“Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7
Gumawa si Jesus ng maraming himala sa loob at paligid ng Galilea. Pinagaling niya ang isang ketongin, ang alipin ng senturion, ang biyenang babae ni Pedro, at ang isang lalaking lumpo. Pinalayas ng Tagapagligtas ang mga diyablo at pinatahimik ang unos sa Dagat ng Galilea. Ang mga himalang ito ay naglalarawan ng kapangyarihan at awtoridad ng Tagapagligtas sa lahat ng bagay. Matapos pagalingin ng Tagapagligtas ang isang lalaki sa araw ng Sabbath, nagsimulang magplano ang ilang Judio para mapatay Siya. Itinuro ng Tagapagligtas na ang Sabbath ay araw para gumawa ng mabuti. Nagpakita Siya ng pagmamahal at habag nang buhayin Niyang muli ang anak ng isang balo. At pinatawad Niya ang isang nagsisising babae na hinugasan ang Kanyang mga paa sa pamamagitan ng mga luha nito.
Mga Resources
Background at Konteksto
Mateo 8:2
Ano ang ketong?
(Ikumpara sa Marcos 1:40; Lucas 5:12.)
Tingnan sa bahaging “Marcos 1:40–45. Ano ang ketong?”
Mateo 8:5–9
Bakit ayaw papasukin ng senturion ang Tagapagligtas sa kanyang bahay?
(Ikumpara sa Lucas 7:2–8.)
Ang senturion ay isang opisyal sa hukbong Romano na pinuno ng 50 hanggang 100 kalalakihan. Ayaw ng karamihan sa mga Judio ang mga senturion dahil ito ay sumisimbolo sa kapangyarihan ng Roma. Gayunman, binigyang-diin ni Lucas ang ilang kahanga-hangang katangian ng senturion na ito. Siya ay walang pag-iimbot at mabait. Ang kanyang kahilingan ay nakatuon sa pangangailangan ng kanyang alipin, na mahal niya.
Nagpakita ng tunay na pagpapakumbaba ang senturion, na itinuring ang kanyang sarili na hindi karapat-dapat na personal na puntahan si Jesus o patuluyin si Jesus sa kanyang bahay. At marahil ay alam ng senturion na ang mga debotong Judio ay karaniwang hindi nakikipag-ugnayan sa mga Gentil, tulad ng pagkain na kasalo sila o pagpasok sa kanilang mga tahanan.
Sinabi ng Tagapagligtas na “maging sa Israel ay hindi pa [Siya] nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.” Ang pahayag na ito ay tumutugma sa pahayag ni Jesus na Siya ang hinirang na Mesiyas para sa lahat ng tatanggap sa Kanya.
Mateo 8:20
Bakit tinukoy ni Jesucristo ang Kanyang sarili bilang ang “Anak ng Tao”?
Tulad ng nakatala sa Bagong Tipan, madalas gamitin ni Jesus ang titulong “Anak ng tao” sa pagtukoy sa Kanyang sarili. Ito ay isang titulo para sa Mesiyas. Bagama’t hindi natin masasabi nang tiyak kung bakit ginamit ni Jesus ang titulong ito, narito ang ilang posibleng dahilan:
Una, ang aklat ni Daniel ay naglalaman ng propesiya ng pagdating ng “Anak ng tao.” Maaaring ginamit ni Jesus ang titulong ito upang ipakita na Siya ang tutupad sa propesiyang ito.
Pangalawa, ang isa pang pangalan ng Diyos Ama ay “Tao ng Kabanalan.” Sa pagtawag sa Kanyang Sarili na Anak ng Tao, hayagang ipinahayag ni Jesus ang Kanyang banal na kaugnayan sa Ama. Si Cristo ay ang Anak ng Tao ng Kabanalan.
Ikatlo, ang paggamit ng titulong Anak ng Tao ay isang paraan ng paghahayag ni Jesucristo ng katangian ng Ama sa Langit. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Ang Diyos mismo ay minsang naging katulad natin, at isang taong dinakila, at nakaupo sa luklukan sa kalangitan! … Sinasabi ko, kung makikita ninyo Siya ngayon, makikita ninyo Siya sa hubog ng tao—katulad ng inyong buong pagkatao, imahe, at anyo mismo ng isang tao; sapagkat si Adan ay nilikha sa mismong ayos, imahe at wangis ng Diyos.”
Mateo 8:24
Ano ang alam natin tungkol sa mga bagyo sa Dagat ng Galilea?
(Ikumpara sa Marcos 4:37; Lucas 8:23.)
“Dahil sa kakaibang heograpiya ng Dagat ng Galilea, madalas magkaroon ng malalakas na hangin doon. Sa habang 13 milya at lapad na 8 milya, ang elevation ng dagat ay 690 talampakan sa ilalim ng dagat, at napapalibutan iyon ng mga burol. Ang ilan sa mga burol ay may taas na hanggang 2,000 talampakan sa ibabaw ng dagat. Sa gabi, ang mainit at mahalumigmig na hangin sa ibabaw ng tubig ay kadalasang tumataas, samantalang ang mas malamig na hangin mula sa mga burol ay mabilis na bumababa, na lumilikha ng malalakas na ihip ng hangin sa ibabaw ng tubig. Bukod pa rito, ang Dagat ng Galilea ay medyo mababaw, na may maximum na lalim na 141 talampakan (43 m), na may posibilidad na lumikha ng mas malalaking alon kapag malakas ang ihip ng hangin.”
Marcos 2:2–5
Ano ang mga kailangang gawin para mailapit ang lalaking lumpo sa Tagapagligtas?
larawang kuha ni James Jeffery
Ang ibig sabihin ng “lumpo” ay pagiging paralisado. Nang dalhin ng apat na tao ang lalaking lumpo sa bahay kung saan nagtuturo si Jesus, nalaman nila na mahihirapan silang makapasok sa dami ng tao. Ang mga bahay sa Capernaum noong unang siglo ay gawa sa mga pader na bato at pinatungan ng patag na bubong na gawa sa mga kahoy, pawid, at pinaghalong lupa at iba pang materyal. Nakahanap ng paraan ang mga lalaking may dala sa lumpo sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubong at paggawa ng malaking butas sa luwad at pawid. Pagkatapos ay ibinaba nila ang lalaki sa Tagapagligtas. Ang pahayag na “[na]kita ni Jesus ang kanilang pananampalataya” ay marahil na tumutukoy sa pinagsamang pananampalataya ng lahat ng limang lalaki, tulad ng ipinakita ng kanilang nagkakaisang pagsisikap na makalapit sa Tagapagligtas.
Marcos 2:15–17
Ano ang makabuluhan sa pagkain ni Jesus na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
Noong panahon ng Luma at Bagong Tipan, ang pagsasalu-salo ay higit pa sa simpleng pagkain at pag-inom nang magkakasama. Ito ay tanda ng pakikipagkapwa. Ipinahiwatig nito na may bigkis ng pagkakaibigan at kapayapaan o alok na pagkakaibigan. Kung minsan habang kumakain, inaanyayahan ng Tagapagligtas ang mga tao na magsisi at magbago.
Sa ilang pagkakataon, pinuna ng mga debotong Judio si Jesus dahil kumakain Siya na kasalo ang mga taong itinuturing nilang makasalanan. Kabilang sa mga tinatawag na makasalanan na ito ang mga hindi sumusunod sa mga tradisyon ng mga Judio at mga maniningil o tagakolekta ng buwis. Naniniwala ang ilang Judio na ang makasalo sa pagkain ang gayong mga tao ay nakakasira sa kanilang sariling kadalisayan.
Marcos 2:23–28
Bakit tinutulan ng mga eskriba at mga Fariseo ang ginawa ng mga disipulo sa araw ng Sabbath?
Ang Sabbath ang nagpapaiba sa mga Israelita sa lahat ng ibang tao. Ang ibang kultura ay may mga banal na lugar, mga batas sa paghahandog, at iba’t ibang kaugalian sa relihiyon, ngunit tanging ang mga Israelita lamang ang gumagalang sa araw ng Sabbath.
Noong panahon ni Jesus, ang Sabbath ay isang paksang pinagtatalunan ng marami. Nang pumulot ng ilang butil ang mga disipulo ng Tagapagligtas sa araw ng Sabbath habang naglalakad sa bukid, itinuring ng mga pinunong Judio na ito ay paglabag sa Sabbath. Ipinaalala ni Jesus sa mga pinunong Judio na kinain ni David ang tinapay sa tabernakulo. Sa pagpapaalala sa kanila tungkol dito, itinatag ng Tagapagligtas “ang kahulugan ng Sabbath para sa mga tao, at ang Kanyang pagiging Panginoon ng Sabbath.”
Sa ating panahon, pinayuhan din tayo na alalahanin ang layunin ng Sabbath at huwag gumawa ng mahahabang listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath.
Marcos 3:6
Sino ang mga Herodiano?
Tingnan sa “Ang mga Herodiano at ang mga Zealot” sa bahaging “Ano ang nangyari sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan?” sa pambungad.
Marcos 3:22–27
Sino ang “malakas na tao” sa analohiyang ito?
(Ikumpara sa Mateo 12:29; Lucas 11:21–22.)
Ang mga eskriba at Fariseo ay inakusahan si Jesus na gumagamit ng kapangyarihan ng diyablo upang palayasin ang mga demonyo. Ipinaliwanag ng Tagapagligtas na ang isang taong nadaig at naigapos ang isang malakas na tao ay tiyak na mas malakas pa kaysa sa taong iyon. Sa kontekstong ito, “ang malakas na tao” ay kumakatawan sa diyablo. Si Jesus ang “mas malakas kaysa sa kanya,” ang taong kayang daigin at igapos ang diyablo. Ang kakayahan ng Tagapagligtas na magpalayas ng mga demonyo ay dapat malinaw nang nagpakita sa mga nag-aakusa sa Kanya na Siya ay may kapangyarihan kay Satanas.
Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage, “Si Cristo ay sumalakay sa kuta ni Satanas, pinalayas ang masasamang espiritu nito mula sa [mga katawan] ng tao na inangkin ng mga ito nang walang karapatan; paano ito nagawa ni Cristo kung hindi Niya muna nilupig ang ‘malakas na tao,’ ang panginoon ng mga demonyo, si Satanas mismo?”
Marcos 4:26–29
Ano ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa sumisibol at lumalaking binhi?
Ang talinghagang ito ay nagtuturo ng tungkol sa pakikipagtulungan ng Diyos sa atin. Ang tao ay nagtatanim ng mga binhi sa isang kapaligiran kung saan maaaring tumubo ang mga ito, ngunit kailangan niyang hintayin na mangyari ang pagtubong iyon. Sa paglipas ng panahon, ang lupa na nilikha ng Diyos ang “[mismong] nagpapasibol sa halaman.” Tulad ng isinulat ni Apostol Pablo, maaari tayong magtanim at magdilig, ngunit ang Diyos ang mahimalang “nagpapalago.” Tanging Diyos lamang ang makapagpapalago ng mga bagay-bagay. Angkop ang alituntuning ito sa espirituwal na pag-unlad ng bawat tao at sa paglago ng Simbahan sa buong mundo.
Lucas 7:11
Ano ang mga pagsisikap na ginawa ng Tagapagligtas para makarating sa nayon ng Nain?
“Ang Nain ay isang maliit na nayon ng mga magsasaka noong panahon ni Jesus. … Ang bayan mismo ay nasa isang lugar na nakabukod. Iisa lamang ang daan papunta roon. Sa panahon ni Jesus, maliit at maralita ang pamayanang ito, at nanatili itong gayon noon pa man. Kung minsan sa kasaysayan nito, ang bayang ito ay nagkaroon lamang ng halos 34 na bahay at 189 katao. …
“Sinimulan ni Lucas ang kanyang salaysay sa paglalahad na isang araw bago iyon si Jesus ay nasa Capernaum at pinagaling ang alipin ng senturion (tingnan sa Lucas 7:1–10). Pagkatapos ay nalaman natin na ‘kinabukasan’ (talata 11; idinagdag ang pagbibigay-diin), nagpunta ang Tagapagligtas sa isang lungsod na tinatawag na Nain, kasama ang isang malaking grupo ng mga disipulo. Napakahalaga ng pagkakasunud-sunod na ito. Ang Capernaum ay nasa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilea, 600 talampakan (183 m) sa ibaba ng lebel ng dagat. Ang Nain ay mga 30 milya (48 km) sa timog-kanluran ng Capernaum sa 700 talampakan (213 m) sa ibabaw ng dagat, kaya mahirap akyatin ang Nain. Ang paglalakad mula Capernaum hanggang Nain ay maaaring abutin ng isa o dalawang araw. … Nangangahulugan ito na marahil ay kinailangang gumising nang napakaaga o posibleng maglakad pa si Jesus sa gabi para maharang ang prusisyon ng libing ‘kinabukasan.’”
Ang kahandaan ng Tagapagligtas na gawin ang mahaba at mahirap na paglalakbay na ito ay isang halimbawa ng Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa balo ng Nain at sa ating lahat.
paglalarawan ni Keith Beavers
Lucas 7:12
Anong mga hamon ang maaaring kinaharap ng balo ng Nain noong namatay ang kanyang bugtong na anak?
Ang mamatayan ng kaisa-isang anak ay trahedya para sa sinuman, ngunit lalo na sa isang balo noong panahon ng Bagong Tipan. Bukod sa paghihirap ng damdamin, maaaring maranasan din niyang magipit sa pananalapi. Ang mga kababaihan ay lubos na umaasa sa mga kamag-anak na lalaki para sa suporta at proteksyon. Kapag nag-asawa ang isang babae, naging bahagi na siya ng pamilya ng kanyang asawa. Ang pag-aalaga sa kanya ay itatalaga sa kanyang panganay na anak na lalaki kapag namatay ang kanyang asawa. Ang panganay na anak ay tumanggap ng mana mula sa kanyang ama upang alagaan ang iba pang mga naulilang miyembro ng pamilya. Nang namatay ang anak ng balo, nawalan siya ng tagapagmana. Maliban kung may iba pa siyang kamag-anak na maaasahan, maaaring magipit siya sa pera.
Lucas 7:24–30
Bakit “walang higit na dakila kay Juan [na Tagapagbautismo]?
Tingnan din sa bahaging “Mateo 11:7–15. Bakit naging dakilang propeta si Juan na Tagapagbautismo?”
Lucas 7:37–38, 44
Ano ang kaugalian ng paghuhugas ng paa ng panauhin?
Habang kumakain si Jesus kasama ang isang Fariseo na nagngangalang Simon, isang babaeng kilalang makasalanan ang lumapit sa Kanya. Bagama’t hindi inanyayahan sa piging, nakapasok ang babae sa bahay ni Simon dahil isang kaugalian noon na hinahayaang tumuloy sa bahay ang mga taong hindi inanyayahan at pati na ang mga estranghero sa oras ng pagkain. Hinugasan ng babae ang mga paa ng Tagapagligtas ng kanyang mga luha at pinahiran ito ng pabango.
Ang paghugas ng mga paa ng panauhin ay tanda ng pagpapakita ng kagandahang-loob sa sinaunang Israel. Ito ay isang gawain na karaniwang itinatalaga sa isang babaeng alipin. Kung walang alipin ang sambahayan, ang nagpapapiging ay naghahanda ng tubig para mahuagasan ng mga panauhin ang kanilang sariling mga paa. Ang kaugaliang ito ay nagpatuloy hanggang sa panahon ng Tagapagligtas.
Hindi tulad ng babae, hindi binigyan ni Simon si Jesus ng tubig para ipanghugas ng paa. Hindi siya nagpakita ng masayang pagbati at hindi nagpahid ng langis sa ulo ni Jesus. Ikinumpara ni Jesus ang kakulangan ni Simon sa paggawa ng mga kaugaliang ito ng kabaitan para sa isang panauhin laban sa mapagpakumbabang paglilingkod ng babae.
Alamin ang Iba Pa
Pinatigil ni Jesus ang Unos
-
Dieter F. Uchtdorf, “Kapayapaang Harapin ang mga Unos sa Buhay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023, 2–5
-
Tingnan din sa Lisa L. Harkness, “Pumayapa Ka, Tumahimik Ka,” Liahona, Nob. 2020, 80–82
Ang Araw ng Sabbath
-
Henry B. Eyring, “Pasasalamat sa Araw ng Sabbath,” Liahona, Nob. 2016, 99–102
Ang Balo ng Nain
-
Keith J. Wilson, “Sa Panahon ng Panghihina ng loob, Alalahanin ang Balo ni Nain,” Liahona, Abr. 2019, 12–17
Media
Mga Video
“Widow of Nain” (2:26)
“Calming the Tempest” (2:21)
“Jesus Forgives Sins and Heals a Man Stricken with Palsy” (2:57)
Mga Larawan
Stilling the Storm [Pagpapayapa sa Unos], ni Ted Henninger
Washing Jesus’s Feet [Paghuhugas ng mga Paa ni Jesus], ni Brian Call