap nina Pablo at Bernabe sa misyon sa mga Gentil. Nang bumalik sila sa Antioquia at nagpatotoo na “binuksan [ng Diyos] sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya,” naharap sila sa matinding pagtutol mula sa mga taong naniniwala na maliligtas ka lamang kung ikaw ay “tuliin ayon sa kaugalian ni Moises.” Matapos makipagtalo sa mga tao na naniniwalang kailangan ang pagtutuli, nadama ni Pablo na iparating ang bagay na ito sa mga lider ng Simbahan sa Jerusalem. Isang mahalagang tanong ay ito: “Kailangan pa bang sundin ang batas ni Moises at ang lahat ng kaugaliang isinasagawa para sa kaligtasan na kalakip nito ngayong nagawa na ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala?”

Mga Gawa 15:13

Sino ang Santiago na nagsalita sa kumperensya sa Jerusalem?

Si Santiago ay nagkaroon ng mahalagang papel sa kumperensya sa Jerusalem. Siya ay anak nina Jose at Maria at kapatid ni Jesucristo sa ina. Sa panahong ito, tila siya ang punong elder ng sangay ng Simbahan sa Jerusalem. Dahil sa kahalagahan ng Jerusalem, ang katungkulan ni Santiago sa Simbahan ay pinagpipitagan. Tinawag siyang Apostol ni Pablo. Malamang na siya ang may-akda ng Sulat ni Santiago.

Mga Gawa 15:23–28

Paano tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang desisyon ng kumperensya sa Jerusalem?

Sa kabila ng nagkakaisang desisyon ng mga namumuno sa Simbahan na hindi na kailangang tuliin ang mga Gentil bago sila binyagan, marami sa mga miyembro ng Simbahan ang hindi kaagad naunawaan o tinanggap ang desisyon. Ilang taon pa bago tumugma ang kultura at saloobin ng mga miyembro ng Simbahan sa inspiradong pagbabagong ito. Sa buong ministeryo niya, nagpatuloy si Pablo sa pagtuturo na ang katapatan ay nagdudulot ng pagsang-ayon ng Diyos.

Mga Gawa 15:30–40

Ano ang naging pagtatalo nina Pablo at Bernabe?

Nagsimula ang hindi pagkakaunawaan nina Pablo at Bernabe nang imungkahi ni Bernabe na “si Juan, na tinatawag na Marcos,” ay isama nila sa isang misyon na bisitahin ang lahat ng sangay ng Simbahan na kanilang inorganisa. Si Marcos, na kaanak ni Bernabe, ay nakasama nina Pablo at Bernabe sa kanilang unang misyon ngunit kaagad na humiwalay sa kanila. Bagaman kakaunti ang nalalaman natin kung bakit umalis si Marcos o kung ano ang pinagmulan ng pagtatalo nina Bernabe at Pablo, naghiwalay ang mga Apostol. Kalaunan, tila nagkasundo rin sina Pablo at Marcos.

Mga Gawa 15:40

Sino si Silas?

Si Silas marahil ang “Silvano” na binanggit ni Pablo sa ilan sa kanyang mga liham. Kilala si Silas ng mga lider ng Simbahan sa Jerusalem. Pinili siya ni Pablo na makasama sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang missionary. Tila si Silas ang naging tagasulat para sa Aklat ng 1 Pedro.

Alamin ang Iba Pa

Ang Ebanghelyo ay Para sa Lahat

Sa Pagiging Kristiyano

Mga Aral mula sa Kapulungan sa Jerusalem

Media

Mga Video

Peter’s Revelation to Take the Gospel to the Gentiles” (9:08)

9:8

The Jerusalem Conference” (3:36)

3:36

Mga Larawan

Si Pedro ay natutulog habang dinadala ng mga anghel ang mga hayop sa kanya

The Dream of Saint Peter [Ang Panaginip ni San Pedro], ni Jeremias Falck na kawangis ng isang painting ni Domenico Fetti

si Pedro na kinakausap si Cornelio
nangangaral sina Pablo at Bernabe

Paul and Barnabas in Lystra [Sina Pablo at Bernabe sa Listra], ni Nicolaes Pietersz Berchem

nagsasalita si Pablo sa harap ng Kumperensiya sa Jerusalem

Mga Tala

  1. Abraham 2:11; tingnan din sa Abraham 2:9–11.

  2. “May ilang mga pagsisikap na turuan ang mga di-Israelita bago pa dumating ang Kristiyanismo, at may ilang bilang ng mga Judio ang umasa pa na ang mga Gentil ay tatanggapin sa katapusan ng panahon. Ngunit kadalasan, ang mga Judio ay nanatiling sila-sila lamang, at ang kanilang relihiyon ay para sa kanila” (Grant Adamson, “Greco-Roman Religion and the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, ed. Lincoln H. Blumell [2019], 195; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gentil, Mga”). Gayunman, ang ilang mga Gentil ay sumanib sa Judaismo, at sila ay kilala bilang mga proselita. May malaking bilang din ng mga Gentil na naakit sa mga turo ng Judaismo ngunit hindi lubos na sumunod sa batas ni Moises, at ang mga ito ay kilala bilang mga may takot sa diyos (tingnan sa Bible Dictionary, “Proselytes”). Ang dalawang grupong ito ay tila mahalagang pinagmulan ng marami sa mga unang napasanib ni Pablo sa Kristiyanismo.

  3. Frank F. Judd Jr., “The Jerusalem Conference: The First Council of the Christian Church,” Religious Educator, tomo 12, blg. 1 (2011), 58.

  4. Mga Gawa 10:2.

  5. Judd, “The Jerusalem Conference,” 61. Si Cornelio ay hindi isang proselita, na isang Gentil na tinanggap ang Judaismo at ipinamuhay ang buong batas ni Moises, kabilang na ang pagtutuli (tingnan sa Bible Dictionary, “Proselytes”).

  6. Bible Dictionary, “Cornelius.”

  7. Tingnan sa Levitico 11.

  8. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Malinis at Hindi Malinis.”

  9. Boyd K. Packer, “Feed My Sheep,” Ensign, Mayo 1984, 42.

  10. Tremper Longman III at Mark L. Strauss, mga pat., The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), entry 4381, pahina 1131.

  11. Tingnan sa Roma 2:11; Santiago 2:1; 1 Pedro 1:17; 2 Nephi 26:28, 33; Doktrina at mga Tipan 38:16.

  12. Boyd K. Packer, “Ang Mahina at Simple ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2007, 7, 9.

  13. Tingnan sa Deuteronomio 7:9; 1 Nephi 17:35.

  14. D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: Acts through Revelation (1998), 61.

  15. Tingnan sa Mga Gawa 26:28; 1 Pedro 4:16.

  16. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Herodes.” Si Herodes na Dakila ang hari na nagpalawak ng templo at nag-utos na patayin ang mga anak sa Bethlehem matapos bisitahin ng mga Pantas na Lalaki si Jesus (tingnan sa Mateo 2).

  17. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jesus Christ and the World of the New Testament (2011), 157.

  18. Tingnan sa Mga Gawa 12:23. Itinuturing ng Judiong historyador na si Josephus ang paggalang kay Agripa bilang diyos ng mga Gentil ng mga mamamayan sa Cesarea ang dahilan ng banal na parusa (tingnan sa Flavius Josephus, Antiquities of the Jews, salin. William Whiston (1875), 19.8.2.

  19. Ang Santiago “ay katumbas sa Ingles ng pangalang Hebreo na Jacob” (Bible Dictionary, “James”).

  20. Ang isa pang miyembro ng orihinal na Labindalawa ay kilala bilang Santiago na anak ni Alfeo, na madalas iugnay kay Santiago na Mas Bata (tingnan sa Mateo 10:3; Marcos 15:40). Ang isa pang lalaking nagngangalang Santiago ay isa sa naunang pinuno sa Simbahan sa Jerusalem. Ang Santiago na ito ay kapatid ni Jesus sa ina at malamang na may-akda ng Sulat ni Santiago (tingnan sa Mga Gawa 15:13; Galacia 1:19; Santiago 1:1).

  21. Tingnan sa Mateo 17:1–9; 26:36–37; Lucas 8:51–56.

  22. Tinawag siyang Juan sa Mga Gawa 13:5.

  23. Tingnan sa Mga Gawa 12:12–17.

  24. Tingnan sa Colosas 4:10, footnotec.

  25. Tingnan sa Mga Gawa 12:25; 13:5. Ang kanyang hindi naipaliwanag na paglisan ay humantong sa ilang pagtatalo nina Pablo at Bernabe kalaunan (tingnan sa Mga Gawa 15:36–40).

  26. Tingnan sa 1 Pedro 5:13.

  27. Tingnan sa Mga Gawa 6:6; 8:17–19; 13:3; 19:6; 1 Timoteo 4:14; 2 Timoteo 1:6; at Hebreo 6:2, kung saan ang gawaing ito ay tinutukoy na “ang doktrina … ng pagpapatong ng mga kamay,” ibig sabihin ito ay isang nakagawiang gawain sa loob ng Simbahan.

  28. Tingnan sa Mga Bilang 8:10; 27:18; Deuteronomio 34:9.

  29. Tingnan sa David M. Calabro, “Nonverbal Communication in the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, ed. Lincoln H. Blumell (2019), 563–64.

  30. Nicholas J. Frederick, “The Life of the Apostle Paul: An Overview,” sa Blumell, New Testament History, Culture, and Society, 394.

  31. Donald W. Parry at iba pa, Understanding Isaiah (1998), 490.

  32. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, entry 1344, pahina 1066.

  33. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan,” Gospel Library.

  34. Mga Gawa 13:39, New Revised Standard Version; Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, 1583, tala para sa Mga Gawa 13:39.

  35. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, entry 652, pahina 1050.

  36. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apostol.”

  37. Tingnan sa Roma 16:7; 1 Corinto 9:1; 15:7, 9.

  38. Tingnan sa Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 400.

  39. Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:153.

  40. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:22–23; 21:1.

  41. Tingnan sa Mga Gawa 11:1–3.

  42. Tingnan sa Mga Gawa 13:7, 42, 48; 14:1, 21–23.

  43. Mga Gawa 14:27.

  44. Mga Gawa 15:1.

  45. Tingnan sa Mga Gawa 15:2; Galacia 2:2.

  46. Robert J. Matthews, “The Jerusalem Council,” sa Sperry Symposium Classics: The New Testament, ed. Frank F. Judd Jr. at Gaye Strathearn (2006), 260.

  47. Sa kumperensya, “iminungkahi ni Santiago na dapat iwasan ng mga Gentil ang kahit apat na bagay na may kaugnayan sa pagsunod sa batas ni Moises (tingnan sa Mga Gawa 15:20, 29): Mga karneng handog sa mga diyus-diyusan; Pakikipagtalik nang hindi kasal (seksuwal na imoralidad); Karneng hindi wasto ang pagkatay (hindi inalisan ng dugo ang hayop; Dugo (na may kaugnayan sa pag-iwas sa karne na hindi wasto ang pagkatay). Ang mga pagbabawal na ito ang magpapakita ang kaibahan ng nagbagong-loob na mga Gentil sa iba pang mga Gentil dahil ang mga gawaing ito ay bahagi kung minsan ng pagsamba ng mga Gentil sa mga diyos at diyosa” (Jared Ludlow, “The Jerusalem Conference” [digital-only article], Liahona, Hulyo 2023, Gospel Library).

  48. Tingnan sa “The Letter of James,” sa Coogan at iba pa, The New Oxford Annotated Bible, 1767.

  49. Tingnan sa Galacia 1:19.

  50. Robert J. Matthews, “Unto All Nations,” sa Studies in Scripture, Volume Six: Acts to Revelation, ed. Robert L. Millet [1987], 39.

  51. Tingnan sa Roma 2–4; 1 Corinto 7:19; Galacia 5:6; 6:15; Colosas 2:11; 3:11.

  52. Tingnan sa Mga Gawa 15:36–37.

  53. Tingnan sa Mga Gawa 13:13.

  54. Isang palatandaan na maaaring pinagmulan ng kanilang hindi pagkakaunawaan ay matatagpuan sa Galacia 2:11–14.

  55. Tingnan sa Colosas 4:10; 2 Timoteo 4:11.

  56. Tingnan sa 2 Corinto 1:19; 1 Tesalonica 1:1; 2 Tesalonica 1:1.

  57. Tingnan sa Mga Gawa 15:22, 32.

  58. Tingnan sa 1 Pedro 5:12.